Chapter 21 : Master

79 5 0
                                        



ISANG iglap lang ay agad na nawalan ng malay ang mga guwardiyang nagbabantay sa silid na pinagkakakulungan ni Lilac dahil sa napakabilis na kilos ni Stephen Vozenilek Ang Vozenilek Clan ay kilala bilang mga sonic at mabibilis na nilalang sa buong kaharian. Sila ang angkan ng mga mahuhusaya makipaglaban gamit ang ano mang uri ng patalim at kasama pa ang kakaibang abilidad nito na mabilis na pagkilos.

Bumaba na si Alexandra at kinuha ang susi na nakasabit sa bulsa ng isang guwardiyang walang malay na nakahilata sa sahig. Habang si Stephen naman ay walang nagawa kundi mapasapo na lamang sa kaniyang noo. Ayaw niya ang kaniyang ginagawa nguni't hindi niya magawang tanggihan ang pakiusap ni Alexandra na itinuturing na niyang isang nakababatang kapatid.

"Binibini, ang ganda mo."

Ganoon na lang ang pagkamangha ni Alexandra ng makita ng harapan si Lilac.

"Alexandra, 'wag kang lalapit." saway ni Stephen dito at hinawakan ang braso ng dalaga.

"Iaabot ko lang 'tong pagkain, Stephen. " humakbang si Alexandra papalapit sa nagtatakang si Lilac. Tiningnan niya ito ng masama at umatras si Lilac.

"'Wag kang lalapit. Anong kailangan mo?" masungit at matapang na tanong ni Lilac sa dalaga. Nagulat pa sila dahil sa inasal nito. Isang ngiti at magaan na paghinga ang pinakawalan ni Alexandrang tuluyan siyang makapasok sa loob ng silid. "Sino ka?"

"Ako si Alexandra Windsor. 'Wag kang matakot, Binibini. Nagdala lang ako ng pagkain para sa iyo."

Nagtatakang tinapunan ni Lilac ng tingin ang pagkaing inilapag nito sa sahig at muli itong tumayo. Ngumiti si Alexandra at ibinaba ang takip sa kaniyang ulo at nginitian ang dalaga.

"Bakit? Anong kailangan mo sa akin?"

"Wala. Nais lang kitang makita. Narinig kong ikaw ang sumaksak ng lason kay Lady Annalise. Kanina ka pa namin sinusundan habang papunta pa lang kayo sa palasyo kaya alam kong hindi ka kumakain o umiinom man."

Mas lalong nagtaka si Lilac. Kung isa itong Windsor ay isa ito sa mga Nobles at maaaring kakilala ito ni Lady Annalise. Nguni't nagtataka siyang nandito ito at binibigyan ng makakain at maiinom ang taong inaakusahang naglason sa tagapagmana ng Donnachaid Clan.

"Balak mo ba akong lasunin? Salamat na lang at hindi ko kailangan 'yan. Umalis ka na." wika ni Lilac upang itaboy ang babae.

"Hindi. Walang lason ang pagkain na 'yan. Maniwala ka sa akin. "

"Akala mo ba maloloko mo ako? Isang noble papakainin ang isang taksil na tinatawag? O baka naman ay natutuwa kang nalason si Lady Annalise."

Agad na napailing si Alexandra sa sinabi ni Lilac. "Hindi. Mabait at mapagmahal si Lady Annalise. Hindi ko ikakatuwa ang masamang nangyari sa kaniya. At wala akong balak na lasunin ka. Nais lang kitang bigyan ng pagkain."

"Bakit mo bibigyan ng pagkain ang isang kalaban? Hindi ka ba natatakot sa maaari kong gawin?"

Napayuko si Alexandra at napahawak ng mahigpit sa balabal niya. Huminga siya ng malalim at muling tinapunan ng tingin si Lilac kasama ang isang inosenteng ngiti. "Sa totoo lang ay natatakot ako. Nguni't nais kitang makita ng malapitan. Isa pa, alam ko hindi mo ako masasaktan. Nandito naman si Stephen. Magaling at malakas siya mula sa angkan ng mga Vozenilek. Alam kong hindi niya ako papabayaan."

Dumapo ang tingin ni Lilac sa binatang nakatayo sa labas ng silid na mariing nakatitig sa batang nasa kaniyang harapan. Matangkad ito at hawig ang mukha nito kay Lord Eduard. Nakalapit na rin si Lilac kay Lord Eduard at masasabi niyang may hawig ang binata na ito sa binatang laging kasama ng prinsipe.

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon