"B-Beatriz?" Iyon ang unang salita na lumabas sa bibig ko matapos kong marinig ang sinabi ng promoter. Ilang beses akong napalunok at tila biglang nanlamig ang aking mga palad.
Sandali pa akong natigilan bago ko naramdaman ang paghawak ni Ysay sa aking braso. "Jho." Pagbanggit niya sa pangalan ko. Hindi ako sumagot. Sa halip ay inalis ko ang pagkakahawak niya sa aking braso at nagmamadaling lumabas ng pool club. Hindi nagtagal ay sumunod siya sa akin sa parking lot.
Kinuha niya sa akin ang susi at siya na ang nagmaneho. Kahit nasa loob na kami ng sasakyan ay paulit-ulit pa rin sa isip ko ang sinabi ng promoter. Palingon-lingon sa akin si Ysay na tila nag-aalala sa pananahimik ko.
"Okay ka lang ba?"
"Oo." Mabilis kong sagot. "Alam mo bang nandoon siya?"
Huminga ng malalim si Ysay at nanatili sa daan ang kanyang mga mata. "Kanina ko lang nalaman. Start na ng set niya nung dumating ako."
Ngumiti ako ng mapait. Kumunot ang noo ni Ysay. "Sigurado ka bang okay ka lang?" Tanong niya sa akin. "Ang bilis mong tumakbo nung marinig mo 'yung sinabi nung promoter."
Natahimik ako at tumingin sa bintana. "Ano ba ang dapat kong maramdaman?"
"I don't know." He gently said. "Masakit pa rin ba?"
"Hindi na." I sighed. Hinarap ko siya at marahan akong ngumiti. "Nabigla lang siguro ako kaya ganoon ang naging reaksyon ko."
Nilingon niya ako sandali na tila ba naghihintay pa sa susunod na sasabihin ko. Hindi na lang ako umimik at pinisil na lamang ang aking mga daliri.
Napabuntong hininga si Ysay. "Your ex looks fine nung makita ko siya kanina."
"If that's the case, then I'm happy for her."
"Talaga?" Paninigurado niya.
Bahagya akong natawa at kumunot ang noo ni Ysay. "Oo naman." Sabi ko sa kanya.
"Walang halong bitterness? Kahit konti lang?"
"Maniniwala ka ba sa akin kung sasabihin ko sa'yo na wala?"
He laughed. "Talaga lang, ah." Nakisabay ako sa pagtawa niya. Nang makarating kami sa tapat ng bahay ay inihinto na niya ang sasakyan. Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti sa akin. "Hindi ko na kokontrahin ang sinabi mo. But I just want to let you know that our feelings aren't constant. Pwedeng ngayon wala ka nang nararamdamang sakit, pero baka sa mga susunod na araw at buwan mag-iba ang ihip ng hangin."
Nginitian ko si Ysay nang sabihin niya 'yon sa akin. Kasabay ang pananalangin na sana ay hindi 'yon mangyari. Isang taon din ang inubos ko bago ko nasabi sa sarili kong maayos na ako. Tinanggap ko na nasaktan ako ni Beatriz. Tinanggap ko sa sarili ko na hindi lang ako ang nasaktan. Nasaktan ko rin siya at hindi ko alam kung ano ang naging epekto noon sa kanya dahil wala akong naging balita tungkol sa kanya matapos naming maghiwalay. Pinalaya ko na rin ang sarili ko sa lahat ng sakit na naranasan ko sa naging relasyon naming dalawa. Karapatan ko ang maging masaya. Pinalaya ko na rin si Beatriz. Kahit na hindi naging maganda ang ending namin, gusto ko pa rin na maging masaya siya kahit hindi na dahil sa akin.
Mahirap talagang magtantsa sa ganitong sitwasyon. Siguro ay nabigla lang talaga ako na malamang nandito rin siya kaya't ganoon na lang ang naging reaksyon ko. Normal lang siguro ang makaramdam ng ganoon lalo na at matagal ko siyang hindi nakita. I guess, hindi pa lang siguro ito ang tamang panahon para magkaharap ulit kaming dalawa.