Once Upon A Summer Sa "Hacienda" Ni Mang Homer

2.7K 122 71
                                    

Once upon a summer, niyaya ako ni Luis Baho na manguha ng indian mango sa "hacienda" ng tatay niya, si Mang Homer (hindi niya tunay na pangalan).

Ang totoo, hindi naman talaga pagmamay-ari ni Mang Nomer 'yung manggahan. Inangkin lang niya. May pagka-Kastila kasi 'yun eh. Mananakop.

So, anyways.

Niyaya nga ako ni Luis Baho kaya sumama ako. Pero bago kami tumungo sa "property" ng kanyang ama, sinabi ko sa kasama ko na isama rin namen si Renan kasi matagal-tagal na rin namin siyang hindi nakikita— mga magtatatlong oras na yata.

So, yun nga, niyaya ko siya at sumama naman si Renan sa amin ni Luis Baho.

Alam n'yo, mga pre, maganda ang lugar namin (dati). Malapit kasi ito sa isang umaagos at malinis na sapa. Tapos, kapag nasuong mo na ang nasabing sapa, isang malawak, mahangin at madamong palayan ang bubungad sa'yo. Tapos, sa 'di kalayuan nito, nandoon ang "hacienda" ni Mang Homer na sagana sa bungang kahoy.

Sayang nga lang at ang dating malaparaisong lugar ng aking pagkabata ngayon ay nasira na ng tawag ng modernisasyon. Wala na ang magandang paligid at napalitan na ito ng iba't ibang shit na wala rin namang kakwenta-kwenta, dumagdag lang sa dumi sa mata. Hay nako, ang sarap magmura.

Anyways.

Noong nakarating na kaming tatlo sa sapa, napansin namin na mataas ang malinaw na tubig, lampas tuhod. Kaya hinawakan namin pataas ang aming mga shorts para hindi ito mabasa.

Bago pa kami sumuong sa malamig na tubig, nagpakitaan muna kami ng mga hita at nagkumparahan kung sino ang may mas maputi at may mas flawless na legs.

Sabi ni Luis Baho, mas flawless daw ang kanya kumpara sa amin. Dahil sa pagmamalaki ng kaibigan, tiningnan naman namin ni Di-an 'yung legs niya at napakunot ng noo habang umiiling-iling.

Sabi ni Luis Baho flawless daw ang legs niya pero parang hindi naman.

Ang hita lang naman ng kalaro ay maihahalintulad sa alkansya... maraming barya, piso-piso. Tadtad ng peklat at sugat na akala mo nakipagkagatan siya sa aso.

Pero hindi na namin siya kinontra ni Di-an. Nasa isip kase namin noon na kapag kinontra namin si Luis Baho, baka hindi na niya kami isama sa "hacienda" ng kanyang ama.

So, matapos ang panandaliang kompetisyon ng paputian ng legs, tumawid na kaming tatlo sa sapa nang naka-tip toe, nag-iingat na hindi mabasa ng umaagos na tubig ang aming mga salwal.

Ngunit, higit sa aming dalawa ni Renan, si Luis Baho ay extra effort sa pag-iingat na hindi mabasa ng tubig ang kanyang suot na short.

Paano ba naman kasi, mga pre, wala siyang suot na brip noong mga araw na iyon. Kaya lubos siyang nag-aalala na baka lamigin siya kapag dumampi sa tubig sapa ang kanyang, well, betlogan.

Tapos noong nakatawid na kami, tinakbo na namin ang palayan.

Ang palayan na iyon ang isa sa mga pinakamagandang lugar na nakita ko. Ang mga palay ay tila ginintuan tapos nakaka-relax na green naman ang kulay ng pasture. At dahil medyo hapon na, maraming tutubi ang mga nagliliparan sa aming ulohan at mga tipaklong na nagtatalunan sa tuwing tumatapak kami sa damuhan.

Bitak-bitak 'yung lupa tsaka naglipana rin sa paligid ang mga jebs ng kalabaw pero wala kameng pake doon. Tumakbo lang kami ng tumakbo na parang mga takas na preso sa Bilibid patungo sa manggahan na pagmamay-ari 'di umano ng tatay ni Luis Baho na si Mang Homer.

Hanggang sa makarating na kami sa lugar.

Noong nasa "hacienda" na kami ng mga kaibigan, nilingon ko ang tinakbo namin. Malayo- layo rin. Sa katunayan, in a scale of 1 to The Lord Of The Rings, siguro mga 7 ang layo ng tinahak namin. Pero hindi namin alintana ang layo kasi nag-enjoy naman kami sa paglalakbay.

Pagtapak pa lang sa manggahan, agad na kumuha ng panungkit si Renan at pinagsusungkit ang mga bunga. Habang si Luis Baho ay mabilis na lumambitin sa mga sanga ng puno na parang si Tarzan.

At ako, well, abala lang naman ako sa pamamato ng bunga...

Pero ang totoo, hindi talaga bunga ang binabato ko. Kung hindi si Luis Baho na nasa taas ng puno kasi trip trip ko lang. LOL

Sa 'di kalayuan, may mga tanim doon na mga chesa. Eto 'yung prutas na kulay dilaw na kapag kinain mo parang jebs ng baby. Natipuhan ni Renan ang nasabing prutas kaya naman sinabihan niya si Luis Baho na akyatin ang puno at tingnan kung hinog na ang chesa.

Iyon nga ang ginawa ni Julius Baho. Umakyat siya sa puno ng chesa at pinisip-pisil ang bunga nito.

Noong nagawa na niya, sumigaw siya, "Renan! Malambot na 'yung bunga. Hinog na!" Sumagot naman si Renan, "Sige! Bumaba ka na d'yan sa puno at susungkitin ko!"

Eto namang si Luis Baho bumaba rin sa puno. At kagat-labi nilang sinungkit 'yung nasabing bunga ng chesa.

Bilang pagbabalik-tanaw, napagtanto ko, may pagkatanga rin 'yung mga kasama ko. Bakit hindi na lang pinitas ni Luis Baho 'yung prutas? Gayong nasa puno na siya? Ewan. 'Yun ang misteryo na magpasahanggang ngayon ay naglalaro sa aking alaala.

Marami na kaming nakuhang indian mango at chesa kaya nagyaya na akong umuwi. Pumayag si Luis Baho pero si Renan hindi. Ayaw pa talaga niyang tumigil. At mukhang weleng mekekepegel se kenye noong mga panahong 'yun.

Mangunguha pa raw siya. Kulang pa raw kasi 'yung mga nakuha niya. Ewan ko lang sa kaibigan ko pero iyon yata ang unang beses na nakakain siya ng mangga kaya ganon siya umarte. Lakas maka-pabebe gurl. LOL

Nanggigigil na nanungkit ng nanungkit si Renan. Tapos may nakita siyang isang kumpol ng indian mango. Sabi niya last na raw 'yon. Pagnakuha niya raw 'yon, uuwi na raw kami.

Pinabayaan na lang namin siya ni Luis Baho at tumabi na lang kami at tahimik na kumain ng manggang naani namin.

Kagat-labing inalog-alog ni Renan 'yung kumpol ng manggang nakita niya. Hindi niya ito tinigilan hangga't hindi bumabagsak 'yung pinakamalaking bunga.

Dahil napapagod na yata, tumalon siya at hinampas 'yung indian mango.

Paghampas ni Renan, bumagsak ang mangga. Pero hindi ito bumagsak sa lupa... hindi rin sa damo.... hindi rin sa sapa... kung hindi sa mata niya!

Kitang-kita ko kung paano lumanding 'yung malaking mangga sa mukha ni Renan. Sa sakit siguro, agad napaluhod ito at napahawak sa kanyang mata.

Agad kaming pumunta sa kanyang tabi upang tanungin kung okay siya. Pero alam ko naman na hindi talaga siya okay. Ikaw ba naman bagsakan ng mangga sa mata. Tinanong ko lang 'yun para... cool. LOL

Mayamaya, tinanggal na ni Renan 'yung kamay niya sa kanyang mata tapos tinanong kami ni Luis Baho kung may sugat daw ba siya dito.

Sa nakita namin ni Luis Baho, hindi namin napigilang tumawa. Bukod kasi sa madagta ang mukha nito, may malaking black-eye din si Renan! Kulay violet talaga, mga pre. At dahil doon, wala kaming ginawa buong hapon kung hindi pagtawanan lang ang matakaw sa manggang kaibigan.

Moral ng story?

'Wag tularan si Renan— masyadong siba sa mangga kaya na-black-eye-an tuloy siya! #HAHAHA

The end.


BALIK-TANAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon