Panget (FBstories)

756 12 1
                                    


"Panget!"

-

"Why sleep when you can do that all you want when you're already dead?"

Yan ang sabi ko nung nakita kong 1:55 A.M. na ang oras sa cellphone ko, dahil hindi ko mapigilang magpuyat kahit may pasok pa nung mga araw na yun. Pero dahil hindi naman ako papasok "lang" kung hindi magkakanda-stress at magkakanda-malat pang magturo at mangaral sa aking mga estudyante, ang sabi ko sa sarili ko

"3 A.M. last call,"

dahil mulat na mulat pa akong naglalaro ng P4 nun sa PCSX ko. Mabilis lumipas ang oras kapag nalilibang ka, kaya naman hindi na ako umangal nung tiningnan ko muli ang cellphone ko at 3:09 A.M. ang nakita kong oras. Masakit man sa loob ko, nag shut down na ako ng aking PC at humiga habang umuungot na inaabot ang switch ng ilaw sa pader na katabi ng kama ko hanggang mapatay ko na ang ilaw.

"Dear God, thank You po for another day,"

nakatulala kong sambit habang nakatingin ako sa kurtina ng aking kwarto na may banaag pa ng liwanag na nagmumula sa streetlight sa labas ng bahay, at ang ugong ng electricfan ko ay tila pinaghe-hele ako. Yan ang huling eksenang nakita ko habang ako'y napipikit na.

Unti-unting gumagaan ang katawan ko na animo'y nalasing na sa antok. Palambot ng palambot ang higaan kong parang niyayakap na ako papunta sa mundo ng panaginip. Alam kong nakakatulog na ako sa mga oras na yun. Ngunit merong kakaiba. Alam kong napikit na ako matapos kong magwika ng maikling panalangin. Alam kong nakatulog na ako. Alam kong natulog ako. Pero bakit nakikita ko pa rin lahat, at sa bawa't pag kurap ng mata ko, hindi man lang sumasaglit ang dilim sa aking paningin na mararanasan mo kung ito'y iyong gagawin, na tila hindi sinusunod ng mata ko ang pag kurap na ginagawa ko?

Kumilos ako upang bumaling patagilid, dahil patagilid ako lagi matulog. Ngunit pagbaling ko sa aking kaliwa, nakita ko ang sarili kong mahimbing na natutulog. Natuwa akong malaman na tama ako sa naisip ko kanina, nakatulog na pala talaga ako. Pero teka, bakit at paano ko nakikitang natutulog ang sarili ko sa aking kama, sa aking sariling kwarto?

Muling napunta ang tingin ko sa kurtina ng aking kwarto na huli kong nakita habang ako'y napipikit na. Andun pa rin ang liwanag na galing sa streetlight sa labas ng bahay. Naririnig ko pa rin ang electricfan kong umuugong. Mismong eksenang nakita ko bago ako mapikit sa pagtulog. Pero may isang bagay na nag iba. Ang kurtina ng kwarto ko ay gumagalaw, sumasayaw ng marahan dahil may hangin na nagmumula sa labas ng bahay.

"Uulan pa yata."

Yan ang naisip ko habang pinapanood ito. Ilang segundo lang, lumakas ang pag tangay ng hangin sa kurtina, uring makikita mo na kung ano ang nasa likod nito, kung ano ang nasa labas ng bintana, tulong na din ng ilaw mula sa streetlight sa labas ng bahay.

Napaupo ako sa kama ko ng may maaninag akong mga paang lumulutang, at sa puntong ito'y sumagi sa isip kong isa itong panaginip, dahil imposibleng may mga paang lumulutang. Pero nagtaka na ako dahil sa maraming beses na aking pagkatulog at ako'y nanaginip, kapag naintindihan kong nananaginip ako, agad-agad na akong nagigising. Ngunit sa pagkakataon na ito, alam kong lahat ng nagaganap ay panaginip lang, pero hindi ako makawala sa panaginip na ito. Habang hinahangin ang kurtina at pinagmamasdan ko ang mga paang lumulutang, napansin kong ito'y unti-unting bumababa.. dito na ako napatayo mula sa aking kama upang lumapit sa bintana at tingnang mabuti kung ano ang nasa labas nito. Marahang gumapang ang tingin ko pataas sa mga paang pinagmamasdan ko. Hindi mo maaaninag sa kulay ng mga ito ang sigla ng buhay. Laylayan ng puting trahe de boda na sumasayaw kasabay ng aking kurtina. "Babae siya.." ang mga salita sa isip ko. Mga kamay na kasing kulay rin ng mga paa na unti-unting bumababa. Napansin kong kakaiba ang kaniyang mga kuko, hindi ito kulay ng kuko ng isang taong humihinga pa. At dahil sa mga nakita ko, gusto ko ng i-alis ang tingin ko dahil nakasisiguro akong alam ko na kung ano itong nilapitan ko, pero tila ba'y napako ang mga paa ko sa kinatatayuan ko at ang tingin ko sa natatanaw ng mata ko. Hanggang sa nakita ko na ang kaniyang ulo. May belo na kumukumpleto sa kaniyang kasuotan, nakatakip ito sa kaniyang mukha, pero dahil sa hangin na nagpapasayaw sa kurtina ng aking kwarto at sa kaniyang trahe de boda, pabahagyang nalilihis ang belo mula sa kaniyang mukha, dahilan upang maaninag kong siya ay nakangiti sa akin, tulong pa ng ilaw na nagmumula sa streetlight sa labas ng bahay, naunawaan kong siya ay nakatitig din sa akin.. ilang beses na akong natitigan ng mata sa mata sa talambuhay ko, pero unang beses ko lang makakita ng ganung klase ng titig, na para bang hindi sa mata ko tumitingin, kung hindi ay mismong sa kaibuturan ng kaluluwa ko..

Nanlalamig na ako sa pagkatulala at sa hangin na pumapasok sa kwarto ko, pero nakatagpo ako ng lakas sa likas na ugali ko bilang isang tao, ang pagiging mapag obserba ko, na naging lakas ko upang mapangiti sa kaniyang itsura nung naunawaan ko ang kabuuan nito. Hindi siya maganda sa kabila ng suot niyang magara. Hindi siya maganda kahit siya ay maputi. Hindi siya maganda sa kabila ng mahaba niyang buhok. Hindi siya maganda kahit pa nakangiti at nakatitig siya sa akin. Dahil dito, sinubukan ko siyang sigawan.

"Hoy, panget?"

Nagtaka ako dahil walang lumalabas na boses sa bibig ko, na siyang dahilan upang kabahan akong muli. Pero hindi ako tumigil sa naisipan kong gawin sa mga pagkakataon na yun.

"Hoy, panget!"

Sa pangalawang ulit ko'y sinubukan kong mas ilakas pa ang sigaw ko, ngunit ako'y bigo pa rin dahil parang tinakasan na ako ng boses ko. Nakatingin pa rin ako sa kaniya, at napansin kong mas lumaki ang ngiti sa kaniyang mga labi. Mas dumilat ang kaniyang mga matang titig na titig sa akin. Ang mas nagpakaba sa akin ay ang unti-unti niyang paglutang papunta sa akin, papalapit, ng papalapit kung saan ako nakatayo. Sa mga puntong iyon ay mas lalo ko ng ninais na makasigaw ng gamit ang buong lakas ng boses ko, at ang tanging naikilos ng katawan ko sa aking pagka taranta ay ang pag suntok ng malakas sa rehas ng aking bintana, naramdaman ko yun sa aking kamao, kumalabog ang matigas at malamig ang bakal, masakit, sakit na bumuo sa aking boses at naisigaw ko ng malakas at mariin,

"PANGEEEEET!!!"

"..nget--" narinig ko ang sarili kong nagsalita at ako'y napamulat, habang nakahiga sa kama, pawis na pawis at nilalamig, naghahabol ng hininga at dinig na dinig ang mabilis na pag tibok ng aking puso na parang katabi lang ito mismo ng aking tenga. Narinig kong muli ang pag ugong ng electricfan ko. Mabilis na bumaling ang mga mata ko upang tingnang muli ang kurtina ng kwarto ko, at naroon pa rin ang ilaw na nagmumula sa streetlight sa labas ng bahay.

"Dear God," aking sambit habang pinupunasan ang pawis sa aking mukha, "thank You po for another day.."

- LC5s

True Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon