Sa trabaho at sa bahay, hawak ang telepono
Sa malayo at sa malapit, gamay ang telepono
Nakakairita, nakakainis
Nakakabwisit, nakakapanghinanakit
Mas mahalaga pa sa akin,
hawak niya ang telepono
"Uwi ka na, ma", bukambibig ko sa telepono
"Uwi ka na, ma", bukambibig ko kahit kaharap na ito
Wangis kong may luha at nagsasamo
Kahati sa atensyon ang hawak niyang telepono
Ano ba ang mayroon ang telepono na wala ako?
Anong hiwaga ba ang dala nito?
Higit pa ba sa anak na unang kinalong?
Higit ba sa supling niyang dating dinala noon?
Walang kurap-mata at gising sa gabi
Aalis nang takipsilim, lilisan sa aking tabi
Pagsikat ng araw, hindi mawari
Tila walang ina, pagkamulat hanggang pagpikit
Uuwi pa ba siya?
Babalik pa kaya?
Masisilayan pa kaya?
Mahal pa kaya?
Ilang gabi akong pilit lalabanan ang antok, maabutan lang siya
Ilang umaga ang tinatahak, mapagmasdan lang ang pikit niyang mga mata
Panonoorin ang himbing ng kaniyang pagkatulog sa umaga
At ang likod niyang panonooring lumisan, paglitaw ni bulan
Bakit ba nagtitiis ang isang anak
Na masilayan ang kaniyang ina
Na kung hindi man sa nakatutok sa harap ng telepono
Ay siyang tahimik na nakamasid kapag natutulog lamang ito?
Lahat para sa pisteng telepono
Kung aabutin ng milyon
Ang bawat segundo't araw na hawak niya ito
Ito ay babayaran ko
Makuha lang nang isang araw ang nanay ko
Ang nanay kong may mahinang tuhod
Ang nanay kong masakit ang likod
Ang nanay kong nagkakanda-kuba kuba
Ang nanay kong kaawa-awa
Ang nanay kong umuubo
Ang nanay kong hinihika
Ang nanay kong kulang sa tulog
Ang nanay kong pagod at nanghihina
Kung aabutin ng milyon
Para ang nanay ko ay makapagpahinga
Babayaran ko ang isang buong araw
Malihis lang ang ina ko sa pisteng telepono
Ang pisteng telepono
Inked 06-11-25 1:11 am
-----------
Writer's Note:
Para sa nanay kong call center agent, babayaran ko ng milyon mabitawan mo lang ang pisteng telepono.
god forbid, I just watched the first half of the first episode of "When Life Gives You Tangerines". And somehow, I wanted to create my own version in reference and all credits to the poem of the 10 year old Ae sun, "Damn Abalones".
