35 – Excited, Happy and Grateful
Nakakapagod ang araw na ito pero mas nararamdaman ko ang saya. Sobrang saya ko, hindi ko talaga maipaliwanag. Nang matapos ang reception, umuwi na kami ng asawa ko–napapangiti talaga ako kapag sinasabi ko ito–sa condo ko. Bukas pa kami maglilipat ng bahay. Bilang mag-asawa, kailangang magkasama na kami sa iisang bubong. Ayoko namang dito sa condo ko lang. Gusto ko, totoong bahay, tahanan. Kaya s-in-uggest ko na hindi na namin kailagang bumili o magpagawa ng bagong bahay dahil matagal nang nakahanda ang bahay ni Mama Leny para sa amin ni Alex.
Noon pa man, kasama ang mga panahon na wala kami sa buhay ng isa't-isa, sinabi ko na sa sarili ko na sa bahay na iyon kami titira ng magiging pamilya ko. S'yempre, si Alex lang ang nasa isip ko no'n. Napapangiti ako ngayon dahil parang kailan lang, wala ako sa sarili dahil hindi ko alam kung paano siya babalik sa 'kin. Pero ngayon, wala na siyang kawala. Hindi na siya mawawalay sa 'kin. Sila na ng magiging anak namin ang bubuo sa bawat araw ng buhay ko.
Iyong pakiramdam na kahit halata namang masaya ako, gusto ko pa ring sabihin sa kanila na masaya ako.
"Heart, ang saya-saya ko," nakangiti kong sabi kay Alex. Nakaunan siya sa braso ko. Kahit na hindi ko masyadong nakikita ang mukha niya ngayon, alam kong nakangiti rin siya sa kabila ng pagod. "Sana masaya rin si baby." Hinawakan ko ang tiyan niya nang dahan-dahan. Pinapakiramdam ko ang anak ko kahit na hindi pa ito mahahalata.
"Masaya rin siya. Sigurado ako," sagot niya. "Kasi masaya si Mommy. Kung ano'ng nararamdaman ni Mommy, gano'n din si baby."
Pakiramdam ko ay maluluha na naman ako. Ang ganda-gandang pakinggan ng sinabing 'yon ni Alex.
Mommy. Baby.
Wala pang isang araw kaming kinakasal pero parang ang laki na nang pinag-mature naming dalawa. Iba talaga 'pag magkakaanak na. Parang ang sarap-sarap i-embrace ng responsibilidad lalo na 'pag alam mong handa ka na.
"P'wede kayang palitan natin ang tawagan natin, Heart?" bigla kong naisipang itanong. Para kasing gusto ko na tunog pamilyado na talaga ang magiging endearment namin. Gusto kong maramdaman ng kahit hindi namin kakilala na isa kaming masayang pamilya. "Okay lang?"
"Oo naman. Pero ano?"
Sinubukan kong mag-isip hanggang sa naalala ko sina Tatay Roger at Nanay Maria na driver at kasambahay namin noon. Naging bahagi na ang mga ito ng pamilya. Sila ang katulong nina Dad at ng mga lola ko sa pagpapalaki sa amin nina Gia. Kung sina Dad ang patunay na ang first love mo ay siya ring last mo, sina Nanay naman ang nagpatotoo sa akin na hanggang sa langit magsasama ang tunay na nagmamahalan.
Namimiss ko na sila.
"Tatay saka nanay," sagot ko sa kanya. "'yan ang gusto kong itawag sa 'tin ng mga magiging anak natin." Diniinan ko ang pagkakasabi ko sa "mga". Natawa ng mahina si Alex.
"Sa tawagan naman natin, p'wede kayang, Mahal?"
"Salamat, Mahal, ha," bigla niyang sabi. Hindi ko na pala kailangang itanong kung payag siya. Sinagot niya na ang tanong ko sa pagtawag noon sa akin. Para akong nakikinig ng musika. "Salamat sa lahat."
"Mahal na mahal kita."
"Mahal...na...mahal...kita."
Para talagang kanta ang tinig niya.
Tumagilid ako at hiniga ko siya ng ayos sa unan. Nakatukod na ang braso ko para hindi ako mangalay. Tinitigan ko ang asawa ko habang nakapatong ang kamay ko sa tiyan niya. Tahimik lang kami pero nangungusap ang aming mga mata. May pagkakaintindihan ang aming mga katawan.
YOU ARE READING
I Love View More
Romance[COMPLETED] Book 2 of I Love View © Nayin Yagdulas (nayinK) Will Geeo and Alex find their happy ending this time?