Maine's POV
"BABE, BAKIT KA BA NAGAGALIT sa 'kin?" malambing kong tanong nang dumating ang boyfriend at pinakamamahal kong si Bren.
Inilapit ko ang sarili ko sa kanya. Nandito kami ngayon sa mall at nakaupo sa public seat na nasa harap lang ng Tom's World, isang amusement park. Lagi kaming nagkikita rito dahil nasa tapat lang ng mall na 'to ang bus stop kung saan ako bumaba pagkatapos ng dalawang oras kong biyahe mula sa school. Walking distance din naman ang lugar na 'to mula sa school ni Bren kaya hindi problema na lagi kaming nandito.
"Tumigil ka nga!" singhal sa 'kin ni Bren. Pinalis niya ang braso ko nang subukan ko 'yong iyakap sa kanya.
Pumormal ako ng upo at bahagyang yumuko. "Babe, bakit ka nagagalit sa 'kin?"
"Mainit lang 'yung ulo ko. Manahimik ka na d'yan. 'Wag ka nang mag-inarte," pagalit pa rin niyang sabi. "Tingnan mo, nabasa ako sa ulan!"
Noon ko lang napansin na medyo nabasa nga si Bren sa ulan. Kaya nga siguro mainit na naman ang ulo niya.
"Babe," nalulungkot pero malambing ko pa ring sabi. "Pasensya ka na. Dapat sinabi mo sa 'kin. Sana tinext o tinawagan mo 'ko. Eh 'di sana sinundo na lang kita sa school mo. Nabasa ka tuloy." Kinuha ko ang panyo ko at sinimulang punasan ang mga patak ng ulan bago pa man iyon matuyo sa katawan niya.
"Dapat kasi nauna ka nang umuwi eh!"
Nangilid ang luha ko at wala sa sariling itinigil ko ang pagpupunas sa kanya. Ganito lagi ang nararamdaman ko. Matagal nang ganito sa 'kin si Bren pero hindi pa rin yata ako sanay sa ugali niya. Nasasaktan pa rin ako.
"Babe, hindi ko naman po alam na uulan eh. 'Tsaka sana sinabi mo na lang sa 'kin na mauna na lang ako para nakasakay ka na agad sa harap ng school niyo at 'di ka na naglakad pa papunta rito," malumanay kong sabi habang pinipigil na tumakas ang mga luhang nangingilid sa sarili kong mga mata. "Sorry."
"Sorry," pauyam na ulit ni Bren sa huling salitang binitawan ko. "Ewan ko sa 'yo. Letse."
Napayuko na lang ako nang tuluyang tumulo ang mga luha ko. Nagagalit na naman sa 'kin 'yung boyfriend ko. Siguro kasalanan ko nga talaga kung bakit siya nabasa sa ulan at bakit uminit ang ulo niya. Dapat talaga hindi na lang ako nakipagkita sa kanya. Hindi talaga 'ko nag-iisip.
Sa mahigit isang taon naming relasyon ni Bren, limang beses yata akong umiiyak sa isang linggo. Pero hindi ko naman siya masisisi dahil tama naman siya. Ako ang may kasalanan sa bawat away namin. Hindi ko kasi siya sinusunod kung minsan. Hindi pa rin sapat ang pag-iintindi ko sa kanya. Pakiramdam ko nakukulangan pa siya, kaya sinusubukan kong gawin ang lahat-lahat 'wag niya lang akong iwan.
Kapag sinabi niyang ayaw niyang makipagkita, hindi ko siya pinipilit. Okay lang sa 'kin kahit na minsan eh dalawang linggo kaming hindi nakakapagkita. Busy kasi siya sa school. Isa pa, gusto ko rin namang bigyan si Bren ng maraming oras para sa sarili niya. Hindi pa naman kasi kami mag-asawa at wala pa akong karapatang mag-demand sa oras niya. Masaya na 'ko sa mga oras na pumapayag siyang makipagkita sa 'kin.
Walang anu-ano'y hinila ni Bren 'yung braso ko nang mapansin niyang pinupunasan ko 'yung pisngi ko.
"Tumigil ka nga d'yan. Nag-iinarte ka na naman. Pinapahiya mo na naman ako. Pinagtitinginan ka na, tingnan mo nga!"
Nanikip 'yung puso ko pero pinilit ko ring kumalma agad. Nasabi ko ba sa inyo? May sakit ako sa puso. Pero kaya ko namang i-manage. Marunong na 'ko magkontrol ng nararamdaman kahit minsan eh sobrang sakit na.
"Sorry," nasabi ko na lang habang panay ang punas ko sa mga luha kong ayaw yata tumigil sa pagpatak.
"Pumalatak siya. "Oo na. Tumigil ka na d'yan."
"I love you, Babe," sabi ko sa pagitan ng mga hikbi. Mahal na mahal ko talaga si Bren kaya konting hindi pagkakaunawaan namin eh nasasaktan agad ako.
"Umuwi na tayo," he answered instead.
BINABASA MO ANG
Halaga
Teen FictionPara sa mga nasasaktan. Para sa mga hindi na masaya sa taong mahal nila. Para sa mga nahihirapan. At para sa mga taong naghahanap ng bagong pag-ibig. (An AlDub fanfic.)