Chapter 24

6.2K 67 57
                                    

Natagpuan na lang ni Fate ang sarili na pinapahid ang mga luha sa kanyang mga mata. Nang mga sandaling iyon ay hindi niya matiyak sa sarili kung ano ba ang kanyang nararamdaman. Bigla na lang humapdi ang mga mata niya at bago pa niya namalayan ay umiiyak na pala siya.

May hatid na kakaibang kurot sa puso ang pinanood na palabas. Naghahalo ang saya at lungkot sa kanyang kalooban. Masaya siya sapagkat naging matapang at matatag si Maganda hanggang sa huli at nalulungkot dahil sa kinahinatnan ng mga desisyon nito.

Dapat nga bang nagtapos ang lahat sa isang trahedya? Nararapat nga ba ang desisyong ginawa ni Maganda? Makatarungan ba ang sakripisyong ginawa niya? Kasalanan bang sinunod niya ang kanyang puso hanggang sa huli?

Naaawa siya kay Amanikable. Ipinaglaban nito ang pag-ibig kay Maganda hanggang sa huli. Ngunit ang lalaki rin ang naging dahilan at nagtulak sa babae sa kamatayan nito.

Umugong ang masigabong palakpakan sa buong paligid. Hudyat iyon na tapos na ang palabas. Bumaba ang telon sa pinilakang-tabing at isa-isang lumabas ang mga tauhang gumanap.

Isang malakas na palakpakan ang isinalubong nang hindi magkamayaw na fans nang i-anunsiyo ang pangalan ni David. Nilingon ni Fate ang kanyang mga kasama.

Hindi napigilan ni Ara ang paghikbi. Habang walang tigil ang pagsinghot ni Aling Milagros. Malalim naman ang kunot sa noo ni Camille na para bang may iniisip. Dumako ang tingin niya kay Henry, wala siyang mabakas na emosyon sa mukha nito.

Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang mga mata nila ng lalaki. Ilang saglit silang nagtitigan. Pilit niyang inarok kung ano man ang tumatakbo sa isipan ni Henry ngayon ngunit bigo siya. Tila nagtayo ito ng isang matibay na pader na hindi niya kayang tibagin sa pagitan nilang dalawa.

Nagbawi ito ng tingin at tinalikuran siya. Naglakad ito palayo sa kinaroroonan nila. Pakiramdam ni Fate ay mayroong mali sa mga nangyayari. Sa loob ng napakahabang panahon kahit kailan ay hindi siya iniwan ni Amanikable. Kahit ilang beses na niya itong itinaboy, hindi ito sumuko sa kanya.

Saan ka pupunta? piping-tanong ng isipan niya.

Nagsitayuan na ang mga tao sa paligid nila. Pilit niyang hinabol ng tingin ang papalayong pigura ng lalaki. Ngunit tuluyan na itong nawala sa karamihan ng mga tao. Tumayo siya upang sundan si Henry.

"Fate! Saan ka pupunta?" ani Aling Milagros.

Subalit hindi niya nilingon ang matandang babae. Nagpalinga-linga siya sa paligid upang habulin ang lalaki. Maaabutan pa niya ito kapag nagmadali siya sa pagtakbo.

Nakalabas na siya ng Enchanted Theater ngunit walang bakas ni Henry kahit saan. Lakad-takbo ang kanyang ginawa upang hanapin ang lalaki sa buong paligid.

Gabi na at kabilugan ng buwan. Marami ng tao ang namamasyal. Inikot ni Fate ang buong lugar at inisa-isa ang pitong 'themed zones' na naa-adornohan ng makukulay na palamuti at ilaw. Subalit bigo siyang mahanap si Henry.

Malalim siyang napahugot ng isang malalim na buntong-hininga nang dahil sa pagkabigong nararamdaman. Naglakad-lakad siya hanggang makarating siya sa isang parte ng parke na hindi ganoon karami ang tao.

Napatingin siya sa karatulang naiilawan ng puti at berdeng neon lights. "Cultural Zone," anas niya at pumasok sa loob.

Bumungad sa kanyang harapan ang tila paraisong disenyo ng lugar. Sa bukana ay may isang hardin na natataniman ng iba't ibang klase ng halaman at bulaklak. Sa bandang dulo ay matatanaw ang isang mataas na talon at batis. Sa pinakasentro ay matayog na nakatayo ang isang malaking puno ng balete na napaliligiran ng maliliit na bola ng liwanag.

Napangiti si Fate at saka tinalunton ang daan patungo sa malaking puno. Malapit na niyang marating ang puno ng balete nang matigilan siya sa paglalakad. Isang pigura ng lalaki ang nakatayo sa tabi nito na tila ba ay naghihintay.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon