Chapter 43

4.4K 45 32
                                    

"Mahal na mahal kita, Fate," taos sa pusong pahayag ni Henry.

Marahan siyang nagmulat ng mga mata at nasalubong niya ang malamlam na titig ng lalaki. "Ganoon din ako," aniya at binitiwan na ito upang ayusin ang nagulong kuwelyo ng suot nitong polo.

"Fate..."

"Hmnnn..."

"Kailan mo sasabihin sa akin na mahal mo rin ako?"

Natigilan siya nang marinig ang tanong na iyon ng lalaki. Ngumiti siya at saka ito pinagmasdan. "Huwag kang mag-alala dahil simula ngayon ay sa 'yong-sa 'yo lang ako."

"Fate naman, hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo," reklamo nito.

Muli siyang napangiti siya at hinawakan ang mukha nito upang iharap sa kanya. Malamlam ang mga mata na masuyo niya itong pinagmasdan. "Hindi ako nagbibiro, sasabihin ko rin iyon sa 'yo pagdating ng tamang panahon, hmnn?"

Halos magpantay na ang mga kilay ni Henry sa pagkakakunot. Hindi rin maipinta ang mukha nito sa pagkakasimangot. Daig pa nito ang isang batang paslit na dinaya ng kalaro at kakatwang natutuwa siya na pagmasdan ang itsura nito ngayon.

Hinaplos ng hintuturo niya ang kunot sa noo nito. Napakislot ng bahagya ang lalaki. Natawa siya at bumaba ang kanyang daliri upang pasadahan ng haplos ang matangos nitong ilong pababa sa mapupula nitong labi. Nahigit nito ang paghinga ng banayad na pinaglaro niya ang hintuturo sa pang-ibaba nitong labi.

Hindi na nakapagtimpi na mabilis nitong hinapit ang kanyang baywang at hinila siya palapit. Bumaba ang mukha nito upang gawaran siya ng isang mapusok na halik ngunit bago pa maglapat ang kanilang labi ay bigla na lang may kumatok sa pinto.

Mahinang napamura si Henry.

Naiiling namang itinulak niya ito palayo nang bumukas ang pinto at pumasok si Marcel.

"Mukhang naistorbo ko yata kayong dalawa, paumanhin," anito sa nanunuksong tinig habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. "Nais ko lang ipaalam na handa na ang lahat para sa gaganaping event. Bukas na ang Oceanarium Hall at may ilang guro at estudyante na ang dumating at naghihintay."

"Mabuti kung ganoon, asikasuhin n'yong mabuti ang lahat ng mga bisita at huwag n'yo silang pababayaan," utos ni Henry.

Tumango naman si Marcel bilang tugon.

"Tayo na," ani Henry at inilahad ang kanang kamay sa kanya.

Minasdan na muna niya ang lalaki bago umiling. "Mauna na kayo at susunod na lang ako," aniya at saka umatras palayo. "May aasikasuhin lang ako sandali."

"Ano 'yon?" tanong ng nagtatakang lalaki.

Kaagad siyang nag-apuhap ng maidadahilan. "Tingnan mo, nasira 'yong make-up ko nang dahil sa 'yo." Tumingkayad siya palapit upang ipakita ang itsura sa lalaki. "Binura mo 'yong lipstick ko."

Malakas itong natawa at bago pa siya makahuma ay mabilis na nitong hinagkan ang kanyang mga labi. "Mapula pa rin ang mga labi mo kahit walang lipstick," anito bago ibinaling ang tingin kay Marcel. "Umalis na tayo." Naglakad na ito patungo sa pinto.

"Hihintayin kita," paalam nito at lumabas na ng silid.

Naiwan siyang mag-isa sa loob ng silid. Malungkot na napako ang tingin niya sa pinto kung saan lumabas si Henry. Inilahad niya ang kanang kamay at noon niya tinawag ang Kasanaan.

Nagliwanag ang ibabaw ng kanyang palad, unti-unting lumitaw ang Kasanaan at bumalik sa anyo nito bilang kuwintas. Isinuot niya iyon at saka pinagmasdan ang sarili sa harap ng salamin.

Bumagay ang kuwintas sa suot niyang damit. Kinutuban siya ng masama at wala sa loob niyang nasapo ang dumadagundong na dibdib. Ngunit kahit ano pa ang mangyari ngayong gabi ay handa na siyang harapin ang lahat. Humugot siya ng isang malalim na buntong-hininga at nang kumalma na ang kanyang pakiramdam ay saka siya pumihit palabas ng silid.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon