Buong byahe pauwi, tulala lang ako. Walang sinabi si Ate Sophia kahit na kapansin-pansin ang pagkakatamlay ko. Para bang sinusubukan niyang intindihin ang nangyayari ng hindi ako tinatanong.

Patuloy kong pinigilan ang luha sa mga mata ko. Hindi ako umiiyak, pero ramdam na ramdam ko ang bukol sa lalamunan ko. Nasa dulo na ng mga mata ko ang bawat luha pero hindi ko hinahayaan na pumatak. Pinapalis ko na hindi pa man tumutulo. Ayokong makita nila na umiiyak ako.

Alam kong tama ang ginawa ko. Tama na lumayo ako. Wala akong ibibigay sa kanya. Wala akong magandang maiaambag sa kanya at sa career niya. Alam ko 'yun, simula palang. Pero pinaasa ko ang sarili ko na pwede na. Kahit sa dilim nalang. Kahit patago nalang. Pero hindi pa rin talaga.

Ngayon, kahit 'yun hindi na pwede. Hindi ko na dapat ipilit na pwede dahil paulit-ulit na sinabi sa'kin na hindi. Ang layo-layo na niya. Kailangan ko ng gumising sa pag-iilusyon ko na katulad pa rin kami ng dati, dahil malayo na siya. Ako nalang ang nandito, matagal na siyang naka-alis at naka-layo na.

Nag-meeting pa kami saglit bago kami ni-dismiss ni Prof Perez. Practice ng program flow next week kaya kahit paano ay may pagkakaabalahan ako. Tulala pa rin ako kahit noong naglalakad na ako pauwi ng bahay.

Sa labas palang, nakaramdam na ako ng matinding pagod. Para bang ngayon ko lang naramdaman ang bigat ng lahat ng nangyari kanina. Bumuhos ang sakit at ang pagod sa katawan ko nang iapak ko ang mga paa ko sa bungad ng bahay.

Walang tao sa sala dahil anong oras na rin. Mukhang nasa kwarto na sila Mama at Papa. Maging si Ate ay wala doon kaya malaya akong nakaiyak nang makapasok ako. Tuloy tuloy na tumulo ang mga luha sa mga mata ko dahil kanina ko pa ito pinipigilan.

Kinailangan ko pang iguyod ang katawan ko paakyat ng hagdan at papasok sa kwarto ko. Doon bumungad sa'kin ang mga nagkalat na pictures ni Adam. Lahat ay nakatingin sa'kin, nakangiti na para bang walang problema.

Mas lalong namuo ang luha sa mga mata ko nang makita ito. Dahil hindi ako makapaniwala na dito ko huling makikita ang ngiti niya. Hindi ko nagawang makita ito ng huling beses sa personal dahil sa dami ng nangyari.

Sa sobrang hagulgol ko ay kinailangan kong takpan ang mukha ko, para itago ang mga hikbi at luha ko. Hindi ko magawang tignan ang lahat ng litrato niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ako natutuwang makita ang mukha niya, dahil sobrang sakit sa puso.

Ginamit ko ang huling lakas na meron ako para tumayo at isa isang alisin ang mga posters, pictures at kahit anong pwedeng magpaalala sa'kin na minsan ay nagawa kong hawakan ang pangarap ko. Nagawa kong maging malapit sa kanya, kahit sa dilim, kahit patago.

Nilagay ko ang lahat ng 'yon sa isang box at nilagay sa likod ng isang cabinet sa taas ng study desk ko. Pagkatapos kong maghilamos ay agad akong nahiga. Dahil na rin sa sobrang pagod ay nakatulog ako agad.

Kinabukasan, late ako nagising. Masakit ang ulo ko pagmulat palang ng mga mata ko at ramdam ko ang pamamaga nito. Dahan-dahan akong tumayo at bumungad sa'kin ang kwarto ko na mukhang plain. Walang mga posters, pictures o kahit ano tungkol kay Adam.

Napahinga ako ng malalim, hindi alam kung anong dapat kong maramdaman. Looking at my room like this, I felt empty. This is not what it should look like.

I ignored the feeling and stood up to wash my face. Kailangan ay hindi halata na umiyak ako dahil alam kong magtatanong sila Mama, at wala pa akong lakas para magsabi. Hindi ko rin kasi alam ang sasabihin ko.

Hindi alam nila Mama na nanliligaw si Adam sa'kin o na nanligaw siya. Si Papa siguro, may alam na kaunti, dahil nakausap siya ni Adam noon. Pero hindi ko alam kung hanggang saan ang pinag-usapan nila. Ang alam ko lang ay sinabi niya kay Papa noon na may nararamdaman siya para sa'kin at na maghihintay siya.

So FarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon