Inalalayan ako ni Lola papasok ng bahay dahil pakiramdam ko nanlalambot ang mga tuhod ko. Sa bukana palang ng sala ay napansin na kami ni Mama. Agad niyang binitawan ang hawak na ornaments at dumalo sa amin.

"Anong nangyari, Ma? Klea?" nag-aalalang tanong ni Mama.

"Namumutla itong si Klea. Mukhang may lagnat." sagot naman ni Lola.

Sabay nila akong inalalayan na maupo sa sofa. Naupo rin si Mama sa tabi ko at inilapat ang palad niya sa noo at leeg ko.

"Mainit na nga siya." puna niya.

"Sandali, kukuha ako ng tubig at gamot." si Lola na agad pumunta sa kusina.

Tumayo naman si Mama at inalalayan akong mahiga sa sofa. "Bakit hindi ka naman nagsasabi na masama pala ang pakiramdam mo, anak?"

"Maayos lang naman po ako kanina. Bigla ko lang pong naramdaman." sagot ko nalang.

Kumunot ang noo ni Mama na para bang hindi siya naniniwala sa sinabi ko. Hindi ko naman talaga alam kung anong nangyari sa'kin at bakit ako nanghihina ngayon. Maayos naman talaga ako kanina, pero pagkatapos ng usapan namin ni Adam ay bigla nalang akong nagkasakit.

Pero, baka kanina pa talaga masama ang pakiramdam ko, pero sa dami ng nangyayari at sa dami ng iniisip ko, ngayon ko lang naramdaman ang panlalambot. Hindi ko alam kung kailan nagsimula na maging ganito ang pakiramdam ko, bigla nalang talaga akong nahilo.

Agad na nakabalik si Lola galing sa kusina, dala ang isang basong tubig at gamot. Binigay niya ito sa akin at inutusan na inumin ito. Sinunod ko 'yun at agad na nilunok ang gamot kasabay ng tubig.

"Magpahinga ka muna, apo, at nang bumuti ang pakiramdam mo." si Lola.

"Gusto mo ba dito na mahiga o aalalayan ka namin paakyat sa kwarto?" tanong ni Mama.

"Dito nalang po ako. Hindi po ako maka-hinga sa kwarto." sagot ko.

Nagtaka sila noong una sa sinagot ko pero tumango nalang din. Umayos ako ng higa at iniwan naman na nila ako. Sinubukan kong ipikit ang mga mata ko at magpahinga na muna. Nasa taas ang cellphone ko kaya hindi ko alam kung nag-message ba si Adam o hindi. Dahil na rin siguro sa sama ng pakiramdam ko ay agad rin akong naka-tulog.

Nagising nalang ako pagkatapos ng ilang oras dahil bigla kong naramdaman ang isang magaspang na kamay sa noo ko. Pagmulat ng mga mata ko ay nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Papa.

"Mabuti na ba ang pakiramdam mo, anak? Ang sabi ng Mama mo, nilalagnat ka raw." 

Dahan dahan ay sinubukan kong maupo. "Medyo okay na po. Hindi na masakit ang ulo ko."

Tumango siya. "Kumain na tayo, para makainom ka uli ng gamot."

Inalalayan niya akong tumayo at maglakad papunta sa kusina. Habang naglalakad kami ay sinilip ko ang orasan sa sala. Mukhang ang tagal ng naging tulog ko dahil mag-aalas diez na sa orasan. Kaninang mga alas-dos ako nakatulog.

Wala ng tao sa dining kaya kami nalang ni Papa ng kakain. Hindi ko sigurado kung kanina pa ba siya nandito o kararating lang. Bakit ngayon lang nila ako ginising?

"Bakit ngayon niyo lang po ako ginising, Pa?" tanong ko.

Medyo mahina ang naging boses ko dahil kagigising ko lang at medyo masakit pa ang lalamunan ko.

"Ayaw ka munang istorbohin ng Mama at Lola mo kaya hindi ka nila ginising kanina. Kaya ako na ang gumising sa'yo ngayon para kumain."

"Kanina pa po ba kayo?" tanong ko nang makaupo na.

Nilatagan ako ni Papa ng pinggan at agad na nilagyan ng kanin. May naka-hiwalay din na sabaw para sa'kin sa gilid.

"Halos kararating ko lang din. Umakyat ako agad dito dahil ang sabi nga ng Mama mo, mas sakit ka raw. Susunod bukas ang Ate mo dito. Mag-isa siya sa bahay ngayon." sagot niya habang nilalagyan ng kaunting ulam ang pinggan ko.

So FarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon