Puting bungkos ng mga bulaklak
Luhang tila ipinilit na ipatak
Rosa-rosaryong panalangin
Mga bulong ng memorya sa hangin
Sa paglisan
Siyang pinagtuunan ng pansin
Sa paglubog ng araw
Saka lang nagustuhan ang taglay na init
Mga litratong
hinukay sa telepono
Mga alaala't relasyong nakabaon na
Pero pilit pading binubungkal ninyo
Ngingiti habang iniisip ang dati,
At siya'y muling isasapuso
Bigla'y ang kasuklam-suklam noon
Ay naging inay, ate, at kaibigan na ulit ngayon
Pero kahit damihan pa ang mga bulaklak
Dumugin man ng pagbabaliktanaw ang gawin mo
Kahit lunurin sa papuri ang nawala,
Hindi na aahon at iinit ang labi ng yumao
Gagawan ng awitin
Patatayuan ng rebulto
Ngayon sasabihin
Kung gaano mo kamahal ito
Hindi mabubura ng pagsisisi
Ang impyernong dinanas ng yumao sa mundo
Hindi na madidinggin ang huwad na patawad
Sa bawat pagtirik ng kandilang nauupos
Sa burol na kaylungkot, nakakatawa
Inalayan pa ng kape ang pekeng bisita
Pulos mga nagkukunwari at nakamaskara
Aaktong hihikbi, magpupunas pa ng luha
Pero nakita ko na at narinig ko na
Kung paano ka, bago isinara ang mga mata
Nakatatak na sa'kin ang talas ng boses mo
Sa pagbanggit ng masasakit na salita
Batid ko na ang huwad sa totoo
Pati na ang peke sa mga sinabi mo
Hindi totoong aalahanin mo
Puro kasinungalingan lang ang laman ng caption mo
𝘋𝘢𝘩𝘪𝘭 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘪𝘺𝘰 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢 𝘺𝘶𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰.
𝐇𝐮𝐰𝐚𝐠 𝐍𝐚 𝐓𝐚𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐆𝐢𝐠𝐢𝐬𝐢𝐧𝐠 𝐔𝐥𝐢𝐭.
