Ika-apatnapu't Limang Biyahe

3.1K 104 8
                                    

Ika-apatnapu't Limang Biyahe:

Alex' point of view:

Malalaman mo lang ang halaga ng isang bagay kapag maaari o tuluyan na itong mawala sa iyo. Ito 'yung nararamdaman ko ngayon. Ngayon ko lang na-appreciate ang lahat.

Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ko pa gaanong naipapakita ang pagmamahal ko sa kapatid ko. Naiinis ako dahil puro sakit ng loob ang naibigay ko sa kanya dati. Ugh, ang bigat sa kalooban.

"Alex, kumain ka muna." Napapitlag ako nang magsalita si Lenard. Ah, oo nga pala, nandito pa rin sila ni Ate Angeli sa ospital.

Umalis sina Andrew at Rixton kanina. Bumalik sila sa condo para kumuha ng mga damit naming dalawa. Hindi ko nga pala sila napansin kanina. Masyado kasing occupied ang isipam ko ngayon.

"Alex, kumain ka muna, please." Nagmamakaawa na noon si Ate Angeli.

Pinili ko pa ring huwag magsalita. Hindi naman sila nangulit pa at hinayaan muna ako. Sa sobrang mixed emotions ko ngayon, hindi ko na makuha pang mag-respond sa mga sinasabi nila. Hindi ko na rin namalayan ang oras.

Iintindihin ko pa ba 'yun? E, mas inaalala ko ang kalagayan ni Kuya. Natatakot din ako sa magiging reaksiyon niya kung sakali mang malaman niya na wala na si Ate Brenda.

"Alex, magpahinga ka muna."

Hindi ko alam kung ano ang mararamd--

Nabigla na lamang ako nang may maramdaman akong kamao na tumama sa pisngi ko. Sa sobrang lakas niyon ay napatumba ako. Doon pa lang ako nabalik sa realidad. Si Andrew ang sumuntok sa akin. Hindi ko maiwasang hindi siya tingnan nang masama.

"Ano ba'ng problema mo!?" paanas kong tanong sa kanya.

Hindi ko mapigilang hindi siya sugurin pero naunahan na naman niya ako ng isang suntok-- dahilan para mapaupo na naman ako sa sahig.

"Ginawa ko lang 'yan para magising ang diwa mo! Look at you, Alex!? Kanina pa kami nagsasalita rito at tanung nang tanong sayo kung okay ka lang, pero ano? Ano sa tingin mo ang ginagawa mo!? Ha?"

Nakikita ko sa mukha niya ang galit sa mga oras na iyon. Hindi ko alam pero natamaan ako sa mga sinabi niya. Doon ay napansin ko ang pagtulo ng kanyang luha. Nasasaktan ako sa nakikita ko ngayon. Ang taong mahal ko, nasasaktan para sa akin. Ang bigat lalo sa kalooban.

Napaupo siya noon sa kama habang patuloy pa rin sa paghikbi. Pakiramdam ko, naging kaming dalawa lang ang tao roon. Hindi ko na napigilan kaya bigla ko siyang niyakap. Hindi ko magawang magsalita. Ang alam ko, alam na niya ang ibig sabihin ng yakap na iyon.

"Tama na, Andrew. Shh, sorry na," mahina kong sabi. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak.

"I-Ikaw kasi, e!"

"Sorry na. Natatakot lang kasi ako na tuluyan na akong iwan ni Kuya, e. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pang mabuhay dito," naluluha kong sabi.

Mabigat pa rin ang loob ko noon, pero hindi na katulad ng kanina. Nagpapasalamat ako kay Andrew dahil nandito siya -- pinapagaan ang loob ko.

"Kakayanin mo, Alex. Nandito naman ako, kung sakali mang mangyari iyon. Let's hope for the best. Makakaya 'yan ni Patrick," dagdag pa niya.

Hindi ko na nakuha pang sumagot. Tama na iyong mga narinig ko.

Nagpaalam na rin sina Ate Angeli at Lenard noon. Pupunta daw sila sa burol ni Ate Brenda. Oo nga pala, hindi pa kami nakakapunta ni Andrew. Kahit paano naman ay malungkot kami sa sinapit niya. Paano na kaya si Andrei -- ang anak nila? Ni hindi man lang niya nakilala ang ina niya. Ugh, hindi ko tuloy maiwasan ulit na hindi malungkot at mag-alala. Kulang na nga lang, makipagpatayan ako sa dating asawa ni Kuya. Hindi ko na naiisip na babae siya. Wala na akong pakialam. Ang gusto ko lang ay pagbayaran niya ang lahat ng ito.

Nagiging masama na ba ako? Hindi naman siguro. Gusto ko lang naman ng hustisya para sa mga nangyari.

Hanggang sa oras 'ata ng pagtulog ay hindi ko maiwasang hindi maalala ang mga pangyayari. Hindi ko na rin namalayan na sa sobrang pagkalutang ko, nakatulog na ako. Naalimpungatan na lamang ako nang makaramdam ako ng pagkapuno ng pantog. Agad akong bumangon para dumiretso sa banyo. Doon ko lang napansin na wala na pala akong katabi.

"Nasaan na kaya si Andrew?" tanong ko sa sarili.

***

Andrew's point of view:

Tanging makahulugang mga ngisi lang ang isukli sa akin ng baliw na Claire na ito. Lalo akong kinakabahan sa mga kinikilos niya -- to the point na gusto ko nang makaalis sa lugar na ito at tumakbo palayo. Ngunit, paano? Paano ako makakaalis kung nasa may pintuan siya mismo ng chapel.

"Natatakot ka na ba, Andrew?" mahina, ngunit tila nang-aakit niyang untag. Hindi pa rin siya umaalis sa pwesto niya. Nakangisi pa rin siya, ngunit napansin ko ang tila panlilisik ng mga mata niya.

"B-Bakit mo ba ako dinadamay r-rito?!" Hindi ko maiwasang hindi siya masigawan sa sobrang takot na nararamdaman ko.

Lalo pang lumaki ang ngisi sa labi niya. "Bakit kita dinadamay? Andrew, alam naman natin na ikaw ang naunang nagustuhan ni Patrick. Sad to say, hindi kayo ang nagkatuluyan. Ang saya nga, eh. Naunang namatay ang asawa? I guess, my plan succeeded." Saglit siyang huminto para huminga. "Lahat ng magugustuhan ni Patrick, pinapatay ko. Naiintindihan mo na ba?"

"M-Matagal na 'yun! Isa pa, hindi ko siya nagustuhan!" Hindi ko makuhang kumalma noong mga oras na iyon. Nakakatakot ang mga nangyayari ngayon.

Nakakatakot ang presensya ng babaeng ito. Psycho nga siya.

Nag-umpisa na siyang maglakad palapit sa akin. Nakapamulsa pa rin siya. Cool na cool lang. Naglakad din ako noon palayo sa kanya. Mabuti na lang at may mga upuan sa chapel kaya hindi siya agad-agad makakalapit sa akin. Nanlilisik pa rin ang mga mata niya -- na siyang nagbibigay sa akin ng takot.

"Natatakot ka ba, Andrew?" aniya. "Hindi dapat kinakatakutan ang kamatayan, dahil inevitable naman ito. Lahat, humahantong dito. Walang exempted. Nagkataon lang kasi na oras mo na rin. Nakakatawa nga lang dahil sa isang baklang katulad mo lang ako pinagpalit ni Patrick."

Hindi ko alam kung saan ako nakahugot ng sasabihin noong mga oras na iyon. Basta, ang alam ko, kailangan ko nang makaalis sa lugar na ito.

Panginoon, kayo na po ang bahala sa mga pwedeng mangyari ngayon.

"Ipinagpalit ka ni Patrick dahil isa kang baliw! Sa tingin mo, magkakagusto ang isang katulad niya sa katulad mo na walang ibang inisip kung hindi ang maghiganti? Claire, maaari ngang hindi ko minahal si Patrick, pero alam ko ang trauma na naranasan niya sa pagiging mag-asawa ninyo. Pakiramdam mo kasi, lahat na lang, inaagaw sayo, when in fact, wala namang sayo!" diretsahan kong sabi.

Tama nga ako. Nawala na ang ngisi sa mukha niya, at napalitan na ito ng matinding galit. Ngunit, laking pagkabigla ko nang may ilabas siya mula sa kanyang hoodie -- isang baril! Dito na ako kinabahan nang husto. Jusko, natatakot ako sa mga posibleng mangyari!

"Hindi totoo 'yan! Naiintindihan mo ba ako!?" Itinutok na niya sa akin ang baril. Wala na talaga siya sa sarili niya.

"M-Maawa ka sa akin, Claire. P-Pwede ka pang magbago," naluluha ko nang pakiusap. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Wala na akong maisip na paraan para makaalis sa lugar na ito. Idagdag pa na isang maling galaw ko lang, maaaring maging katapusan ko na.

"Papatayin na kita, Andrew. Masyado ka nang maraming alam." Inayos na niya ang pagkakatutok sa akin ng baril. May kung anu-ano pa siyang binubulong doon na hindi ko maintindihan.

"Claire, p-please.." pakiusap ko pang muli.

"Manahimik ka!"

Napapikit na lamang ako noong nang marinig ko ang pagputok ng baril. Wala na akong nagawa pa kung hindi ang mapapikit at umiyak nang malakas.

"Andrew!"

[Itutuloy..]

***

Next: Huling Biyahe (Epilogue)

BiyaheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon