Hindi ako umiimik nang umalis kami sa ice cream house. May aftershock pa rin kasi ako sa ginawang pag-amin ni Beatriz. Grabe naman kasi 'yon! Hindi man lang nagdahan-dahan. Hindi pa naman ako sanay sa biglaan.
Parang kanina lang ay tinatanong niya ako kung mahal ko pa si Ged. Tapos bigla naman siyang nagtapat nang nararamdaman niya para sa akin. Nawindang talaga ako do'n sa 'That's a good thing because I like you.' niya.
Argh! Bakit ba kasi hindi ako nakasagot kanina. Nando'n na, eh. Chance ko na 'yon para sabihin na mutual naman ang feelings, pero biglang umurong ang dila ko.
Nilingon ko si Beatriz na tahimik na nagda-drive at mukhang may malalim na iniisip. Para siyang problemadong problemado. Dinaig pa niya ako, ah. Hindi ba dapat ako ang problemado dahil sa sinabi niya sa akin?
"Saan tayo pupunta?" Tanong ko.
"Ikaw? Where do you want to go?"
"Ikaw dapat ang may alam kasi ikaw naman ang nagda-drive."
"Actually, hindi ko rin alam kung saan. Hindi mo ba napansin, kanina pa tayo paikot-ikot dito?"
"Ano ba 'yan, Beatriz? Nagsasayang ka lang ata ng gas, eh."
"Can you suggest any place?"
"Kahit saan na lang."
She sighed. "Do you want to eat?"
"Kakakain lang natin ng ice cream, Beatriz. Nakatatlo ako, remember?"
She cleared her throat and focus on driving. Ako naman ay tumingin na lang sa labas ng bintana para makaiwas ng tingin.
"So, saan na nga tayo pupunta?" Tanong ko ulit.
"Bahala na. I'll drive na lang, tapos pag may nakita akong pwedeng puntahan, doon na lang muna tayo." Mahinahon na sabi niya.
Ilang minuto pa kaming nag-road trip hanggang sa ihinto niya ang kanyang sasakyan. Tinignan ko ang paligid. Nasa isang park pala kami.
May mga batang naglalaro sa playground. Mga high school students na mukhang naisipan munang tumambay dito pagtapos ng kanilang klase. Ang iba ay nagtatakbuhan at malakas na tumatawa. Meron ding mga nasa swing, seesaw at slide. Kitang-kita ang saya nila.
Narinig ko ang pagsara ng pintuan ng sasakyan. Bumaba na pala si Beatriz. Pinagbuksan niya ako ng pinto at inalalayan pababa ng kanyang sasakyan.
Hinawakan niya ang kamay ko at naglakad na papunta sa playground. Nang makakita ako ng wooden bench ay bumitaw ako sa pagkakahawak niya sa aking kamay at naupo ako roon. Makalipas ang ilang segundo ay naramdaman ko ang pagtabi niya sa akin.
"Let's stay here for a while." She sighed. Tumingala siya sa langit. "I want to spend more time with you pa kaya mamaya na lang kita ihahatid."
Napaiwas ako ng tingin.
"It's okay. Wala rin naman akong gagawin ngayon sa bahay."
Hindi ako sanay sa ganito. Ngayon lang naging tahimik si Beatriz habang kasama niya ako. Mas gusto ko kasi yung nagkukwento siya sa akin ng kung anu-ano.
"I love park dates, you know? I prefer going to the park rather than going to the mall or any fancy restaurants." Bigla siyang nagsalita. Akala ko ay hindi na niya ako kakausapin. "I find it calming and relaxing."
"Parehas tayo."
"Really?"
"Yeah." Huminga ako ng malalim. "Jaja and I used to go to our village's park noong high school pa ako. But when I entered college, hindi na kami nakakapasyal doon. Parehas rin kasi kaming naging busy."