Face-Off

7.9K 135 3
                                    

HALOS liparin ni Louise ang hallway ng ospital papunta sa trauma division ng Ospital ng Maynila. May phobia siya sa ospital, o kahit sa amoy nito. Iyon ay dahil sa naging karanasan ng Mama niya noong seven years old siya. Tandang-tanda pa niya ang eksena nang datnan niya ang ina sa hagdan ng inuupahan nilang apartment. Namimilipit ito sa sakit habang sapo ang duguang bahagi ng puerta nito. Sa batang edad, alam niyang nasa panganib ang ina. Dagli siyang tumawag ng saklolo hanggang sa isang kapitbahay ang nagmagandang-loob na tumulong sa Mama niya. Hanggang ospital, hindi siya magkamayaw sa pag-iyak dahil sa labis na pag-aalala sa kalagayan ng ina. Paano kung mamatay ito? Kakayanin ba niya ang mamuhay nang mag-isa gayong ang ina ang nakagisnan at kinalakhan niya?

Later on, nalaman niya ang dahilan ng pagkaka-ospital ni Francine. It was an abortion-gone-wrong. Inamin nito kanya ang katotohanang iyon nang magdalaga siya, kasabay ng palagian nitong pagpapaalala na kahit ano'ng mangyari, huwag siyang tutulad dito. Alam niyang maraming pagkukulang si Francine ngunit na-appreciate niya ang concern nito sa kanyang well-being sa kabila ng klase ng buhay na kinalakhan niya kasama ito.

"Dr. Lemuel Espenida, you are urgently needed at room 103..."

Nagpabalik sa kanya sa reyalidad ang tinig ng nurse sa intercom ng ospital. Room 103. Iyon ang room ni Henry. Binilisan niya ang paglakad. Bawat hakbang niya ay lalong nagpapalakas sa kabog ng kanyang dibdib. Alam niya ang problemang pinagdadaanan nina Henry at Francine. Mahirap sa kanyang tanggapin ang mga konsekwensya ng napipintong paghihiwalay ng dalawa. Ngunit maling isipin niya ang bagay na 'yon sa gitna ng nangyayari ngayon. Alam niyang ganoon din si Harold. He would be really distraught learning about Henry's accident.

Sa naisip, sumidhi ang pagnanais niya na makita ang kasintahan sa kabila ng alimpuyo ng iba't ibang damdamin na nakapaloob sa kanya. Gusto niya itong yakapin, ipadama rito na hindi ito nag-iisa. Na may karamay ito sa kabila ng lahat. Na mayroon mang maaring magbago sa kanila, o kung nalalapit man ang huling pagkakataong magkasama sila, nasa tabi siya nito sa oras na kailangan nito ng taong masasandalan.

Natagpuan niya sa labas ng OR si Francine. Tinakbo niya at niyakap ang ina, luhaan ito.

"Mama..."

"Louise, anak. Thank God at nakarating ka. Litong-lito ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pakireamdam ko, kasalanan ko ang lahat ng 'to. Siguro kung hindi ako nakipaghiwalay-"

Sinawata niya ang histerikal na ina. "Walang may kasalanan, Ma."

Iginiya niya ang ina sa upuan sa hallway. May ilang minuto niya itong kinalma.

"Ano hong nangyari kay Tito Henry?" tanong niya nang mahimasmasan ito.

"Hindi ko rin alam ang buong pangyayari. Ang sabi sa report ng mga pulis, bumangga sa gutter ng expressway sa Magallanes ang kotse niya. Sila rin ang tumawag sa akin para ipaalam na isinugod dito si Henry. Oh, Louise. P-parang...parang hindi maganda ang lagay ni Henry. Si Harold...si Harold, tinext ko siya. H-hindi mo ba siya kasama?"

Umiling si Louise. Ayaw na muna niya ituon ang isip tungkol kay Harold at sa komplikasyong nalaman niya ukol dito. Mas kailangan siya ni Francine. Sigurado siyang kung nalaman na nito ang balita tungkol kay Henry, hindi mag-aatubili ang binata na puntahan ang ama para tiyaking maayos ang kalagayan ng ama nito.

"Kayo ba ang pamilya ng pasyente?"

Kapwa nila nilingon ang doctor na lumabas mula sa operating room.

Tumango si Francine.

"I'm Dr. Alfonso Buenaventura. I'm the doctor in-charged of the patient. I don't want to add-up to the stress you are feeling right now but I am compelled to let you know about the patient's condition at the moment. Gusto ko lang sanang ipaalam sa inyo na hindi maganda ang lagay ng pasyente. Kailangan niya maoperahan agad upang tanggalin ang namumuong dugo sa kanyang utak. Si Dr. Espenida ang surgeon na makakatulong ko sa gagawing operasyon."

Humagulhol si Francine sa narinig. Hinagod ni Louise ang likod nito upang kalmahin. "Magiging okay si Tito Henry, Ma. Ipaubaya na natin sa Diyos at sa mga doktor ang lahat, please."

"Yes, tama ang anak n'yo, Mrs. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang isalba ang pasyente. Bueno, papunta na rito si Dr. Espenida. Ipapakausap ko na lang kayo sa nurse para ipaliwanag ang detalye ng gagawing operasyon. Ipagdasal na lang po natin na mairaos nang maayos ang surgical procedure na gagawin sa pasyente"

Iyon lang at sinalubong na ni Dr. Buenaventura ang isa pang doktor. Naiwan silang magkayakap ni Francine. Sinulyapan ni Louise ang silid na kinaroroonan ng kanyang Tito Henry kasabay ng tahimik na dasal na mailigtas ito sa tiyak na kapahamakan. Pagkuwa'y nilingon niya ang hallway. Sumidhi ang kabog ng kanyang dibdib nang makita ang humahangos na si Harold.

Kasunod si Danielle at si Drake.


Wild InnocenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon