Keri Tabitha Priscilla Ruiz
Naikuwento na nila Mama at Papa sa akin noon nang pahapyaw ang tungkol sa kuya ko. Alam ko rin na second family lang kami dahil ang unang naging pamilya ng father ko ay nasawi sa kamay ng kaaway. Italian ang first wife ni Papa. Nagmula ito sa pamilya Russo, kilalang angkan na nagpapatakbo ng malalaking casinos, gambling dens, high end condominiums and restaurants, at kung ilang construction firms sa Sicily. Dalawa lamang daw ang anak ng Russo patriarch at isa na roon ang unang asawa ni Papa.
Dahil walang dugong Italian si Papa, hindi naging positibo ang reaction ng mga Russo nang ipahayag ng kanilang unica hija na magpapakasal sa isang half-Spanish at half-Filipino na kagaya ni Papa na ang tanging maipagmamalaki lamang ay ang linis ng pangalan. Walang yaman. Walang extraordinary talent. Walang angkang maipagmamalaki dahil nagmula lamang sa isang ordinaryong pamilya. Pero sa una lang sumalungat sa relasyon nila Papa at ng unica hija ng pamilya ang Russo patriarch. Nang makita raw nito kung gaano nagmahalan ang dalawa ay pumayag na rin pero sa kasunduang pag-aaralan ng ama ko ang kanilang negosyo.
May pagkakataon in the past na sinubok ang katatagan ng aking ama. Ilang beses daw itong nasangkot sa kaguluhan na inisip niyang maglalagay sa kanya sa tiyak na kamatayan, pero palagi ay may sumasagip sa kanya. Kung hindi isang senior member ng organisasyon na kamag-anak ng mga Russo ay ang kanyang bayaw mismo, ang kuya ng kanyang asawa. Pero sa bandang huli, hindi rin napigilan ng mga kakampi niya ang trahedyang kinasangkutan nilang mag-anak. May nagtanim ng bomba sa yate na kinalululanan nilang tatlo. Nasawi sa pagsabog ang kanyang mag-ina at siya nama'y milagrong nakaligtas. Tumalsik daw kasi siya sa dagat. Liban sa kung ilang fracture, gasgas sa mukha at sa mga braso, wala na siyang ibang inindang pinsala. Ang mag-ina niya raw ang halos hindi na nakilala. Nasunog ang kanilang katawan at halos uling na nang ito'y matagpuan.
"Ms. Ruiz, pinapatawag kayo ng papa n'yo," ani Flora.
Napa-double take ako sa nakita kong anyo ni Flora. Sanay ako sa kanya na tanging uniporme ng mga katulong ang suot. Isang bestidang kulay asul na may apron na puti sa harap. Minsan pa nga'y pati buhok nito ay tinatalian pa ng kulay puting lasso para mag-match sa apron. Kaya ngayong nakasuot na lamang siya ng tight-fiting jeans with white slong sleeves na naka-tuck in sa pantalon ay nanibago ako nang sobra. Ngayon ko lang tuloy napansin na may tindig pala siya at hitsura.
"Ms. Ruiz?"
Napakurap-kurap ako. "Yes, I will be there, Flora. Salamat."
Inisinga tungga ko ang natitirang kape sa tasa at madaliang nginuya ang kapiranggot na cheese cake at iniwan na lamang sa mesa sa veranda ang pinagkainan. Hinayaan kong si Flora na ang magligpit no'n at bumaba na ako sa hagdanan sa gilid. Sa foyer ang labas no'n. Ilang hakbang mula roon ay pintuan na ng study room ng aking ama.
"Come in," malakas niyang tugon matapos kong kumatok ng tatlong beses.
"Pinapatawag n'yo raw ako, Papa?"
Tumingala siya mula sa binabasang papeles sa mesa at ngumiti sa akin. Bago pa ako makalapit ay nagtanggal na siya ng salamin. No'n ko lang din napansin ang kanyang bisita.
"Did you have a good sleep?"
"Opo." Sumulyap akong muli sa guwapong lalaki na nakaupo sa isa sa mga visitor's chair sa harapan ng desk ng aking ama.
"Sit down."
Hindi nakalampas sa paningin ko na hindi mukhang purong Pinoy ang panauhin. Matangos ang kanyang ilong, namumula-mula ang pisngi, manipis ang mapupulang labi, at malalantik ang pilik-mata. Sa biglang tingin para siyang isang modelo. Kung hindi ko pa nadiskubre ang tipo ng tunay na trabaho ni Papa baka iisipin kong ang bisita ay isa ngang ramp model.
BINABASA MO ANG
QUEEN SERIES #2: THE HERMES QUEEN (COMPLETE)
RomanceKeri Tabitha Priscilla Ruiz is obsessed with anything posh. Thanks to her best friend, Eula Anai, who introduced her to the world of luxurious girly things. But just when Eula has miraculously gotten rid of her obsession with branded things, Keri be...