Prologue

19.5K 320 70
                                    

Mula sa kinatatayuang talampas ay abot-tanaw ni Amanikable ang malawak at payapang karagatan. Isang matipid na ngiti ang dagling gumuhit sa kanyang mga labi nang mapagmasdan ang napakagandang tanawin. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya habang tahimik na pinapanood ang pagpapalit-kulay ng kalangitan sa ibabaw ng tubig. Noon tila tuksong lumitaw ang marikit na imahe ni Maganda. Magkahalong saya at lungkot ang kanyang naramdaman nang maisip ang kabiyak at tanging babaeng iniibig.

Tinatawag na siya ng dagat ngunit hindi niya kayang iwan si Maganda.

Umihip ang malakas na hangin, kasabay niyon ay umalingawngaw sa paligid ang nagngangalit na tinig ng isang babae.

"Amanikable!"

Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi nang kumudlit ang kirot sa kanyang dibdib. Natuklasan na rin nito sa wakas ang katotohanang itinago niya ng mahabang panahon. Wala nang saysay ang magkaila pa kaya nagpasya siyang harapin si Maganda.

Marahan siyang pumihit paharap at kasabay nang pagpapalit-kulay ng kalangitan ay unti-unting nagbago ang kanyang kaanyuan. Makalipas pa ang ilang saglit ay tuluyan nang humantad ang tunay niyang anyo bilang ang Diyos ng Karagatan na si Amanikable.

Magiliw niyang inilahad ang kanang kamay kay Maganda ngunit marahas iyong pinalis ng babae. Walang babala siya nitong niyakap ng mahigpit at isang matulis na bagay ang naramdaman niyang tumarak sa kanyang dibdib. Napagibik siya sa sakit, nagtatanong ang mga matang tinitigan niya ang babae.

Nag-aapoy sa galit ang mga matang sinalubong siya nito ng tingin. "Isa kang taksil! Pinagkatiwalaan kita ng lubos ngunit nilinlang mo ako! Ipinagkanulo mo si Miguel, ikaw ang dahilan kaya siya namatay!" sumbat nito sa kanya.

Pagak siyang natawa sa mga salitang binitiwan nito. Higit iyong mas masakit kaysa sa punyal na nakatarak sa dibdib niya. Matagal nang patay si Miguel subalit ito pa rin ang laman ng puso at isipan ni Maganda. Kahit anong gawin niya kailanman ay hindi siya mamahalin ng babae, nanlumo siya sa naisip.

Inabandona niya ang tungkulin bilang diyos at iniwan ang Kaluwalhatian para lang makasama si Maganda. Nangako siyang habambuhay nang mananatili sa piling nito kahit ano pa ang mangyari. Ngunit sa kabila ng mga pagsasakripisyo niya ay bigo pa rin siyang mabihag ang mailap na puso ng kanyang kabiyak.

"Paano mo itong nagawa sa akin?" ani Maganda na tigib sa luha ang mga mata.

"Hindi ko intensiyon na linlangin ka, iniibig kita ng labis, Maganda."

"Sinungaling! Ngipin sa ngipin at mata sa mata. Isinusumpa kita, Amanikable diyos ng Karagatan! Sapagkat buhay ang inutang mo, buhay rin ang kabayaran niyon. Habambuhay ka nang mananatili rito sa lupa upang pagdusahan ang mga kasalanan mo!" Lalo pa nitong idiniin ang punyal sa kanyang dibdib.

Naramdaman niya ang matinding pagsigid ng kirot sa kanyang puso at napahiyaw siya sa labis na sakit. Tila nauupos ang lakas niya at sinisilaban ang buo niyang katawan. Parang natutunaw sa nagbabagang apoy ang kanyang mga kalamnan. Ito na marahil ang katapusan niya, malamlam ang mga matang tinitigan niya si Maganda.

Hinawakan niya ang mga kamay nitong may tangan ng punyal at lalo pa iyong idiniin sa kanyang dibdib. Isang malakas na kapangyarihan na higit pa sa kapangyarihan niya ang biglang tumupok sa kanya. Naging mabuway ang kanyang pagtayo at napaluhod siya.

"Kahit ilang ulit mo pa akong saksakin, ikaw lang ang tangi kong iibigin, kahit ilang ulit mo pa akong paslangin, handa akong ialay ang buhay ko para sa 'yo. Kailanman ay hindi magbabago ang nararamdaman ko para sa'yo, palagi kitang patatawarin." Inabot niya ang kamay ng babae. Ngunit bago pa niya iyon mahawakan ay agad na siyang itinulak palayo ni Maganda.

"Hangal! Labis kitang kinamumuhian," saad nito bago hinugot ang nakatarak na punyal sa kanyang dibdib. "Hindi ko kailangan ang buhay mo, kaya magdusa ka habambuhay," anang babae at tumayo. "Damhin mo kung gaano kasakit mawalan ng taong iniibig!"

Naglakad ito patungo sa duluhan ng talampas. Pumihit ito paharap sa kanya at sa nanlalabo niyang paningin ay nasaksihan niya ang ginawa nitong pagpapatihulog sa matarik na bangin.

"Maganda!"

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon