CHAPTER SEVEN

403 9 0
                                    

Nagdaan ang mga araw sa pagitan nina Luke at Samantha na pawang civil ang pakikitungo sa isa't isa.  Palibhasa'y parehong professional kaya hindi naging mahirap dito ang magplastikan sa isa't isa.  Kahit sabihin pa na parang sa umpisa pa lamang ay gusto ng sumuko ni Samantha at mag-resign na lang dahil hindi niya matagalan na makasama si Luke araw-araw.  Hindi niya matagalan na para itong Ice Man sa lamig ng pakikitungo nito sa kanya. At madalas pa itong galit sa kanya.

Aminin man ni Samantha sa sarili niya o hindi, ngayong nakakasama niya si Luke araw-araw ay lalo niyang nami-miss yung binatilyong Luke na nakilala niya at dating minamahal.  Sa paglipas ng mga araw ay napatunayan niyang lumakad lang pala ang panahon at lumaki lang sila, pero ang natatanging damdamin niya para dito ay hindi nawala at bagkus ay lumaki din kasabay ng paglaki nila.  Mas malaki pa. At mas lalo niyang minamahal si Luke ngayon kahit na nasasaktan siya araw-araw.

At itong pagmamahal niya kay Luke ang tanging pumipigil sa kanya para mag-resign at humanap ng ibang mapapagtrabahuhan.  Galit man sa kanya ang lalaki pero hindi niya kaya na hindi ito makita araw-araw.  Kakayanin niyang pagdusahan ang anumang galit nito sa kanya, ang matatalim na tingin at ang malamig pa kaysa yelong pakikitungo nito sa kanya, huwag lang lumipas ang isang araw na hindi niya ito nakikita or naririnig man lang ang boses kahit sa telepono.  Okey na sa kanya ang iced cold employer-employee relationship nila ni Luke kaysa mawala na namang muli ito sa buhay niya.

"Ang pogi talaga ni MLM, no?" narinig niyang sambit ng officemate niyang si Lea.  

Nasa canteen sila noon at kasalukuyang nagla-lunch.  Madami na rin siyang mga naging kaibigan sa kumpanyang iyon at napag-alaman niyang halos lahat ng mga babaeng empleyada doon ay may crush sa boss niya.  Doon na lang din niya nalaman na after all these years, at the age of 30 ay binata pa rin pala ito. 

"Hay naku girl, itong si Ysabel ang pinakasuwerte sa lahat.  Araw-araw ay nakakasama niya si MLM. Napapagsilbihan pa niya.  Naipagtitimpla pa ng kape." kinikilig na sabi ni Trixie.  

Nakasanayan na ng lahat sa kumpanyang iyon na tawagin siyang Ysabel dahil ito ang pangalan na sinabi sa kanilang lahat ng HR Manager nilang si Helen ng ipinakilala siya nito noong unang araw niya sa kumpanyang iyon.

Walang nakakahalata sa kanilang mga kaopisina na may namamagitang manipis na salamin sa gitna nila ni Luke.  Abot tanaw at abot kamay pero may distansiya sa pagitan nilang dalawa.  Yan ang sitwasyon nila araw-araw.  

At hanggang ngayon nga ay hindi pa rin niya alam kung bakit ng muli itong sumulpot sa buhay niya ay nag-iba na ito ng pakikitungo sa kanya.  Siya ang iniwan.  Siya ang nasaktan.  Siya dapat ang galit.  Pero bakit itong si Luke ang tila galit na galit? Hindi niya magawang tanungin ang binata dahil sa kahihiyan.  Dagdag pa ang katotohanang puro trabaho lang ang kanilang pinag-uusapan sa opisina at wala ng iba.  Nakakahiyang magtanong ng personal na tanong.

"Akala n'yo lang 'yun.  Masyadong seryoso ang boss natin at may pagka-perfectionist kaya dapat laging maayos ang trabaho." malungkot niyang sabi.

"Huy mga girls, wag kayo, pero I heard may serious girlfriend yang si MLM ha.  'Yung magandang babaeng bida sa commercial ng toothpaste." sabad ni Doreen ng pabulong para walang makarinig kundi sila lang sa table na iyon.

"Alin, yung commercial na may seksing babaeng nakahiga sa bed tapos tumayo at nagpunta sa bathroom, tapos nag-toothbrush?" tanong ni Lea.

"Oo, yun nga.  Ang ganda no?  Matagal na daw na mag-sweetheart ang babaeng yun at si MLM.  At eto pa, dito sa office, istrikto at seryoso si MLM, pero every time na kasama niya yung girlfriend niya, lumalabas ang natural niyang ugali na masayahin at romantiko. Balita ko pa, malapit na daw ikasal ang dalawang yun!" Sagot ni Doreen.

Hindi malaman ni Samantha kung maiiyak sa naririnig. Hindi siya makapaniwala. Bigla siyang sinamaan ng pakiramdam. Daig pa niya ang binuhusan ng isang baldeng yelo na tumanggap ng ice bucket challenge.

"Naliligaw dito sa office yung girl na yun, di ba?" tanong ulit ni Lea.

"Anong naliligaw? Ang sabihin mo, madalas dito yun at laging nakadikit kay MLM.  Kulang na lang dito siya magtrabaho para lagi siyang nakapulupot ke sir. Para silang langgam at asukal.  Hoy Ysabel, nakita mo na ba yung girlfriend ng boss mo ha?  Balita ko every time nandito yung girl, madalas daw 'yung dalawa nagkukulong sa office ni MLM. Totoo ba?" chismis ni Doreen, sabay siko sa kanya.

Parang langgam at asuka pala ah... Biglang dumilim ang mukha niya at parang gusto niyang masuka.

"Baka wala na sila kasi magtu-two months na ako dito ay wala naman akong nakikitang pumupulupot na parang sawa sa boss ko." pagalit niyang sagot.

"Uyy affected? Magalit ba sa girlfriend ni MLM?  Wala naman akong sinabing sawa.  Ang sabi ko, langgam." nanunuksong sabi ni Doreen at natabunan ng maingay at masayang tawanan ng mga kasama niya sa mesang iyon ang samu't saring emosyon na biglang nagsulputan galing sa puso niya.

~~~~~****~~~~~

At dumating ang araw na nakita ni Samantha ang sawa.  Ay, ang langgam pala. 

"Excuse me, Ysabel right? Is Migz there?" magandang tinig ang narinig niya habang nakayuko siya at busy sa pagta-type ng monthly report ng boss niya.

Isang seksi at magandang babae ang ngayo'y nakatayo sa harap niya.  Matangkad ito at maputi ring tulad niya.  Bob cut ang style ng buhok na itim na itim. 

Migz... Migz?  Migz! Napataas ang kilay niya.  Migz ang tawag ng babaeng ito kay Luke?  Tiningnan niyang muli ang babae sa harap niya.  Eto nga.  Siya nga ang babae sa commercial ng toothpaste!  Eto na nga ang sawa. Nalulungkot na sabi ng utak niya.

Ngumiti siya sa babae ng ubod tamis. "Who shall I say is looking for him?"

"Hindi mo ako kilala? Everybody knows me. But then again you're new here.  Tell my boyfriend, Charlene is here.  Or if he is not busy, siguro naman pwede na akong pumasok sa office niya 'no?  After all, ako lang naman ang fiancée niya." mataray nitong sagot sa kanya habang tinitingnan siya ng matalim.

Biglang umikot ang mundo ni Samantha at para na naman siyang binuhusan ng malamig na tubig. O parang natuklaw ng ahas dahil natutop siya nito at hindi niya nagugustuhan ang mga salitang lumalabas sa bibig ng sawa!

Akmang iaangat na niya ang intercom ng lumabas si Luke ng opisina nito at nakita si Charlene.  At sa mismong harapan niya ay nakita niya kung papaano pumulupot ang sawa at naghalikan pa ang mga ito. Maalab at matindi.

"I missed you, Sweetheart! Did you miss me?" masuyo nitong sabi sa binata sabay halik muli sa labi nito.

Hindi sumagot si Luke at may iba pang nakitang emosyon sa mukha ng binata si Samantha na hindi niya mapagtanto kung ano.  Pilit niyang kinokontrol ang mga luhang kanina pa gustong mag-unahan sa pagbagsak mula sa mga mata niya.

"Samantha, this is Charlene.  Charlene, Samantha." Pinakilala sila ni Luke sa isa't isa habang si Charlene ay nakapulupot pa rin ng mahigpit at panay ang halik sa pisngi ni Luke na parang sabik na sabik.

"Excuse me." sabay tayo niya at halos patakbong tinungo ang comfort room.  Kung di siya aalis sa eksena ay baka pumatak na ang mga luha niya sa harap ng dalawang naglalampungang sawa.

"Ba-Samantha!" napabiglang tawag ni Luke sa kanya at hinabol siya ng tingin.  Di nito malaman kung anong damdamin ang biglang sumambulat mula sa dibdib nito.

"Samantha? Di ba Ysabel ang name niya?" tanong ni Charlene.

Nakatanaw pa rin ang binata sa saradong pinto ng ladies' comfort room hanggang sa pumasok na sila ni Charlene sa kanyang opisina at nag-lock ng pinto. 



LOVE SPELL (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon