Buhay-Langgam

2.6K 127 120
                                    

Habang nag-iisa sa kwarto at nagsesenti sa tugtugin ng Sugarfree, may napansin ako sa isang sulok ng aking kwarto—mga munting langgam na nagma-martsa pataas-pababa sa kisame.

Kukuha na sana ako ng mga lumang dyaryo at posporo para walang-awang sunugin silang lahat nang bigla akong natigilan.

Bigla kasing sumagi sa isip ko, "May feelings din kaya ang mga LANGGAM? May mga loved ones? May mga pangarap at aspirasyong nais maabot sa buhay?"

Muli kong tiningnan ang mga munting nilalang na wala namang ginagawang masama kung hindi maging langgam. Paano kung meron nga? Syet. Kaya ko ba talaga silang kitilin? SUNUGIN AT BAWIAN NG BUHAY??

Napag-isip-isip ko, "Paano kung may mga pinag-aaral din silang kapatid? May sinusuportahang pamilya? May may sakit na magulang na walang mag-aalaga kapag pumanaw sila? May girlfriend o boyfriend na lubhang madi-depressed kung susunugin ko sila ngayon?"

"Paano kung 'yung isa sa mga langgam na ito ay kumukuha pala ng kursong Abogasya o Political Science sa Ant-eneo De Manila University? Paano kung ang isa sa mga ito ay nag-aaral pala ng English Major in Literature Minor in Mythology at nangangarap na maging isang kinikilalang editor ng dyaryong Tiktik?"

Sayang naman kung ako lang ang magiging dahilan ng pagtigil nila sa kanilang pag-aaral. Ayaw kong maging hadlang sa pag-abot nila sa kanilang mga munting pangarap sa buhay.

"Paano kung 'yung isa sa mga aabuhin ko sana ay may future pala para maging mabuting Queen ng Colony sa susunod na henerasyon? Paano nalang kung mapatay ko sa arson ang magiging Presidente pala sana ng Republika Ng Mga Langgam? Paano kung bawian ng buhay sa sunog ang kauna-unahang langgam pala sana na makakaapak sa buwan??"

Nakaramdam ako ng panlalamig sa katawan na karaniwan kong nararamdaman sa tuwing nagi-guilty ako sa isang bagay.

Syet. Syet. Syet.

'Di yata kaya ng konsensya ko 'yun. Baka hindi ako makatulog gabi-gabi sa kaiisip sa mga nasayang na buhay ng mga munting langgam na ito kapag tinuluyan ko nga sila.

Dahil mabait naman ako at pogi pa, hindi ko na tinuloy ang masama kong balak sa mga munting langgam. Bagkos, minabuti kong lumapit sa mga ito at pinagmasdan na lang sila.

Ang galing ng mga langgam, 'no? Nakakabilib. Abalang abala sila sa ginagawa nila paakyat at pababa sa kisame. Pero kahit na busy sila, paminsan-minsan parin nilang binubunggo ang isa't isa tapos ginagalaw-galaw 'yung mga antenna nila na para bang nag-uusap at nagpapalitan ng kuro-kuro sa buhay-buhay nila.

Habang pinagmamasdan silang organisadong nagma-martsa pataas-pababa sa kisame, may napagtanto ako.

Buti pa mga langgam sa pader, kahit na abala sila sa kanilang ginagawa at sa kanilang mga buhay, nagagawa parin nilang magkamustahan. Sana tulad din tayo ng mga langgam...

Nakakalakad sa pader! LOL

The end.


BALIK-TANAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon