Ang dami palang estudyante sa canteen kahit ganitong oras na. Malapit na mag-alas-tres pero kabi-kabila pa rin ang mga kumakain ng kwek-kwek, chicken nuggets, at kung anu-ano pang meryenda. Kami ni Oliver, nakaupo lang sa may dulo kung saan kami naglunch noon kasama si Maven. Bumili ako ng hash brown at mango shake, siya naman, squid ball at buko juice.
“Namamaga pa rin mata mo,” sabi niya. Wala naman akong magagawa, ganyan talaga.
“Mawawala rin po mamaya. Pinaiyak mo po ako eh,” pang-aasar ko.
“Aw, ako na nga ‘tong rejected, ako pa nagpaiyak?” Kahit nang-aasar rin ang tono niya, nakaramdam ako ng guilt dahil sa sinabi niyang iyon.
Tsk. Bakit ko pa kasi sinabi ‘yun eh.
“Sorry,” nakayuko kong sagot.
Hinawakan bigla ‘yung ulo ko, nakarinig ako ng mahinang tawa mula sa kanya. Nang iangat ko ang mukha ko, bigla niyang tinakpan ang mga mata ko. Hindi ako pumalag, hindi siya nagsalita. Tahimik lang kaming dalawa. Maya-maya, may mahinang tawa na naman akong narinig.
“Kalila, may sasabihin ako pero huwag mong iisiping galit ako. Panandalian lang naman,” sabi niya.
“Ano—”
“Mag-iwasan muna tayo,” pagputol niya sa sasabihin ko. Tinanggal niya ‘yung kamay niya sa mata ko. Una kong nakita ang ngiti niya. Hindi ko maiwasang malungkot, nagbadya na namang tumulo ang luha pero kinuha ni Oliver ang panyo ko at pinunasan niya ang mga mata ko. “O, huwag kang iiyak. Baka sisihin mo na naman ako,” pagbibiro niya.
“Kailangan po ba talaga ‘yun? Akala ko ba friends pa rin tayo?”
“Oo nga,” sabi niya.
“O, bakit po tayo mag-iiwasan?”
“Panandalian lang naman. Halika na, malapit na next period.”
Tumayo siya at nagsimulang lumakad palayo. Sinundan ko naman siya agad. Tahimik kaming naglakad pabalik ng kanya-kanya naming mga building. Naninikip ang dibdib ko. Ang sakit ng nararamdaman ko. Nalulungkot ako sa tuwing maaalala ko ‘yung sinabi niya kanina.
Bago kami tuluyang maghiwalay, tinawag ko ang pangalan niya. Humarap naman siya sa akin at tulad ng lagi niyang ginagawa, ngumiti siya.
“Sorry,” muli kong sinabi. Bumuntong-hininga siya pero agad ring ngumiti ulit.
“Do me a favor, don’t be sorry,” sagot niya. Tumalikod siya’t dumeretso na sa room nila. Wala na akong ibang nagawa kundi bumalik rin sa classroom.
Pagpasok ko, si Aiel ang sumalubong sa akin. Tulad ng kanina, para siyang ewan. Nagsisisigaw siya nung nakita niya ako eh. Akala niya daw kung ano na daw nangyari sa akin. Nakalma lang siya nang makita niyang namamaga ang mga mata ko. Tinitigan niya ako ng husto tapos hinila ako sa pinakalikod ng classroom. Ipinakwento niya sa akin kung ano daw ang nangyari pero biglang dumating ang teacher.
Dumating na ang oras ng uwian. Tulad ng inasahan ko, agad na lumapit si Aiel.
“O, ano na ang nangyari?” tanong niya habang nagwawalis ako.
“Sabi ni Oliver, mag-iwasan muna daw kami,” nanlulumo kong sagot. Bigla rin siyang nalungkot pagkasabi ko nun. Natahimik siya. Hindi siya sumagot, tinulungan niya lang kami sa paglilinis. Alam kong concerned lang si Aiel kaya siya nalulungkot, naging close na rin kasi sila ni Oliver eh.
Pagtapos naming maglinis, nagpaalam sa akin si Aiel. Hindi na naman kami makakapagsabay dahil may lakad daw sila nung jowa niya. Ayos lang naman sa akin. Kailangan ko rin kasi ng time para makapag-isip kung papaano ang gagawin ko kay Oliver. Ayokong magkagalit kami, ayokong may nagagalit sa akin.
BINABASA MO ANG
Loving Superman (ON HOLD)
Teen Fiction(HUWAG MUNANG BASAHIN. PANGIT ANG PAGKAKASULAT AT NARRATE, I-E-EDIT KO PA. SALAMAT.) Ang tagal na panahon ko siyang pinag-iilusyunan. Ngayong nagbunga ang paghihirap na dinanas ko makuha lang siya, saka pa niya ako iiwan. Habangbuhay nalang ba talag...