Hi! Kamusta kana?
Ako ito, ang matagal nang umiibig sayo
Nilakasan ang loob na sulatan ka ng tula
Ngayong araw ng mga puso
Kamusta naman ang araw mo?
Nasisimulan parin ba sa pagsindi sa umaga ng radyo?
Ako, nandito pa rin, sa dati nating tagpo
Pilit inaalala ang araw na pinansin mo ako
Naaalala ko pa rin ang rikit ng iyong ngiti
Ang kislap ng kaaya-aya mong mga mata
Lahat ng katangiang bubuo sa katotohanan
Na kung gaano kang kaganda
Pasensya na at matagal akong hindi nakapagsulat,
Nawalan ng oras upang iangat ang lapis at ang mga pahina ay ibuklat
Sa araw-araw, naaagaw ang atensyon ko ng mga aklat
Sa mga sandaling ito, magsusulat ako ng liham sa'yo, pinagpapalit ang lahat
Sa araw ng mga puso
Tiyak mapupuno ng mga regalo
Mga dalaga sa daan
Naghahakot ng mga suyo
Suyong may kasamang matatamis na kendi
At mga rosas kaakibat ng mga nakakahulog na ngiti
Sabay bigkas sa katagang inensayo buong gabi
Makamtan lang ang ngiting inaasahan sa labi ng kanilang binibini
Hindi makakalimutan ang sandamakmak na lobo
Lahat ng ito ay sasadyain sa hugis ng mga puso
Makintab, Makinis, at sabay sa uso
Bibitbitin ang mija sa retawran na pinaghandaan nang isang linggo
Lahat bibilhin, lahat dadamputin
Stuffed toys, lobo, para sa puso mong nais sungkitin
Susuotin lahat ng may tatak na mamahalin
Lahat ay ibibigay sa'yo, upang atensyon mo'y magawang akitin
Ngunit hindi ako katulad nila. Paano?
Hindi ko kayang bilhin ang lumilipad na mga puso
Ang kumpol ng mga rosas ay hindi abot ng pitaka ko
At hindi ko kailanman naisip na materyal na bagay lamang ang katapat ng puso mo
Wala akong magandang lugar na alam kung saan ka maidadala
Ikaw lang kasi ang magandang tanawin na nakatatak sa alaala
Ni hindi makasabay sa uso, pati sa magarbong ginagawa ng iba
Hindi ko kasi naisip na ang pagtatapat ay bumabase sa nilalaman ng bulsa
Nandito ako ngayon sa harapan mo
Walang tsokolateng hawak, nawawala rin ang mga lobo
Bitbit lamang ang paborito mong pandecoco
At isang daang bulaklak na papel na buong gabi kong tiniklop
Sa pagsusulat nito,
Tila ako'y natatawa sa hiya
Haha. Pasensya ka na, mahal kong Maria
Tula lang ang kaya kong ibigay sa iyo
Isama mo na ang tugtugin sa luma kong gitara
At ang tropa kong hinila para makikanta
Dahil kahit sa araw-araw na kapal ng mukha
Ngayon pa nawalan ng angas at tinamaan ng hiya
Para awitin ang nilikha ko sa pinakamagandang dalaga
Nagsisimula sa tugmang 'ngalan mo' at ako ang may-akda
Haharanahin ka, naniniwalang ang puso mo'y di lang basta-basta nabibili ng pera
Ang ngiti mo'y lagpas pa sa halaga ng en grandeng bagay na nakukuha
Hindi ko kayang ibigay ang mga mamahalin na ibinibigay nila sa isinisinta
Pero kaya kitang gawan ng apat na raang kanta, kung saan 'tayo' ang bida ng tadhana
Hindi ko matatapatan ang head-to-toe branded na outfit nila
Ngunit kaya kong magbigay ng tatlong libong dahilan kung bakit mahal kita
Ni hindi regalo or mamahaling relo
Walang bakas ng kataasan sa suot kong makikita mo
Ang dala ko lamang ay ang kagustuhan at mga pangako
Na mamahalin ka at ibibigay sa iyo ang nararapat na paraiso
_________________
02-14-23
11:11am
Writer's Note:
Who is your Valentine?
