Abril ang paboritong buwan mo
Tunog totoo ngunit purong biro
Sa tono ba naman ng tinig mo
Sinong 'di maniniwala, ako pa bang nabihag mo?
Mahal kita nang 'di sadya
Katulad ng tamis mo kung saan ako nagpaniwala
Lahat ng saya ay huwad pala
Umasa ako, bato pala
Sa pagsapit ng Abril
Maraming maniniwala
Katulad sa pagkakamali ko
Hindi ko iyon mabubura
Ang tinig mo
Sa pagsabi mo ng 'mahal mo ako'
Ako ay nagsamo
Ako ay nagpauto
Ano naman kung 'di pa Abril ay naloko mo na ako?
Ano naman kung Enero palang ay nabihag mo na ako?
Ano naman kung ang lahat ng kilig, saya at lumbay na pinagsamahan natin ay pawang panloloko?
Ano nga bang halaga ng nararamdaman ko ngayon kung sa akin ay langit ang naparamdam mo?
Hindi ko lubos maisip na ang maniwala sa iyo ay isang pagkakamali
Kasi kung ako'y bibigyan ng pag-asang lahat ay ulitin
Natatakot ako na ang puso ko ay ganoon katanga
Para bumalik lamang muli
Sa pamilyar na landas
Na minsan ko nang nadaanan
Hindi handang matuto
Ang napaikot na puso
Sa dadaan na Abril
Bakit hindi mo sabihing muli?
Bigkasing muli na 'mahal mo ako'
Ayos lang kahit na pabiro
Handa akong kalimutan na Abril ang paboritong buwan mo.
______________________
04/15/22
Writer's Note:
Happy April Fool's Day, everyone!
Lokohin na ang lahat, huwag lang ang confession.
