Ilang sandali akong napako sa kinatatayuan ko pagkatapos akong iwan ni Beatriz sa parking lot. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng mga luha ko habang pinipigil ko ang aking paghikbi. Sobrang nanghihina ako sa nangyari. Hindi ko alam kung iyon ba talaga ang dapat na isagot sa itinanong niya sa akin.
Alam kong mali, pero, ano ba ang tama?
Huminga ako ng malalim. Pinilit kong maglakad papalapit sa sasakyan ko. Akmang papasok na ako sa loob nang may tumawag sa pangalan ko.
"Jho."
Boses 'yon ni Jia. Hindi ko siya nilingon. Papasok na sana ako sa driver's seat pero naabutan niya ako.
"Bes, what happened?" Tanong pa niya.
"W-wala."
Natigilan siya. Mabilis akong pumasok sa loob ng sasakyan. Isasara ko na sana ang pinto nang bigla niyang iharang ang braso niya.
"Bes—"
"Ano ba, Ju!" Hinarap ko siya habang patuloy pa rin sa pag-iyak. "Pwede ba umalis ka muna? Hindi ko kailangan ng kahit sino ngayon!" I bursted out.
Bakas ang pagkagulat sa kanyang mukha dahil sa sinabi ko. Hindi siya nakagalaw ng ilang segundo.
"Gusto kong mapag-isa, Ju. Iwan mo muna ako." Humihikbi kong sabi.
Umiwas siya ng tingin. Para bang hindi niya kayang makita ako sa ganitong lagay. "Is there any problem?" Tanong niya kahit hindi niya ako matignan sa mata.
"Gosh, Ju! Hindi ka ba nakakaintindi? Iwan mo muna ako!" Itinulak ko siya sa balikat na naging dahilan ng pag-atras niya.
Kitang-kita ko ang pagkagulat sa kanyang mukha. Hindi ko kailanman itinaboy ng ganito ang best friend ko. Ngayon lang. Ngayon lang dahil ayokong makita niya akong umiiyak.
Nang tuluyang makaalis si Jia ay agad kong pinaandar ang aking sasakyan. Dali-dali akong nagmaneho pauwi sa bahay. Naabutan ko si Mama na nasa sala. Hindi ko siya nilingon nang tawagin niya ako. Sa halip ay umakyat agad ako sa aking kwarto.
Nanghihina akong sumandal sa headboard at niyakap ang tuhod ko. Iyak lang ako ng iyak hanggang sa maramdaman kong basang-basa na ang unan na yakap ko.
Inabutan akong nakatulala ni Mama nang pumasok siya sa kwarto ko. Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko.
"Anak..." Sambit niya. "Uminom ka muna." Iniabot niya sa akin ang isang baso ng tubig. Kinuha ko 'yon at ininom. "Halos isang oras ka ng umiiyak."
Hindi ako nagsalita. Patuloy lang ako sa paghikbi.
"Anong nangyari?" Tanong niya sa akin. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. "May ginawa bang masama sa'yo si Gerard?"
Umiling ako. "Ma. . ." Mahina kong sabi. "Alam ko kung gaano mo kagusto si Ged. . .pero paano kung wala na talaga akong nararamdaman para sa kanya? Magagalit ka ba sa akin?"
"Hindi." Mabilis na sagot ni Mama. "Bakit naman ako magagalit? Kung talagang hindi mo gusto si Gerard, hindi ko na siya ipagpipilitan sa'yo. Nanghihinayang lang talaga ako sa pinagsamahan niyo kaya naisip ko na baka may chance pa kayong magkaayos."
"Pero paano. . ." Patuloy pa rin ako sa paghikbi. "Paano kung. . .yung gusto ko. . .yung taong mahal ko. . .b-babae rin, katulad ko? M-magagalit ka ba sa akin?"
Hindi nakasagot si Mama. Tinitigan niya lang ako ng matagal. Napatakip na lang ako ng aking mukha habang umiiyak. Ito na nga ata ang sinasabi sa akin ni Ged na hindi ako matatanggap nila Mama.