Natatarantang tumakbo palayo sa kinaroroonan nito si David nang dumugin siya ng mga nagkakagulong fans na gustong magpapirma ng authograph at magpakuha ng litrato sa kanya. Napalingon siya upang hanapin ang kasamang si Fate, subalit bigla na lang itong nawala at hindi na niya mahagilap kahit saan. Wala nang ibang pagpipilian na mabilis siyang kumaripas ng takbo paalis sa lugar na iyon upang takasan ang mga taong naghahabol sa kanya.
Muli siyang lumingon para tingnan kung gaano karami ang mga nakasunod sa kanyang likuran. Napalunok siya dahil tiyak na sa ospital siya pupulutin ng kanyang manager kinabukasan oras na maabutan siya ng mga ito. Hindi pa naman nito alam na tumakas siya kaya siguradong hinahanap na siya nito ngayon.
Ang gusto lang naman niya ay makasama nang kahit sandali lang si Fate. Nais niya itong yayain na mamasyal at magkaroon ng pagkakataon na mapag-isa silang dalawa ng babae. Iba talaga ang kanyang nadarama sa tuwing magkasama sila ni Fate.
Pakiramdam niya ay parang matagal na silang magkakilala. Magmula nang makita niya ito ay hindi na naalis sa kanyang isipan ang babae. Laman ito ng mga panaginip niya tuwing gabi. Pero tila ayaw siyang kampihan ng pagkakataon kaya heto siya ngayon at parang isang daga na hinahabol ng mga pusa.
"We love you, David!" sabik na sigaw ng nag-uunahang fans sa kanyang likuran.
Mariing naipikit ni David ang mga mata at taimtim na napadasal ng isang panalangin. Parang nakikini-kinita na niya ang sarili na daig pa ang nagulungan ng pison oras na hindi niya mailigaw ang mga ito. Kinikilabutang marahas niyang ipinilig ang ulo upang iwinaksi ang imaheng naglalaro sa kanyang isipan.
Lalo pa siyang kumaripas sa pagtakbo at saka lumiko sa isang malapad na eskinita para lang mapatda sa kanyang kinatatayuan nang bumulaga ang isang malapad na pader sa kanyang harapan. Natutulirong napalunok siya ng laway nang makitang wala na siyang ibang lugar na matatakbuhan.
Lumingon si David upang tingnan ang nakasunod na fans sa kanyang likuran. Mahina siyang napamura nang makitang palapit na ang mga ito sa kinaroroonan niya. Natatarantang nagpalinga-linga siya sa paligid upang maghanap ng lugar na mapagtataguan nang may humila sa kanya at bigla siyang isinalya sa pader.
"Huwag! Nagkakamali ka, hindi ako si David! Huwag mo akong sasaktan!" nagmamakaawa niyang bulalas habang nakapikit ang mga mata at nananalangin na sana ay may sumaklolo sa kanya.
"Shhh, ano ba ang pinagsasasabi mo? Huwag ka ngang malikot. Tumingin ka lang sa akin at huwag mong ipakita 'yang mukha mo sa kanila," mariin na utos ng tinig ng isang babae.
Bahagyang natigilan si David dahil parang pamilyar sa kanya ang boses nang nagsalita. Nang magmulat siya ng mga mata ay bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Ara.
"Ikaw na naman!" bulalas niya.
Tumingkayad ang babae at sinapo ng dalawang palad ang magkabilang pisngi ni David. Lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanyang mukha.
"Yakapin mo ako at magkunwari kang naghahalikan tayo," walang pakundangan na muling utos ni Ara.
Nagtama ang kanilang tingin. Bumaba ang mga titig ni David sa mga nakaawang nitong labi. Pumihit siya patalikod at walang pasabing isinandig sa pader ang tila nabiglang babae. Hinapit niya ito ng mahigpit sa baywang at walang anuman na pinaglapat niya ang kanilang mga labi.
Maya-maya pa ay dumaan ang mga naghahabol na fans ni David. Walang pakialam na nilagpasan lamang sila ng mga ito nang makita kung ano ang kanilang ginagawa sa medyo madilim na parteng iyon ng parke.
Nang wala na ang mga ito ay saka lamang pinutol ni David ang halik. Hinatid pa niya ng tanaw ang mga ito upang matiyak na hindi na sila babalik. Noon lang siya tila nakahinga ng maluwag nang tuluyan na silang nawala sa kanyang paningin. Daig pa niya ang nabunutan ng tinik sa lalamunan habang nakangiti.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasíaUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...