Chapter 48

3.7K 37 41
                                    

Madilim. Nang magising siya at magmulat ng mga mata ay agad na sumalubong sa kanya ang kadiliman ng paligid. Mabilis siyang napabalikwas ng bangon mula sa malamig na sahig.

"Anong klaseng lugar ito?" anas niya habang nililibot ang paningin. "Hoy! Nasaan na ako? May nakakarinig ba sa akin!" sigaw niya ngunit tanging alingawngaw lang ng tinig niya ang maririnig.

Nagsimula siyang tumakbo nang walang tiyak na patutunguhan. Nagpatuloy lang siya sa paghahanap hanggang sa makaramdam ng kapaguran. Humihingal siyang tumigil, pikit ang mga mata habang hinahalukay sa isip ang mga nangyari.

Magkasama silang dalawa ni Henry kagabi at ngayong araw na ito gaganapin ang Senior's Night ng San Roque High School. Nakasabay niyang dumalo sina Ara, Camille at Adlaw Apolaki. Dumating sa pagtitipon ang diyos ng Kasamaan na si Sitan, kasama ang diyosa ng Buwan na si Bulan Mayari. Nasa gitna sila ng isang mainit na komprontasyon nang biglang dumating ang mga hindi inaasahang bisita mula sa Kaluwalhatian.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga diyos, hanggang sa nagpakita si Henry at namagitan sa mga ito. Ngunit dumating ang Mangkukulam, bitbit nito ang walang malay na si David.

Natutop niya ang bibig nang mapagtanto ang mga nangyari! Hindi halos mapakali na muli siyang nagpalakad-lakad sa dilim. Upang mailigtas si David ay nagpasya siyang gamitin ang kapangyarihan ng Kasanaan. Ngunit dahil sa kagustuhan niyang lumakas at talunin ang mga diyos ay nilamon nito ang kanyang kamalayan.

Nasapo niya ang kaliwang dibdib at ganoon na lang ang kanyang gulat nang makapa ang butas doon. Nawawala ang kanyang puso!

Natatarantang naisuklay niya ang mga daliri sa mahaba niyang buhok. Imposible! Paanong nangyari iyon? Muli siyang nagpalakad-lakad, kailangan niyang makaalis sa lugar na ito.

Hindi maaaring patay na siya! Paano si Henry? Nangako siyang hindi na niya ito iiwan pang muli. Nangako siyang babawiin niya ang lahat ng panahong nawala sa kanila. Kailangan niyang bumalik kahit na anong mangyari, may kailangan pa siyang sabihin sa lalaki na dapat nitong marinig! Hindi siya puwedeng mamatay!

"Lilipulin at wawasakin ko kayong lahat! Wala akong ititirang buhay!" Malakas na alingawngaw mula sa kung saan.

Napaangat siya ng tingin. Kilala niya ang tinig na iyon, boses iyon ni Henry. Sa tono pa lang ng pananalita ay tiyak niyang labis ito ngayong naghuhuramentado sa galit. Hindi maaari! Kailangan niya itong mapigilan bago pa mahuli ang lahat.

Kailangan niyang makabalik! Puno ng desperasiyon na pilit niyang hinanap ang daan palabas sa lugar na iyon. Pero paano? Tila walang katapusan ang kadilimang kanyang tinatahak.

Hanggang sa isang nakabubulag na liwanag ang bigla na lang tumambad sa kanyang harapan. Nasilaw na bahagya niyang tinakpan ng kamay ang mga mata. Pilit niya itong sinipat ng tingin at tila nabato-balaning humakbang siya palapit.

"Anong maipaglilingkod ko sa 'yo, aking mahal na sisidlan?"

Bahagya siyang napaatras nang marinig itong magsalita. "Sino ka?"

"Ako ang Espirito ng Kasanaan na natutulog sa 'yong katawan."

Napamulagat siya sa pagkabigla. "Ikaw ang Kasanaan? Niloloko mo ba ako?" aniyang hindi naniniwala.

"Sabihin mo sa akin ang 'yong pakay at tutulungan kitang matupad ito. Narito ka ngayon sa aking harapan dahil kailangan mo ang aking tulong. Kaya kong tuparin ano man ang iyong nais."

Matigas siyang napailing. "Salamat, pero ayokong maging masama, magagawa kong hanapan ng solusyon ang problema ko nang wala ang tulong mo." Mariin niyang tanggi sa alok nito at tumalikod na.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon