KUMPARA NOONG sinusuyo pa lang niya si Louise, mas madalas na ang paghang-out ni Harold kasama ang mga kaibigan. Usapan naman kasi nila ng girlfriend na i-sekreto ang relasyon nila dahil pihadong may makikiusyoso sa kanilang mga kaibigan o kaklase. Higit ang komplikasyong hatid ng paninirahan nila sa iisang bubong. Siguradong maraming magtataasan ang kilay, puputok ang tsismis hanggang kumalat sa school.
Mahigpit ang patakaran ng Saint John the Baptist pagdating sa isyu ng moralidad. Malamang at sa malamang, kapwa sila makukwestiyon sa set-up ng kanilang mga pamilya. Or worse, pareho silang ma-expel ni Louise. Hindi niya maaring ilagay sa alanganin ang kinabukasan ng dalaga.
"May itatanong sana ako, pare. Huwag kang mapipikon, ha?" panimula ni Marco saka pinanood ang pagsargo ng cue ball. Si Levi ang kalaban nito kaya miron lamang sila ni Drake.
Tumango si Harold, tinungga ang nalalabing beer. "Oo naman. Ano pa't tropa tayo."
"Binasted ka ba ni Louise Delgado?"
Yumugyog ang balikat ni Drake sa pigil na tawa samantalang nangiti lamang si Levi. Natigilan si Harold. Kapagkuwa'y kinamot ang batok bago sinagot ang tanong na iyon ni Marco.
"Paano naman napasok sa usapan si Louise?"
"Akala kasi namin dati seryoso ka sa kanya. Nakakalimutan mo na nga ang lakad ng tropa, hindi ba? Lately kasi parang bumalik na ang dating Harold. You hang out with us as often as you did before."
Nagkibit-balikat ang lalaki. "Aaminin ko na, pareho naming desisyon na maging magkaibigan na lang kaming dalawa." Pagsisinungaling niya. He made sure he sounded convincing though.
"Busted na rin 'yun. Nilagyan mo lang ng paliwanag." Komento ni Levi na ikinabulanghit ng lahat.
Wala namang epekto kay Harold iyon. Kailangan niyang panindigan ang pagsisinungaling niya.
"Busted na kung busted. Masaya ako na magkaibigan na lang kaming dalawa." Iiling-iling na wika niya.
Lumingon sa kanya si Drake, hawak ang isang latang beer. "So pwede ko nang pormahan si Louise?" seryosong tanong nito na ikinatigas ng panga niya.
Umalon ang dibdib ni Harold sa sinabing iyon ng kaibigan. Kung ganoon ay seryoso pala talaga ito sa pagbanggit noon na gusto nitong ligawan si Louise.
"Liligawan mo si Louise? Paano na si Patricia? Si Cindy? Si Miss Casimsiman? Ang nanay ng ex-fling mo na type na type mo?" may bahid-katotohanang biro niya.
Nagsitawanang muli ang lahat.
"Hindi ko lang kasi masabi sa'yo noon dahil alam kong pinopormahan mo siya. Bilang respeto na rin natin sa isa't isa. Pero since sinabi mong magkaibigan na lang kayo, baka pwede ko na siyang ligawan." Seryosong pahayag nito.
Naalarmang bigla si Harold dangan at hindi niya maaring ipahalata ang pagtutol na nararamdaman. Kahit naman nasisiguro niyang wala itong pag-asa sa kanyang girlfriend, hindi niya maatim na may ibang lalaking pomorma rito.
"Concerned lang ako sa kanya, pare. Magkaibigan na kami. Pinoprotektahan ko lang siya."
"Bantay-salakay, 'ka mo." Ani Levi. "Sabihin mo na lang kasi na hindi ka pa nakaka-move on kay Louise. Pero sabagay, mahirap talagang pagkatiwalaan sa babae itong si Drake. Kaya nga 'pag nalalagi ito sa bahay, binabantayan ko nang maigi ang nanay at lola ko."
"Ulol!"
Nagtawanan silang apat.
"Pero, pare, pwede bang ibalato mo na lang sa akin si Louise? Maghanap ka na lang ng ibang babaeng popormahan mo." Nakangiting saad niya.
Natahimik si Drake sa pakiusap niyang iyon. Makahulugan siya nitong pinukol ng tingin saka iiling-iling na ngumiti.
"Siya nga naman, pare. Unahin muna nating hanapan ng bagong tsikas itong si Levi." Nang-aalaskang pinalo ni Marco si Levi ng billiard stick.
"Break na naman kayo ni Gwen? Ayos pa kayo last week, ah. Nag-motel pa nga kayo, 'di ba?" kunot-noong tanong niya sa lalaking hitsurang hindi maipinta ang mukha nang mapunta rito ang usapan.
Isinandal nito ang billiard stick at dumako sa kanilang table upang kumuha ng lata ng beer.
"Tang-ina naman kasi, nahuli kong may ka-text na DOM." Pagtatapat nito. "Aba nang pagsabihan ko, ako pa'ng lumabas na masama. Porque at hindi ko naman daw maibigay ang lahat ng gusto n'ya kaya kailangan pa niyang pumatol sa gurang na idi-date n'ya."
"Mabuti na rin 'yung hiniwalayan mo."
"Gago, siya pa nga nakipaghiwalay." Asik nito sa komento ni Marco. "Pero teka, akala ko ba mag-iinuman lang tayo saka hang-out, bakit ako na ang pinupulutan ninyo?"
Inakbayan ni Drake ang lulugo-lugong si Levi. "Sige na, dadamayan ka na namin. Lalabas tayong mamaya at doon mo na lang ilabas ang lahat ng sama nang loob mo, okay?" Kapagkuwa'y luminga ito sa kanya. "Sumama ka na sa amin, Harold. Kailangan mo'ng bumawi sa tropa."
Well, hindi na siya makakatanggi. Naisip ni Harold na hindi naman siguro big deal kay Louise na lumabas siya kasama ng tropa. Isa pa, kailangan niyang matyagan ang bawat galaw ni Drake gayong ipinagtapat nitong interesado ito sa girlfriend. He could not simply take his word as an assurance. Kilala niya ang kaibigan. Alam niya ang takbo ng utak nito.
BINABASA MO ANG
Wild Innocence
RomanceSEX. Sa konserbatibong pananaw ay aktong nakakulong lamang sa silid ng mag-asawang tumanggap ng sakramento ng kasal. Sa modernong kaisipan, sex was...an act of liberation, of expression, of passion. Madalas sa minsan, wala lang...