A Spoken Poetry by Eliexists
Babae, Lalaki, Bakla, Tomboy, Trans, Bi
Ilan lang yan sa mga katawagang ginagamit pang-uri sa kasarian ng isang tao
Katawagang ginagamit pang-basehan
Siya kung saan dumedepende ang lebel ng ibinibigay na respeto
Maraming pumupuna
Maraming kumokontrol
Maraming nagsasabi ng kung ano ang tama at mali
Kung ano ang dapat sa hindi
Para matanggap ng nakararami
Maraming mata ang mapanuyang nakatingin
Maraming bibig ang palaging may nasasabi
Maraming daliri mula sa iba't-ibang taong na ginagamit sa panunugod ng kapwa tao sa social media
Pinupuna, hina-harass nang sekswal, sinasabihan ng masasakit na salita
Dahil sa kasarian niya
Kailangan ko bang ibahin ang sarili?
Para matanggap ng nakararami?
'Babae ka, ganito ka dapat kumilos'
'Lalaki ka, ganito dapat ang ayos mo'
'Ang babae ay para sa lalaki at ang lalaki ay para sa babae lamang'
Ginamit ang salita ng Diyos para limitahan ang karapatan ng isang tao
Ginawang oportunidad ang Bibliya para makapanakit ng kapwa mo
Hindi ba't ang layunin naman ng diyos ay ilaganap ang pagmamahal sa mundo?
Bakit mo ito ginawang rason upang tapak-tapakan ang dangal ng isang tao?
Sa dami ng taong nakakapansin at patagong nanghuhusga,
Sa dinami-rami ng akala mo ay mga perpektong tao na nagko-kontrol sa puntong pati sarili mo ay hindi mo na makilala
Hindi ka malaya
Sariling ako ay pilit na ikinukubli, para 'di pagbuhatan ni Tatay
Kasarian kong pilit isinisiksik sa dilim, para hindi maitakwil ni Nanay
Kalayaan kong kumilos maging sa pananamit ay itinago para hindi molestiyahin sa daan
Katauhan kong itinago para hindi mabalewala lamang at saktan
Andami kong ginawa
Andami kong tiyansang pinaalpas--mga pagibig na iniwas
Kaibigang itinaboy at itinapong pagkakakilanlan
Makamit lang ang inyong mga inaasahan
Napakarami kong paghihigpit na ginawa sa sarili
Ang dami kong inabandona, kinulong pati na ang sarili
Hindi ako malaya
Hindi ako malaya. Oo, hindi ako malaya.
Katulad mo ako
At marami sa atin na hindi tanggap sa mundong ito
Sarili kong pamilya sinasabing hindi ako kaaya-aya
Iniwan, sinaktan, 'di lang pisikal kundi pati emosyonal
Ang pagiging bakla, trans, o bi ginawang sakit na mental
'Salot daw ako sa lipunan'
Walang nais tumanggap sa naiiba
Sa pananakit ng tao ang naging silbi ng mga bunganga
'Wala akong anak na tomboy, malas kang bayot'
'Pareho kayong babae pagkatapos ay gusto mo siya? Layuan mo'ko, nakakadiri ka'
Saan ako lulugar?
Sa mundong mapanakit na kahit lumagay ka sa tahimik,
Gugugulin ang distansya, lalagpasan ang hangganan ng mga taong walang pakundangan
Parang isang galis na hindi mo makati-kati
Hindi sila nasisiyahan hangga't 'di nakakasakit at ang pagiging normal ay ipamukha at maipagmalaki
May problema ba sa akin?
"Ma, anak mo ako, iniluwal mo sa mundong ito, sabi mo noon ay isa akong regalo"
"Papa, patawarin mo ako, pagka't ang dalaga niyo ay dalaga rin ang gusto"
Kayo!
Kayo na nakaririnig nito, Tao ako
Tao rin ako at may karapatang irespeto
Tayo rin ako at may karapatang magmahal, mahalin, at mabuhay tulad ninyo
Anuman ang kasarian ko
Hindi ako salot
Hindi ito sakit at walang mali sa akin
Bigyan mo ako ng kalayaan
Bigyan moko ng karapatang magmahal ng sinumang ninanais ko
Huwag mo akong siraan o gipitin
Huwag mo akong saktan o maltratuhin
Tao ako
Tao ako na nararapat na matanggap din
Hindi ako laruan
Hindi ako nakakahawang sakit
Pareho tayong tao, ngunit kung sukatan ang kabutihan ng puso, dahil sa mapag-puna mong mga labi at maruming budhi
mukhang mas titimbang ang akin
Hindi sarili ko ang kailangang baguhin kundi ang paraan mo ng pagsasalita at pagiisip
Bago mo ako husgahan, tignan mo muna ang mali sa sarili mo at kung bakit mo'ko tinatahulan nang walang dahilan
Hindi ako ang problema
Hindi ako ang pangit
Hindi ang katauhan ko ang mali
Kundi ang mundong ito
Mundong kinalakhan ko kung saan nakatira ang mga naturingang kapwa tao
Pero mga ulol na hayop sa paghahanap ng mapupuna sa ibang tao
Gusto ko lang maging malaya
________________________
01/31/21
Writer's note:
With the power of every word this poem holds, you'd know what I'm fighting for 🌈❤
ud, 07/25/24: We are finally seen, heard, and recognized to existence.
