Hinayaan niya akong kumalma ng mga ilang minuto bago siya nagyayang umuwi. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko kaya tahimik lang akong naupo sa bench para kumalma. Hindi na rin naman siya nagsalita pagkatapos kaya tahimik lang kami ng ilang minuto.

Nagsalita lang siya uli nang yayain niya akong umuwi at tumango lang ako. Sabay kaming naglakad paalis sa lugar na iyon at wala pa rin ni isa sa amin ang nagsalita.

Tahimik lang din kami kahit nang makarating na kami sa bahay ng mga Lola. Sa may gate palang ay kita ko na ang mga gamit nila na nakasakay na sa likod ng kotse nila. Mukhang ikinakarga pa nila ang iba kaya nakabukas pa ito.

Nilagpasan namin yun at dire-diretso ang lakad namin papunta sa bahay ni Lola Edith. Sa may bakod palang ay huminto na ako para harapin siya.

"Dito na ako. Salamat. Mukhang marami pa kayong kailangan gawin." sabay kaming napatingin sa kotse nila.

Nagtagal nga lang ang tingin niya dito at nalipat ang tingin ko sa kanya. Mukhang malalim ang iniisip niya habang nakatanaw sa sasakyan nila.

Hindi nagtagal ay dahan dahan siyang tumango. "Yeah, I guess."

Nagtama muli ang mga tingin namin nang bumaling siya sa banda ko. "I'll call you when we get home. Are you staying here?" tanong niya bigla.

Napakurap-kurap ako. Alam kong sinabi niya na kanina na hindi siya titigil sa pakikipag-usap sa'kin pero parang hindi pa rin ako makapaniwala. Parang hindi totoo kahit na ilang beses na kaming nagkakausap sa telepono.

Mukha siyang naghihintay ng isasagot ko kaya umiling ako. "Hindi. Uuwi rin kami. Lunes bukas at may pasok pa kami. Maya-maya siguro ang alis namin."

Siya naman ang tumango ngayon. "Okay. I'll go now. Paki-sabi nalang kila Lola at Tita, Tito na aalis na kami." bilin niya.

Ngumiti lang ako at tumango. Dahan dahan siyang tumalikod at naglakad papunta sa bahay nila Lola Athena. Isang lingon pa sa banda ko bago siya tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Nang makapasok siya ay doon lang ako gumalaw para maka-pasok na rin sa bahay ni Lola Edith.

Sa sala ay nandoon pa rin si Ate Kath. Agad siyang napatingin sa banda ko nang pumasok ako sa pinto at mukha siyang may hinahanap. Hawak ko pa rin ang kakanin na binili ko kaya naman agad ko itong inangat para makita niya.

"Gusto mong kakanin, Ate?" alok ko bago pa siya may masabi.

Nag-tataka niya akong tinignan bago umiling. "Dalhin mo na yan kay Lola. Kanina pa niya hinihintay." sabay turo niya sa kusina.

Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at agad na pumunta sa kusina. Nandoon si Lola at si Mama, nakaupo sa upuan sa counter si Mama habang nakatayo si Lola malapit sa lutuan. Sabay silang napabaling sa banda ko at parehong mukhang nag-aalala.

Nginitian ko sila ng maliit sabay alok ng kakanin. "Ito na po pala yung pinabibili niyo, La. Nagdagdag din po si Lola Lourdes ng ilan dyan."

Nilapag ko ito sa counter malapit kay Mama at nagkatinginan kami. Bakas na bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

"Galing sila Juliet dito kanina. Nagpaalam sila na uuwi ng Maynila ngayong hapon. Hinahanap ka niya pero wala ka. Mukhang gusto ka niyang makausap." balita ni Mama.

Napa-ayos ako ng tayo dahil doon. Ano naman kayang sadya ni Tita Juliet sa'kin? Tungkol ba ito sa sinabi niya sa interview nila kagabi?

Alam kong nagkausap na kami ni Adam tungkol dito pero ibang usapan na si Tita Juliet. Ano naman ang sasabihin ko sa kanya, di'ba? Hindi ko naman siya pwedeng harap-harapan na kwestyunin tungkol sa sinabi niya at wala rin ako sa lugar para mag-reklamo. Dahil totoo naman na nakatulong ang sinabi niya para mapanatag ang lahat kaya wala namang masama sa sinabi niya. Ako lang naman ang apektado.

So FarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon