Chapter 28

6.1K 70 57
                                    

Mariing nagtagis ang mga bagang ni Camille nang makitang mula sa kung saan ay biglang lumitaw ang Mangkukulam at sinalo nito ang Babaylan ng Apoy na muntik nang tumilapon sa malayo. Kaagad na nakabawi ang babaylan at tila walang anuman na hindi man lang nito ininda ang ginawa niyang pag-atake.

[ Hmp! Sinabi ko na kasing magpalit-anyo ka na. Hindi mo sila matatalo gamit lang ang kakapiranggot na kapangyarihang taglay mo ngayon at ang kakayahan mo sa kali. ]

Huwag mo akong maliitin! Kaya ko silang talunin nang hindi hinihiram ang kapangyarihan mo. Manood kang mabuti, Minokawa ng diyos ng Araw!

Muling nagliyab sa apoy ang magkabilang braso ni Camille. Itinaas niya ang kanang kamay at lumipad pabalik sa kanyang palad ang balaraw na inihagis niya kanina. Hinugot niya ang isa pang balaraw sa kaliwa niyang tagiliran at saka humanda sa pakikipaglaban.

Mabilis na naghiwalay ang Mangkukulam at Babaylan at sabay na inatake ng mga ito si Camille. Tumakbo naman pasulong ang babae upang salubungin ang papasugod na mga kalaban.

Naunang umatake ang Mangkukulam, naglabas ito ng isang punyal at walang habas na iwinasiwas kay Camille. Matinis na nagpingkian sa ere ang talim ng kanilang mga sandata.

Pumihit si Camille at nagpakawala ng magkakasunod na sipa. Kaagad iyong nasalag ng Mangkukulam. Pinagliyab ng babae ang kanang kamao upang bigwasan ito ng suntok. Ngunit mabilis na nakatalon ang Mangkukulam palayo kay Camille.

Malakas na tumama ang kamao ng babae sa konkretong daanan at tumilapon sa ere ang nagkabitak-bitak na piraso ng semento. Bumuwelo si Camille at mataas na tumalon upang habulin ang Mangkukulam. Ngunit bago pa siya makakilos ay napalibutan na siya ng mga itim na bola ng Mangkukulam.

Gumuhit ang nakakikilabot na ngiti sa mga labi ng lalaki kasabay nang pagkuyom ng kamao nito. "Katapusan mo na!"

Tinangka pa ni Camille na tumalon palayo subalit huli na para umiwas. Isang nakatutulig na pagsabog ang sunod na yumanig sa buong paligid.

"Camille!" nag-aalalang tawag ni Ara nang makitang nilamon ng malakas na pagsabog ang dalaga. Nagmamadali siyang tumakbo upang daluhan ito ngunit hindi pa man siya nakakalapit ay lumitaw na sa kanyang harapan ang Babaylan ng Apoy.

Maliksi nitong nilagpasan ang hindi nakahumang si Ara at diretsong sumugod sa kinaroroonan nang walang kamuwang-muwang na si David.

"Barbie! Protektahan mo si David!" sigaw niya nang mapagtanto ang binabalak ng babaylan.

Kaagad na kumilos ang Espiritong Gabay at bago pa makalapit ang Babaylan ay sinalubong na ito ng umaalimpuyong tubig mula sa bunganga ng Berberoka.

Mula sa kung saan ay lumitaw ang Kapre at prinotektahan ang panginoon nitong Babaylan. Malapad na bumuka ang bunganga nito at bumuga ng umaalimpuyong apoy. Nagsalpukan sa ere ang elemento ng tubig at apoy na lumikha ng malalakas na pagyanig at pagsabog.

Mabilis namang pumihit si Ara pabalik sa kinaroroonan ni David. Habang tumatakbo ay muli niyang sinalat ang tubig sa lawa at humugot ng mga palasong gawa sa tubig. Tumigil siya nang pasumandali at pinana ang Babaylan ng Apoy na palapit na sa kinaroroonan ni David.

Pumihit paharap ang Babaylan at humarap kay Ara. Mabilis na ikinumpas nito sa ere ang kanang kamay at isang bolang apoy ang namuo sa palad nito. Mabilis pa sa hangin na pinakawalan nito iyon at ibinato sa direksiyon ng dalagita.

Muling sinalat ni Ara ang tubig sa lawa gamit ang dalawa niyang palad at nabalot siya ng isang kalasag. "David, tumakbo ka na!"

Muling kumilos ang Babaylan upang atakehin ang tila natulos sa kinatatayuan nitong si David. Ngunit bigla itong natigilan ng isang nag-aapoy na nilalang ang lumitaw upang pigilan ito sa tangkang pagpatay sa lalaki.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon