"LOUISE, BUMABA ka na at nandito na ang taxi."
Minadali ni Louise ang pag-apply ng lip gloss saka mabilis na sinipat ang sarili sa salamin. "Bababa na ho." Sigaw niya saka hinagilap ang handbag niyang may lamang abubot at cellular phone.
Hindi naman niya kailangang magpaganda kasi si Francine ang may date. Isang peach colored na bestida ang sinuot niya. Knee-cut iyon kaya lumitaw ang magandang hubog ng kanyang legs. Malaking bulas naman kasi talaga siya. In fact, mas mataas pa siya ng halos dalawang pulgada kaysa sa mama niya.
Wedge shoes ang itinerno niya doon para mas madaling kumilos. Ang sabi ng mama niya ay iyong pinakamaganda ang isuot niya pero dahil hindi naman talaga bukal sa loob niya ang sumama dito, hindi na siya um-effort.
Pagkababa, kumaway mula sa gate si Francine. Nagmamadali niyang pinuntahan ang kinaroroonan nito. Bago pa man siya makalapit, sinenyasan siya nitong i-lock ang tarangkahan. Nang maisara iyon, sumunod na siya dito at magkatabi silang umupo sa backseat.
"Bakit ho kasi kailangan ko pang sumama? Magmumukha lang akong asungot sa date mo."
Inayos ni Francine ang ilang hibla ng buhok na nalaglag sa mukha niya.
"Hep! Mag-aaway na naman ba tayo sa kare-reklamo mo? Resorts World ang pupuntahan natin, hindi ka mababagot kung ayaw mong mag-chaperon sa akin. Marami kang pwedeng pagkaabalahan doon."
"Iyon nga, eh. Lumalabas kayo dati pa nang hindi na kailangan ng chaperon tapos ngayon-"
"Iba ngayon, Louise. Espesyal ang gabi na ito para sa akin. Para sa atin." Kinikilig na turan ng ina saka maluwang ang ngiting sinulyapan siya. "Magugustuhan mo siya, sinisiguro ko sa'yo. Excited na rin siyang makilala ka."
She did not want to burst her mom's bubbles. Nasa sasakyan na siya at wala nang magagawa ang pagpupumilit niyang kontrahin ito. Pinagkasya na lamang ng dalaga sa pagmasid sa nadadaaanang mga lugar ang buong byahe nila. Masyado yata siyang nawili na hindi niya namalayan ang paghimpil ng taxi sa parking area ng casino. Inuntag siya ng ina na nauna nang bumaba. Maliksi siyang sumunod dito.
Namangha si Louise sa pagtambad sa napakalaking entrance at lounge area ng Resorts World. Buwan ng Marso pero dominante pa rin ang tema ng Chinese New Year. Hindi false advertising ang pagmamalaki nito sa world-class facility. Mula sa pag-ikot ng paningin sa mga dekorasyon, kagamitan at pasilidad, napuno ng paghanga ang mga mata ng dalaga na hindi magkamayaw sa pasimpleng pagkuha ng pictures ng magagandang area ng lugar.
Sa activity area na raw magmi-meet si Francine at ang bagong boyfriend nito. May mga perofrmances daw silang panonoorin. Bago pa man sila makapasok doon, nakadama ng tawag ng kalikasan ang dalaga.
"Ma, mauna na kayo. Pupunta muna ako ng CR."
Tumango si Francine. Kinausap muna nito ang security na nagbabantay sa pinto at itinuro siya. Ang ina na rin mismo ang nag-present ng identification card niya na nagpapakitang eighteen na siya at legal nang pumasok ng casino. Pinukol siya ng tingin ni manong guard, tinandaan marahil ang hitsura niya. Matapos iyon, pumasok na si Francine. Nagmadali naman siyang lumiko sa isang pasilyo. Naroon ang CR na hinahanap niya.
Hanggang banyo, busog na busog ang mga mata ni Louise. Ultimo kasuluk-sulukan yata ng establisyementong ito ay world-class. Nag-aalangan nga siyang umihi dahil ayaw niyang dumihan ang inidoro. Kapagkuwan ay muli niyang sinipat ang hitsura sa salamin sa wash area. In all fairness, mas maganda siya sa light effects ng CR. Nang masiyahan ay lumabas na rin siya.
KUMUNOT ANG NOO ni Louise habang tinititigan ang lalaking nakatalikod sa kanya. Naglalakad ito papunta sa entrance. There was no mistaking his tall and lean figure.
"Harold." Tawag ng dalaga.
Sukat doon ay lumingon ito. Si Harold nga, halatang gulat din sa presensya niya sa lugar na iyon. Huminto ito upang hintayin siyang makalapit, nahalinhinan ng ngiti ang awang na mga labi dahil sa pansamantalang pagka-sorpresa.
"What are you doing here, Louise? You look beautiful, anyway." Bungad nito.
Sinusuyod siya ng tingin ng lalaki, nangniningning ang mga mata sa paghanga.
"Kasama ko si mama." Aniya nang makalapit.
"Nagka-casino ang mama mo?" Medyo off ang tanong nito.
Umiling siya. "May date sila ng boyfriend niya. Magcha-chaperone lang ako. Ikaw, ano'ng ginagawa mo dito? May date ka rin?" she asked, chuckling.
Hindi iyon simpleng pambubuyo pero biglang pumasok sa utak niya ang ideyang baka nga may ibang ka-date si Harold. Hinala agad, girl?
Tumawa ito, lumabas ang pantay na mga ngipin. Naningkit ang mga mata, halatang aliw na aliw sa tanong niya.
"Not unless you allow me to be your date. Kasama ko papa ko."
Tumango-tango siya, pinilit hindi bigyang pansin ang pasaring ng lalaki. Namulsa ito saka nagningning ang mga matang iginiya siya gilid nang may grupong dumaan sa kinatatayuan nilang dalawa.
"Teka, sa activity area ba ang punta mo? Doon din kasi ako papasok. Samahan na kita. Alam mo na, baka may kumidnap sa'yo. You look expensive."
"Ikaw rin naman."
"'Yan ang gusto ko sa'yo."
Tinapik niya ito nang mahina sa braso.
Ilang saglit pa ay magkaagapay na silang pumasok sa activity area ng casino. Malamlam ang ilaw sa loob. Sumalubong din ang mas malamig na temperatura. Sa center stage ay may performers. Pares ng foreigner na nagro-roller skate sa makipot na elevated area. Namangha siya sa pag-angkla ng babae sa partner na lalaki habang patuloy na umiikot ang huli. Namalayan na lang niya ang banayad na paghila sa kanyang braso ni Harold.
"Nakita ko na si papa. Ipapakilala muna kita." Bulong nito.
Binawi niya ang mga mata mula sa show. Pagkatapos ay sumunod sa binatang hinigpitan ang pagkakunyapit sa kanya. Hindi na siya nagtangkang bawiin iyon. Ilang sandali pa ay nangunot ang noo niya habang nakatayo silang dalawa sa harap ng lalaking nagpakilalang papa ni Harold at ng babaeng ka-date nito.
Si Francine.
Katulad nilang dalawa, maang din ang ekspresyon nina Henry at Francine. Pero panandalian lang iyon.
"You know each other?" tanong ni Henry.
Noon lamang nila napunang magkahawak-kamay pa pala silang dalawa ni Harold. Agad silang nagbitiw.
"Yeah. Louise is my..." natigilan ang binata. Nagpalipat-lipat ng tingin sa ama at sa mama niya. Hindi rin maipinta ang mukha ni Francine nang makitang magkasama sila ni Harold. Tila natuklaw ito ng ahas sa gulat na ekspresyon.
Binasag ni Henry ang tensyon sa pagitan nilang apat sa pamamagitan ng pagtawa. Maya-maya pa ay pumuwesto na sila. Magkatabi si Henry at ang mama niya. Magkatabi sila ni Harold. Kapagkuwan ay pormal na silang nagpakilala sa isa't isa.
"What a coincidence. I hope you don't mind that I'm dating your mother, Louise."
"Nagulat lang ho ako."
"Louise, si Henry ang matagal ko nang kinukuwento sa'yo. Nasorpresa rin ako nang malamang si Harold ang anak niya." Ani Francine. Pinukol ng tingin si Harold. "Hi, Harold. H-hindi ba ikaw ang naghatid sa anak ko noong nakaraan. I-ikaw ba ang boyfriend ni Louise?"
"No, ma." Maagap na salo niya. Nilingon niya si Harold. He did not look really pleased. Bakit? Seryoso ba ito nang ipangalandakan ng lalaki na girlfriend na siya nito. "Magkaibigan lang ho ako ni Harold."
Hindi naglaon ay nag-umpisa na ang kanilang dinner. Panay ang kwentuhan nina Henry at Francine. Maya-maya rin ang pag-untag ng mga ito sa pananahimik naman nila ni Harold. Louise had nothing against Harold's father. Gusto na nga niya ito para sa mama niya. Awkward lang na sa dinami-dami ng pwedeng maka-date ng mama niya ay si Henry pa. Ang daming coincidences na nagyari sa loob lamang ng maigsing panahon.
BINABASA MO ANG
Wild Innocence
RomanceSEX. Sa konserbatibong pananaw ay aktong nakakulong lamang sa silid ng mag-asawang tumanggap ng sakramento ng kasal. Sa modernong kaisipan, sex was...an act of liberation, of expression, of passion. Madalas sa minsan, wala lang...