CHAPTER FIVE

395 7 0
                                    

Isang umaga, nagmamadaling naglalakad si Samantha patungo sa sakayan ng mga jeep patungo sa General Trias.  Ngayon ang final interview niya dun sa bagong kumpanya na inaplayan niya isang buwan na ang nakakaraan. 

Pagliko niya sa kanto ay eksakto namang namataan niya si Luke papasakay ng itim na Mitsubishi Montero nito.  Aktong magbubukas ito ng pinto ng kotse ng tumunog ang cellphone nito at sinagot muna ang tumatawag sa kanya. 

Hindi malaman ni Samantha kung uurong o magpapatuloy sa paglalakad dahil tiyak namang madadaanan niya si Luke at makikita siya.  Nang ito'y tumalikod, sinamantala niya ang paglakad ng mabilis at nakayuko.  Dali-dali niya itong nilampasan at kung bakit naman sa sobrang pagkataranta niya ay nabitiwan niya ang hawak niyang panyo doon mismo sa tapat ni Luke. Patay!  Kung mamalasin ka nga namang talaga!  Dumeretso siya ng lakad at walang lingun-lingon na lumiko siya sa kabilang kanto para makapagkubli sa mga nakaparadang tricycle doon.  Mula doon ay pinagmasdan niya si Luke.  Hinintay na makaalis ito para mabalikan niya ang nabitiwang panyo.

Dinampot ni Luke and panyo at iiling-iling ang ulo na inamoy yun.  Tumiklop ang mukha nito na parang hindi nagustuhan ang naamoy sabay pahid ng panyo sa side mirror ng kotse niya.  Hindi pa nakuntento, pinampunas pa nito ang panyo sa black leather shoes na suot at pagkatapos ay sabay hagis sa katapat na basurahan.  Shoot!  Aray!  Sigaw ng puso niya.


~~~~~****~~~~~


Maagang natapos ang interview niya at bago siya lumabas ng manufacturing company na iyon ay sinabihan na siya ng HR Manager na tanggap na siya at pwede na siyang magsimula next week.  Executive Assistant to the President and CEO ang inaplayan niya.

Nag-aabang siya ng jeep ng makita niyang tumumba ang isang di naman katandaang babae sa kalye dahil nasagihan ito ng isang rumaragasang kotse.  Umatras ang kotseng iyon at bukod sa akala niya ay tutulungang makabangon ang babae.  Bagkus ay nagtatalak pa ang mayabang na driver ng kotse. "Hoy matanda ka, 'wag ka kasing tatanga-tanga diyan.  Ayan tuloy ang napala mo!"

Nagpanting ang tenga niya sa narinig at sumabat siya, "Aba bastos ka ah! Ikaw na nga ang nakasakit, ikaw pa ang matapang!  Mabangga ka sana!"

"Hoy magandang pakialamera, kundi lang ako nagmamadali, papatulan kita.  Pasalamat ka.  Pero may araw ka rin sa akin!" pagbabanta nito sabay pinaharurot ang kanyang kotse.

Tinulungan niyang makatayo ang matandang babae.  Halatang nahilo ito at namumutla pa kaya inalalayan niya ito at pumasok sila sa restaurant na malapit sa abangan ng mga jeep para mapainom niya ito ng tubig or softdrinks man lang dahil putlang-putla ito.

"Maraming salamat ineng.  Napakabuti mo.  Pagpalain ka nawa ng Diyos sa kabusilakan ng iyong puso." sabi nito sa kanya habang hinahaplos-haplos nito ang kanyang braso.  Napansin niya ang maayos na pananamit nito at mukha itong elegante.

Hindi sila lumabas ng restaurant na iyon hangga't di niya natiyak na okey na ang matanda.  Kaya habang nagpapalipas ng oras ay nagkwentuhan sila ng matanda at napag-alaman niyang ang pangalan nito ay Sylvanna at nagpatawag ito sa kanya ng Tita.  Sisenta anyos na ito at sa Tagaytay City nakatira.  Matandang dalaga ito at nag-iisa na lang na nakatira sa bahay niya. Ang mga kapatid nito ay nasa abroad ng lahat.  May mga pamangkin siya pero lahat sila ay sa Maynila at Makati naninirahan.  Minsan na lang niya makita ang mga ito.

Hindi mapalagay ang dalaga.  Iniisip niya kung pababayaan niyang maglakbay mag-isa pauwi itong si Tita Sylvanna ay baka mahilo na naman iyon at baka kung mapaano na.  Mabuti kung may tutulong ulit sa kanya.  Kaya't napagpasyahan niyang ihatid na lang ito hanggang sa bahay nito. Tutal maaga pa naman at hindi siya aabutin ng gabi sa daan.

Todo-todo ang pagtanggi nito sa kanya.  Kaya naman daw niya at sanay siyang mag-commute.  Sa bandang huli ay si Samantha din ang nasunod.

Maganda at katamtaman ang laki ng bahay ni Tita Sylvanna sa gilid ng burol overlooking sa Taal Lake.  Breathtaking ang view mula sa balkonahe na nasa likod ng bahay.  Doon sila nagkape ni Tita Sylvanna habang ninanamnam niya ang ganda ng view at ang malamig na simoy ng hangin.

"Iha, maraming salamat talaga sa lahat ng ginawa mo sa akin ngayong araw na ito.  Hinding-hindi ko ito makakalimutan." Sabi nito habang hawak ang kanyang kamay.  Kanina pa niya napansin na napakalambing ng matandang ito at mahilig itong humawak at humaplos sa kanya kapag nakikipag-usap.  Parang si mommy ko.  Bigla tuloy niya naalala ang kanyang ina.

"Wala po iyon, Tita Sylvanna.  Kahit po sino ay gagawin din itong mga ginawa ko.  Huwag po kayong mag-alala.  Ang importante po ay maayos na ang pakiramdam ninyo at naiuwi ko na kayo ng matiwasay at ligtas.  Pahinga na lang po kayo buong maghapon." sagot naman niya na may kasamang matamis na ngiti.

"Alam mo ba na daig mo pa ang isang anghel na bumaba sa lupa?  Napakaganda mo iha at napakabuti mo pa." pinipisil-pisil naman nito ang kanyang mga kamay habang nagsasalita.  Wari'y napahiya siya sa tinuran ng matanda.  Namula ang kanyang mukha.

"Tatanawin kong isang malaking utang na loob ang mga ginawa mo sa akin, Samantha.  Kaya kung may kailangan ka, pera, trabaho, kaibigan, matutuluyan, kahit ano, alalahanin mo lang ako at hindi ka mapapahiya sa akin.  Ganyan ako kung tumanaw ng utang na loob." Tinapik-tapik nito ng marahan ang braso ng dalaga.  "Tandaan mo, kahit ano.  Huwag kang mahihiya sa akin." dugtong pa nito habang titig na titig sa maganda niyang mukha.

Nagpaalam na din siya nang masiguro niyang okey na okey na talaga si Tita Sylvanna.  Inihatid pa siya nito hanggang sa may gate ng bahay.  Naglalakad na siya patungo sa abangan ng bus ng harangin siya ng isang matandang lalake na matanda lang siguro ng kaunti kay Tita Sylvanna.

"Nanggaling ka sa bahay ni Sylvanna?  May pinatrabaho ka ba sa kanya?" tanong nito na may tunog ng pag-iintriga.

"Ano ho? Hindi ko ho kayo maintindihan." tanong niya dito.

"Ikako, may pinatrabaho ka ba ke Sylvanna?  Nakita kitang lumabas mula sa bahay niya.  Dati daw kasing kilalang mangkukulam yan sa pinanggalingan niya doon sa Maragondon.  Ang balita eh di na daw nangungulam ngayon dahil nagkaproblema yata dun sa huling kinulam niya. Palpak daw!" nagmamalaki pang pagbibida nito.

Nanlalaki ang mga mata niya sa narinig.  Ha? Si Tita Sylvanna dating kilalang mangkukulam?  Parang wala naman sa itsura niya at saka wala naman akong nakitang kakaiba sa loob ng bahay niya! Pangangatwiran ng isip niya.

"Lolo, baka po chismis lang yon.  Manghuhula po ang Tita Sylvanna ko at hindi mangkukulam." pagsisinungaling niyang ipinagtanggol ito.  Kinailangan niyang magpanggap na pamangkin siya para tumigil na sa paninira ang matandang lalaki.  Kalalaking tao ay chismoso! 

Sumulyap siya sa huling pagkakataon sa bahay ni Tita Sylvanna bago sumakay ng bus.  Wala siyang ibang nararamdaman sa bahay na iyon kundi kaligayahan at pagmamahal lamang.  Isang magaan at masarap na pakiramdam...

LOVE SPELL (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon