Beyond
Umihip ang sariwang hangin dahilan para hawakan ko ang nililipad na buhok ko. Nilanghap ko ito at hindi ko mapigilang mapangiti sa samu't saring alaalang nagbalik sa isip ko nang suyudin ko ng tingin ang paligid.
Tandang tanda ko pa. Ganitong ganito rin ang araw na yun. Maraming tao, maraming makukulay na nagtitinda, mga batang nagtatakbuhan at magkakaibigan na nagsasayahan kasabay ng tugtuging pumapailanlang sa buong lugar. Kung hindi ako nagkakamali, ang taong tinitilian ngayon sa entablado ay siya ring kumakanta noon dahil sa lamig at kalmadong boses niya na naaalala ko pa.
Ipinikit ko ang mga mata ko at agad lumitaw ang nakakapanginig lamang mga mata niya na seryosong nakatingin sakin. Ipinatong ko ang kamay sa dibdib at pinakiramdam ang mabilis na tibok nito sa simpleng alaala niya.
Namamanghang nakatanaw ako noon sa ibaba kung nasaan ang entablado, ang mga iba't ibang nagtitinda. Dito ko unang naisip na ang saya siguro maging tao at hiniling na sana maging isa ako sa kanila. Pero hindi lang yun ang dahilan kung bakit naging espesyal ang lugar na ito sakin at kung bakit binabalik balikan ko ito kahit na may mas magagarbo pang ganito sa ibang eskwelahan. Kasabay ng malakas na hiyawan mula sa ibaba, hinawakan niya ang hawak ko habang nakatingin sakin ng diretso. Dito... dito siya unang nakilala ng puso ko.
Kumunot ang noo ko nang tumaas ang mga balahibo ko. Para bang may nakatingin sakin.
Pagmulat ko napahawak agad ako sa tiyan ko nang muntik na akong atakihin pagkakita ng isang maliit na batang lalaking taimtim na nakatitig sakin.
Napalitan ng ngiti ang gulat sa mukha ko. Nakasuot siya ng puting camison na tinernuhan ng kulay albeyanang shorts at puting sneakers. Maayos na nakataas ang itim na buhok niya dahilan para walang maitago sa napakagwapong mukha niya. Napahagikgik ako. Para siyang maliit na prinsipe.
Yumuko ako para mapantayan siya. "Hello! Anong pangalan mo?"
Kumurap lang siya, maliban dun ay walang nang nagbago sa ekspresyon niya. Mas lalong lumaki ang ngiti ko nang mapagmasdan ang bilugang mga mata niya, ang matangos na ilong niya at mapupulang labi niya. Gusto kong pisilin yung mga matatabang pisngi niya!
Mula sa mukha ko ay bumaba ang tingin niya papunta sa tiyan na hawak ko. Kumibot ang labi niya bago dahan dahan niya itong tinuro.
"Paris!"
Parehas kaming napalingon sa babaeng humahangos na tumatakbo papunta sa direksyon namin.
"There you are!" Umupo ang magandang babae sa tabi ng bata at marahan niya itong niyakap. Ngumuso ang bata bago ako tinignan muli. Napatingin din tuloy sakin ang sa tingin ko ay nanay niya--hindi sila magkamukha pero magkasing hugis sila ng mukha at kulay ng buhok. "I'm sorry."
Sandaling nagsalubong ang mga kilay ko bago ko siya nginitian. Para kasing nakita ko na siya. Pamilyar sakin ang pilyang kislap sa mga mata niya. Hindi ko lang maalala kung saan.
"Ay hindi, wala naman siyang ginagawang masama."
"Bigla nalang kasi siyang nawala kanina. This is the first time na ginawa niya 'to. He's only a year old but he is much like his father. Wala sa ugali niya ang pagiging makulit at pasaway."
"Hayaan mo na. Ganyan talaga ang mga bata. Mabuti nalang dito siya napunta."
Tumayo siya at pumunta sa likod ng anak niya. Pinantayan ko ang bata at pinisil ang isang pisngi niya.
BINABASA MO ANG
My Ghost Girlfriend
Teen FictionDustin's sixth sense was opened due to an accident. Against his will, his father decided to take him at his grandfather's ancient house in the middle of the forest to rest and heal. Everything seemed fine not until he saw her. No, she first saw him...