Maaga akong gumising at nag-ayos para pumasok sa trabaho. Nakakapanibago nga dahil mas nauna pa akong magising kaysa sa pagtunog ng alarm clock ko.
"Ang aga mo naman ata gumising?" Tanong sa akin ni Mama nang makita niya akong pumasok sa kusina.
"Kailangan ko po pumasok ng maaga, Ma. Ngayon kasi namin malalaman kung yung design ko or design ni Jia ang napili ng asawa ni Mr. De Leon para sa vacation house nila sa resort sa Palawan." Sagot ko. "Gising na po ba si Papa?"
"Natutulog pa siya, anak. May tinapos pa kasi siya kagabi bago siya natulog." Sagot ni Mama. Sinalin niya sa baso ang fresh milk at iniabot 'yon sa akin. Ipinaghanda niya na rin ako ng pancakes at bacon. "May kailangan ka ba sa kanya?"
Umiling ako. "Wala naman po. Sasabay lang sana ako sa kanya papasok sa office."
Napakunot ang noo ni Mama. "Bakit?"
"Tinatamad po kasi ako mag-drive." Sumubo ako ng pancake bago nagsalitang muli. "Saka para tipid na rin sa gas."
Huminto sa kanyang ginagawa si Mama at tumingin sa akin.
"Okay rin yung paminsan-minsan nagtitipid ako. 'Di ba, Ma?"
"Tama ka d'yan, anak." Natatawang wika ni Mama. Hindi ko rin mapigilang matawa. She's the best. Palagi niyang sinasakyan ang trip naming dalawa ni Jaja.
Ipinagpatuloy ko ang pagkain ng almusal habang inaayos ni Mama ang stocks namin sa pantry.
"Hindi na kita nakita kagabi pagkatapos ng dinner. Iniwan mo ang mga kaibigan mo sa garden."
"Nasa veranda po kami ni Beatriz kagabi. Tahimik po kasi ro'n kaya doon na lang kami nagkwentuhan."
"Speaking of Beatriz, pinakagusto ko ang regalo na ibinigay niya sa akin." Nakangiting wika ni Mama. Napangiti rin ako dahil sa sinabi niya.
"Grabe! May favoritism ka, Ma. Hindi man lang yung regalo ko o regalo ni Jaja yung pinaka-nagustuhan mo. Yung kay Beatriz talaga?"
Natawa si Mama. Lumapit siya sa akin at ginulo-gulo ang buhok ko na para akong bata. "Nagtampo pa ang anak ko. Syempre nagustuhan ko rin ang bigay niyong magkapatid."
"Joke lang naman po. Alam ko naman kung gaano niyo ka-gusto yung vinyl na 'yon, tapos sinamahan pa niya ng Motorino." Nakangising sagot ko bago inayos ang aking buhok.
Nakakatuwang makita si Mama na masayang nagkukwento dahil sa natanggap niyang regalo. I'd better treat Beatriz to lunch or dinner dahil napasaya niya ang Mama ko.
"Kamusta nga pala kayo ni Gerard?" Tanong niya sa akin makalipas ang ilang segundo.
"P-po?"
"Sa tingin ko kasi, may gusto pa rin siya sa'yo. "
Nawala ang ngisi sa aking mukha. Nakaramdam ako ng bahagyang inis dahil nasali na naman si Ged sa usapan. Nando'n na, eh. Si Beatriz na ang pinag-uusapan namin tapos bigla na namang napunta kay Ged. Para siyang bawang. Palagi na lang ka-sahog sa usapan.
"W-what do you mean, Ma?" Patay malisya akong kumain muli ng pancake. Sunud-sunod. Muntik pa akong mabulunan kaya inabot ko agad ang gatas.
"Hindi naman siguro siya pupunta dito sa bahay kung wala siyang balak na makipag-ayos sa'yo?"
"A-anong pinagsasabi mo, Ma?" Umiwas ako ng tingin. Tinusok-tusok ko ang pancake at bacon na nasa plato ko. I bit my lower lip.
"Baka naman mahal ka pa rin ni Gerard? Why not give him another chance? After all, you've been together for five years. Malay mo trial lang yung paghihiwalay niyo at maaayos niyo pa yung sa inyo."