Mawalan man ng saysay ang paningin
Isang sabi lang ng "Piyaya" ito'y madidinggin
Mabubuo ang Imahen ng tatlong magkakaibigan
Kasabay ng mga alaalang katumbas ng kayamanan
Sa unang tingin, hindi ko akalain
Sa paglipat ng lugar, kaba'y pipintasin
Tibok ng puso ay naghuhurumintado
Pagtungtong sa bagong lugar, dala ang kaba dito
Sa lahat ng nadarama, naririnig, at bagong nakikita
Walang masabi sa pagbabago mula sa dati
Parang naligaw na pusa sa siyudad
Namumuo ang takot, kaba, at pag-aalala
Lumipas ang araw, iniharap ang mukha
Pangalan ay inilahad sa mata ng madla
Nangilala nang patago, at nagkunwaring walang kibo
Pilit isinantabi ang itinatagong takot at pagkalito
Ngunit sa isang ngiti, isang lahad ng kamay,
Tila'y binigyang kulay at liwanag, ikaw ang naging tulay
Patungo sa daang walang kasiguraduhan
Tatlong anghel, hinawakan niyo ang aking kamay
Hindi pa rin malilimutan, ang ngiti ng pag-alok
Pinilit mananghalian kahit umusog pa sa sulok
Ang kulit mo....ninyo, aaminin ko
Inagaw pa ang baunan at dinala sa pwesto niyo
Sa lumang kantina kung saan natagpuan
Tumungo sa upuan, kunwari'y napipilitan
Tatlong mga anghel na sinalubong ako ng ngiti
Sila ang dahilan ng unang pagsilay ko ng ngiti sa labi
'Anak ng pating' sabi sa isip ko
Mukhang naiirita, pero ang puso, todo ngiti na ito
Ang isip ay kunwaring galit at nagulat
Pero ang damdamin ay nagsasabi ng 'salamat'
Hindi akalain na sa lumang kantina pa makikita
Ang gintong kahit sa dyaryo ay 'di pa naibabalita
Kahit man lang sa sulating ito ay maipadarama
Kung gaano ako kasaya nang kayo'y aking nakilala
Di lamang ang tiyan ang nabusog sa laman
Pati ang kaluluwa'y nakaramdam ng gaan
Ang bawat paghinga ay may ginhawa
Sa eskwelahan pala matatagpuan ang aking mga "pahinga"
Mabulag man ako at mawalan ng saysay ang paningin
Hindi pa rin mawawala ang pangalan niyo sa mga panalangin
Masusumpungan ang pagbanggit ng salitang "Piyaya"
Lilitaw ang imahen ng tatlong babae na inaalok ako,
Ang tawag sa kanila ay "kaibigan"
______________________
7-21-23
2:23 pm
Writer's note:
Yie. May appearance na sila sa writing account ko, oh.
