Ang Lalaki Sa Puno

368 26 17
                                    

Naniniwala ba kayo sa mga multo, ligaw na kaluluwa, sanib sanib at kung anu-ano pang mga supernatural and paranormal madness? Sa mga ghost stories, mga maligno, mga aswang, mga nuno sa punso, sa mga nakakapanindig-balahibong kwento ng katatakutan at kababalaghan, mga ganung shit?

Wala. Natanong ko lang.

Kasi ako, kung hindi n'yo naitatanong, hindi na ako ganun ka naniniwala sa mga ganong bagay at hindi rin ako madaling matakot sa mga ganung uri ng shetness sa ngayon. Oo, noong una inaamin ko makalaglag-brip ang takot ko sa mga paranormal events lalo na kapag nanunuod ako ng Magandang Gabi Bayan with Kabayan Noli De Castro noong mga panahong uhugin at libagin pa ako.

Noon 'yun pero hindi na ngayon.

Hindi na kasi ako uhugin at libagin tulad ng dati. Gwapo na ako ngayon at lagi nang mabango. Kasi afford ko na ang pagbili ng Master, ng Dove Men, ng Safeguard with Aloe Vera at ng Dior Eau Sauvage Eau De Toilette. #MgaSikretoNgMgaGwapo #Hihi

Bukod doon, sa palagay ko ay napaglipasan ko na rin ang mga gentong uri ng katatakutan. Sa paglipas ng panahon ay siya ring paglipas ng takot ko at ang aking paniniwala sa mga nakakapanindig-balahibong kwento sa aking pagkabata.

Bagamat I outgrew my fears of the paranormal and supernatural things, naniniwala parin naman ako hanggang ngayon na may mga masasama at hindi maipaliwanag na mga elemento dito sa mundong ibabaw. 'Yun nga lang e hindi na ako natatakot sa kanila 'di tulad noong mga batang yagit days ko. Kebs na lang ako ngayon sa mga ganitong kapakshitan.

At dahil nga big na ako at graduate na ako sa mga ghost stories shetness na iyan, naisipan kong ikwento ang mga karanasan ko sa paranormal.

Yes, tama ang nabasa mo. Kahit si Poging Brown ay may karanasan din sa mga gentong bagay. At ngayon nga ay ikukwento ko ang mga ito kaya maghanda na kayo ng pop corn at softdrinks, at makinig ng mabuti dahil may long quiz pagkatapos.

Ang kwentong ito ay nangyari noong ako ay musmos pa lamang (Grade 2) doon sa maliit at lumang bahay namin dito sa Rizal.

Gabi na noon, nasa labas ako ng aming tahanan. Sa gitna ng kadiliman at katahimikan, nakatayo lang ako sa labas ng bahay, nakatingala sa mga bituin sa kalangitan habang banayad na umiihip ang malamig na hangin.

Makaraan ang ilang minuto, nakapagdesisyon na akong pumasok ng bahay dahil wala ng tao sa aming neighborhood. Ako na lang ang nakatayo sa labas na animo'y gwardiya sibil ng aming tahanan.

Pumanhik na ako sa hagdan at hinawakan ang doorknob. Ngunit bago ko pa man maitulak pabukas ang pintuan, bigla na lang umihip ang hangin sa aking likuran. Kakaiba ang hangin na iyun at kakaiba rin ang lamig na dulot nito. Hindi ko maintindihan pero ang mga balahibo sa aking mga braso ay bigla na lang nagsitayuan.

Bukod sa biglaang panlalamig at pagtayo ng aking mga balahibo, hindi ko rin maalis sa aking pakiramdam na tila baga may nagmamasid sa akin. Hindi ko maipaliwanag pero parang may isang pares ng mata na tinitingnan ang bawat kilos ko, sinusubaybayan ang aking bawat galaw...

Weird. Uso na ba noon ang istowkers?

Dahil sa kakaibang pakiramdam na iyon, agad akong tumingin sa kaliwa pero wala akong nakita. Tumingin ako sa kanan ngunit wala parin akong nakita. Hanggang sa naisipan kong ipako ang aking mga mata sa malaking puno ng kaimito sa harapan ilang metro lang ang layo sa aming tahanan.

Kasabay ng paglapat ng aking mga mata sa taas ng nasabing puno ay siya namang biglang guhit ng kidlat sa kalangitan dahilan para panandaliang magliwag ang paligid. At sa loob ng kalahating segundong iyon, may nakita ako sa taas ng puno na nagdulot ng matinding gimbal sa aking buong katawan.

Hindi ko alam kung totoo ang aking nasaksihan o marahil ay produkto lamang ito ng malawak na imahinasyon ko bilang bata pero alam ko may nakita akong malaking tao o nilalang sa taas ng puno ng kaimito. Mahaba ang buhok nito, maitim ang balat at ang bagay na lubos na ikinatakot ko ay ang mga nanlilisik na mata nito na nakatuon lang sa akin.

Habang nakatitig sa misteryosong elemento, pakiramdam ko ay umakyat mula sa aking mga paa hanggang sa aking ulo ang malakas na kaba at takot. Dahil sa nakita, agad kong tinulak pabukas ang pinto at nagkukumahog na pumasok ng bahay. Pagkapasok, agad kong kinandado ang pintuan at mabilis na lumayo sa pinto.

Noon, hindi ko pa alam kung ano 'yung nakita ko. Ang alam ko lang ay kung sino man o ano man 'yung nasa taas ng puno ng kaimito, mukhang badtrip ito sa akin. At base sa mga nanlilisik na titig nito sa akin, mukhang gusto na niya akong kainin ng buo.

Sa loob ng bahay, habang kinakabahan parin sa nakita sa labas, nakarinig ako ng kaluskos na bahagyang nagpatalon sa aking kinatatayuan. Dahil dito, mabilis akong umikot para tingan kung saan nagmula ang tunog pero wala akong nakita.

Iginala ko ang aking mga mata hanggang sa matuon ang mga ito sa salamin.

Habang nakatitig sa salamin, nabalot na naman ng takot ang aking katawan. Pumintig ng pagkalakaslakas ang aking puso sa aking dibdib at namuo ang malamig na pawis sa aking noo.

Nanlaki ang aking mga mata habang nakatingin sa isang babae na nakatitig pabalik sa akin. Ang nasabing babae ay nakaputi, may mahaba at itim na buhok at ang kanyang mukha ay napakaputi na akala mo'y binuhusan ng harina. Ganun pa man, hindi ko parin mapigilang hindi matakot sa nakita sa salamin.

Sisigaw na sana ako sa sobrang takot nang biglang magsalita ang babae, "Oh, Uwa, ba't gising ka pa? Anong oras na oh. May pasok ka pa bukas."

Si mama ko lang pala 'yung babae sa salamin.Jusme. Akala ko White Lady na. Hahaha

"Wala, lumabas lang ako saglit." sagot ko. "Ma, ba't amputi ng mukha mo? Ano 'yan?"

"Pampaganda. 'Wag ka nang magtanong." tugon ng aking ina habang pinapantay ang puting cream sa kanyang mukha gamit ang kanyang palad.

Napanguso ako nun (actually, lagi naman akong nakanguso ng bata kaya lagi akong tinutukso ng mga kuya ko na Boy Nguso. Wala lang. Nai-share ko lang) pero hindi ko na din tinanong pa si mama ko tungkol sa ginagawa niya sa mukha niya. Bagkos, naisipan kong isumbong sa kanya 'yung nakita ko sa labas.

"Ma, may nakita akong tao dun sa taas ng puno ng kaimito." sumbong ko habang kinikilabutan parin sa pangyayari. "Galit siya sa akin."

"Ano? Sino?"

"Ewan."

"Nako, wala 'yun. Baka si Joebert lang 'yun. Nangunguha ng bunga kahit gabi na. Alam mo naman 'yun parating gutom."

"Si Kuya Joebert? 'Yung kapitbahay naten?"

Kinabukasan, pagkagising na pagkagising ko, dumiretsyo ako agad sa puno ng kaimito at tiningala ang taas nito. May ilang mga hinog na bunga pero meron din namang mga hilaw. Habang tinitingnan ang puno, biglang may kumalabit sa aking balikat.

Si Renan.

"Uy, gusto mo manungkit tayo?" nakangiting yaya nito habang may panis na laway pa sa kanyang kaliwang pisngi.

"Sige, may panungkit ka ba?" tanong ko.

"Oo! Wait lang." patakbo na sana siya pabalik ng bahay nila nang tinawag ko siya pabalik para magtanong.

Huminto si Renan at humarap sa akin na nakataas ang mga kilay na para bang tinatanong kung bakit ko siya tinawag.

"Nakita mo ba si Kuya Joebert dito kagabi?" nagtatakang tanong ko sa kaibigan.

Sa aking katanungan, napangiti si Renan. "Tanga! Lumuwas sila ng Batangas kahapon pa ng umaga kasama si Ate Pining!"

The end.


BALIK-TANAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon