Secret Conversations

10.1K 134 0
                                    

AKSIDENTENG NAAKTUHAN ni Louise ang pagtatalo nina Francine at Henry nang dumating siya mula sa pamamasyal kasama si Amie. Galit na galit ang ang Tito Henry niya, namumula ang mukha ngunit pigil ang emosyon. Medyo humupa lang ito nang makita siya sa pinto.

Umiiyak lang na nakaupo sa sofa ang mama niya. Hindi na siya nagtangkang lumapit dahil nang mamataan siya ni Francine at agad itong pumasok ng kwarto nito. Sumunod naman si Henry. Naiwan siya sa living area. Dinig pa rin niya ang pagbabangayan ng dalawa.

Napalingon siya nang madinig ang pagpihit ng seradura ng pinto na hindi na niya nagawang isara kanina pagpasok. Iniluwa niyon si Harold.

"What's happening?" tanong nito nang maringgan ang patuloy na pag-away ng dalawa sa loob ng silid ng mga ito.

Ipinilig ng dalaga ang balikat. Tumuloy si Harold sa katapat na couch at tahimik na naupo roon. She gaped at the presence of a sullen-faced man. Para may malaki itong problema.

"Harold." Pagtawag niya sa atensyon nito.

Nakatulala lamang itong nakamasid sa sahig.

"Harold." Ulit niya. Maang na napatitig lang ang binata sa kanya. "May problema ka ba?"

Umiling ito. "No. Nothing. Papasok na muna ako sa kwarto." Anito saka tumayo at muling isinukbit ang backpack.

Bago kay Louise ang inaktong iyon ng binata. If he wasn't playful, he was never quiet nor meek. Alam niyang may dinaramdam ito bukod sa naratnang kaguluhan sa pagitan nina Henry at Francine. Kagyat na bumuntot sa nobyo ang dalaga.

"May problema ka, Harold. Ano? Sa tropa? School? Sabihin mo sa akin at baka makatulong ako."

Natigilan ang binata. Lumingon sa kanya, tumango-tango saka muling naglakad hanggang sa dulo ng pasilyo. Humabol siya hanggang sa labas ng pinto nito ngunit mabilis itong pumasok saka isinara ang silid.

Naiwan siyang lipos ng pag-aalala sa labas. Gaano ba kalala ang problema ni Harold para magmukha itong miserable? Walang nagawa ang dalaga kung hindi ang pumasok na rin sa katapat na silid. Ite-text na lamang niya si Harold upang ungkatin ang problema nito.


BIGONG NAKATANGGAP ng response sa text si Louise nang gabing iyon. Napuno ng kung anong agam-agam ang buong gabi ng dalaga tungkol sa pananahimik ni Harold. Humupa na rin ang bangayan sa katabing silid. Titiyempuhan na lang niya si Francine para kausapin ito sa issues nito at ni Henry. Ngunit mas matimbang ang pag-aalala niya ukol sa kasintahan. Balisa siya magdamag. Hindi na niya namalayan kung paano at kung anong oras siyang natulog.

Mag-aalas nueve na siya nagising kinaumagahan. Pupunta siya ng school ngayong araw para kunin ang grades niya noong nakaraang semester saka ide-derecho na niya sa pag-eenroll bago ang pasukan sa susunod na linggo. Pagkalabas ng pinto, bantulot ang dalaga kung kakatukin si Harold. Napuna niyang nakaawang ang pinto nito. Humugot muna siya ng hangin saka ibinuga iyon saka nangahas na pumasok sa kwarto nito.

Tulog na tulog ang binata.

Nakadapa ito, hubad baro at tanging boxers shorts lang ang saplot. Nalilis na ang kumot nito na nakalaylay sa sahig. Nilimot ng dalaga ang nagkalat na damit at pantalon nito sa sahig. Maingat ang ginawa niyang pag-imis ng gamit nito upang hindi ito maistorbo sa pagkahimbing.

Matapos iyon ay muli niyang pinagmasdan ang tulog na boyfriend. Wala itong kaibot-ibot kaya nagpasya siyang tumalikod na upang lumabas. Natigil lamang siya nang marinig ang pagtunog ng ringtone ng phone nito na nasa lamesitang katabi ng kama. Tulog mantika ang binata.

Na-curious na lumapit siya sa kinaroroonan ng phone nito. Maingat niyang dinampot iyon. Bago pa man niya tingnan ang screen niyon ay naputol na ang tawag. Ngunit naka-rehistro pa rin ang pangalan ng tumawag kanina.

Danielle.

Pakiwari niya'y nangapal ang kanyang tenga pagkabasa sa pangalang iyon. Woman's intuition ba ang nagsasabi sa kanyang dapat niyang pangambahan ang pangalang iyon? Hindi ba Danielle rin ang pangalan ng ex-girlfriend ni Harold na sumingit sa usapan nila noon sa fastfood chain may ilang buwan na ang nakararaan? Hindi kaya ito ang tumatawag kay Harold? Para ano?

Hindi kaya...

Pinalis ni Louise ang pagliliwaliw ng kanyang utak. Hindi muna niya isinauli ang phone. Natukso siyang i-explore iyon. Nasa inbox ni Harold ang mga text messages niya kagabi. Nabasa ito ng binata dahil bukas na ang mga iyon, hindi lamang nito sinagot?

Bakit kaya? Dahil busy itong ka-text o katawagan si Danielle? Maaari. Nakadama siya ng pagngingitngit ng kalooban sa sapantahang iyon. Marahas siyang bumuga ng hangin habang patuloy na ini-scroll down ang inbox. May ilang mensahe si Danielle roon. Binuksan niya isa-isa. Inumpisahan niya sa pinakaunang mensahe ng hitad.

10:37. "Hi, Harold. I'm sure hindi mo pa nabubura ang contact ko sa phone mo. Please respond."

Kasunod niyon ang text ni Harold. Itinanong lamang ng binata kung ano ang kailangan nito. Lalo siyang nainis. Ni isa sa mensahe niya hindi nito sinagot pero sa text ni Danielle, kara-karaka?

10:45. "Pwede ba tayong magkita bukas ng gabi? We need to fix things between us two. I'm sorry sa sinabi ko kanina."

Saglit na napasisip si Louise sa nais iparating ng makating babaeng ito kay Harold? Sa tono ng mensahe nito, mukhang may mabigat na dinadala si Danielle. Hindi kaya iyon din ang dahilan kaya parang problemado ang boyfriend kagabi? At nag-usap ang dalawa kanina? Ano naman kaya ang pinag-usapan ng mga ito?

Walang response mula sa binata. Nagfollow-up text naman ang bruha.

10:52. Harold, huwag mo naman akong i-ignore. Huwag mo nang paabutin sa puntong mas magiging magulo ang lahat. Talk to me..."

Kinabahan na si Louise sa takbo ng mensahe. Sumagot si Harold sa pagkakataong iyon. Pumayag ang lalaking makipagkita. Bwisit na damuhong ito. Nakagat ng dalaga ang ibabang labi sa sobrang panggigigil. Parang may nag-uudyok sa kanyang ibato rito ang phone sabay komprontahin ito tungkol sa palitan nito ng messages at ni Danielle.

11:07. Starbucks, SM San Lazaro na lang tayo magkita para malapit sa dorm ko. 6:00 PM."

Doon na naputol ang palitan ng messages ng dalawa. Kakabisahin pa sana ni Louise ang numero ni Danielle nang mabanaag niya sa peripheral vision ang pagkilos ni Harold sa higaan. Tumihaya ito. Agad niyang ibinalik ang phone sa lamesita at binalingan ang nakapikit na binata. Nag-inat ito. Humulma ang muscles sa pag-strecth niyon, lumitaw ang pinong buhok sa kili-kili. Maya-maya'y ibinaba nito ang isang kamay at isinuot sa ilalim ng boxer shorts at kumambyo.

Tila nilukuban ng mainit na hangin ang dalaga sa ginawang iyon ng himbing na binata. Kahit ba ilang ulit na niyang nakita ang hubad nitong katawan dahil komportable na silang naghuhubad sa presensya ng isa't isa, pakiwari ni Louise at hindi nababawasan ang tensyong nadarama niya kapag kasama o katabi ito.

Bago pa man siya alihan ng pagkarahuyo sa hubad na kasintahan at dagli niyang nilisan ang silid nito. May kasalanan sa kanya ang lalaking ito. Kailangan lamang niyang kumpirmahin kung ang Danielle na nagte-text dito ay ang ex-girlfriend nga nito. Naku, hindi niya alam ang magagawa niya sakaling makumpirmang tama ang hinala niya.

Wild InnocenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon