Andaming tanong at 'di maintindihang dahilan
Lahat nagtuturo sa'kin bilang may kasalanan
Baka hindi ako naging sapat?
Baka naman sumobra ako?
Baka nga kasalanan ko talaga
Kung bakit iniwan mo ako sa gitna ng ating tagpo
Araw-araw kung diktahan at sukatin
Iba't ibang salita mula sa iba't ibang tao
Na hindi naman nasubukan ang sapatos
Na siyang nagpadugo at nagpaltos sa mga paa ko
Buong buhay at kung gabi-gabi
Maski ang panunudyo at matatalim na hintuturo
ay magaya ng sariling daliri patungo sa akin
Habang tinititigan ang sariling imahe sa salamin
Hangad na punan ang naging kulang,
Kung mayroon man
Igagapang ang paghingi ng tawad,
Para sa muli ay tanggapin mo lang
Kung sa pagmamahal ko ay nasakal ka man
Patuloy na magpupundi at makikiusap
Pipirmi, pipikit, hindi kikilos kung hindi iyong sinabihan
Mananahimik, mananahan, pilit manliliit sa iyong ilaw
Na ako ang tinurong dahilan ng iyong kataksilan
Kaso...
Baka...
Baka hindi naman talaga ako
Baka hindi naman talaga ako ang problema
Sadyang napaniwala lang
Baka hindi naman pala kulang
At hindi rin sumobra
Baka hindi ko kasalanan
Ang Desisyon mo lang pala
Baka ako lang ang nasisi sa gawa ng iba
Baka sa akin itinuro upang maligtas ka
Ano nga ba ang isasagot mo kapag tinanong nila?
"Ano ang dahilan bakit ka naghanap ng iba?"
Hindi ang pananawa sa hubog ng katawan ko
Nangako ka nang pinili mo ako
Hindi ang wangis kong pinagsawaan mo
Iyan kamo ang nagpatibok nang ako'y niligawan mo
Hindi ang lubos na pagmamahal ko
Batid kong pasasalamatan iyon ng tamang tao
Hindi ang sinasabi mong kakulangan ko
Buo na ako bago winasak mo
Walang tumuro sa mali mo,
Pero ako ang masama nung nasaktan ako
Baka oras na para tigilan
Ang lubusang pagsisi sa sarili
Baka oras na para makita
Ang tunay na siyang salarin
Sa perpektong krimen ng inaakala kong perpektong tao para sa akin
Baka oras na para tanggapin
na maling tao ka lang talaga
At ang kasalanan mo ay hindi akin
