Doktor, albularyo, pati siyentipiko
Pare-parehong umiiling ang mga ulo
Ospital, Baryo, nakarating pa sang lupalop
Lahat sila, inilahad ang salita ng diyablo
"Konting oras na lang mayron ang nanay mo"
Naglandas ang mga luha
Puso'y tila pinipiga
Dugo, balat, organo
Ano pa ang pwede ibahagi kay ina?
Maliliyo, masusuka, luluha
Baka naman pwede pa?
Awa ang dala ng mga titingin
Sinusundo na daw ang aking ina, dapat nang tanggapin
Puta.
Puta ka, kamatayan
Bakit ang aking ina?
Andaming magnanakaw at masasama
Sa lahat ng pinili, bakit ang mabuti pa?
Aking ina, na dinala ako bilang parte niya
Ang aking ina, na kahati ko sa wangis niya
Ang nanay kong nagtrabaho buong buhay niya
Ang nanay kong nais lamang panoorin akong tumanda
Hindi ko pa naibibigay sa kaniya lahat
Hindi ko pa nasusuklian nang sapat
Ang pakainin siya ng mamahalin at masasarap
Ang mabuhay nang marangya at walang hirap
Yayaman pa siya
Tataba pa ang kulubot niyang balat
Hahawak pa siya ng milyon
At bibigyan mo pa'ko ng pagkakataon
Kaya, kamatayan, mahabag ka
Gagawin ko pa lahat ng iyon para sa kaniya
Kamatayan ko din ang siyang pagsundo mo
Kamatayan, lubayan mo ang nanay ko
Inked 061125 9:29pm
