Hindi mabatid ni Fate kung saan siya kumuha ng lakas ng loob noong isang araw. Dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na niyaya niyang maka-date si Henry ngayong Sabado. Hindi niya napag-isipang mabuti ang mga sinabi, gusto sana niyang bawiin iyon, pero huli na ang lahat dahil maagap nang pumayag ang lalaki at kumaripas ng takbo.
Huminga siya ng malalim habang abala sa pagbibihis. Ngayon ang araw ng date nilang dalawa ni Henry. Isang puting blusa na tinernuhan ng maong na pantalon at itim na heeled boots ang napili niyang isuot. Pagkatapos ay ipinusod niya ang mahaba at maitim na buhok. Nag-iwan siya ng ilang mahahabang hibla sa magkabilang gilid ng kanyang tainga.
Nang matapos ay nagpahid siya ng manipis na lipstick sa mga labi at nagwisik ng pabango sa pupulsuhan. Kinuha niya ang itim na shoulder bag na nakapatong sa ibabaw ng kama at isinukbit sa kanyang balikat. Muli siyang humarap sa salamin at sinipat ang sarili, nang makuntento ay lumabas na siya sa kanyang silid.
Nang makababa sa hagdan ay saglit na muna siyang huminto upang humigit ng isang malalim na buntong-hininga. Nasapo niya ang dibdib, tila yata at kinakabahan siya sa pupuntahan niyang date.
"Saan naman ang punta mo at mukhang bihis na bihis ka?"
Napapiksi si Fate at muntik nang nahulog ang puso niya sa gulat nang marinig ang nag-uusisang tinig ni Aling Milagros sa kanyang likuran. Nilingon niya ang matanda na matamang nakatitig sa kanya. Nag-aalangan niya itong nginitian.
"May dadalawin lang ho akong kaibigan sa San Pedro," aniya.
"Sino namang kaibigan iyon?" Halatang hindi naniniwala na pinukol siya nito ng isang nagdududang tingin.
"H-hindi n'yo ho siya kilala kasi noong isang araw ko lang siya nakilala." Palihim siyang napangiwi sa mga salitang nanulas sa kanyang bibig. "Sandali lang ako at babalik din agad."
"Sus, baka makikipag-date ka lang." Mula sa kung saan ay biglang singit ni Camille sa usapan nila ng matanda. Nanunukso ang tingin at pilya ang ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Kasunod nito si Ara na hindi mapigil ang sarili sa paghagikgik.
Naiinis niyang pinandilatan ng mata ang mga ito bago ibinalik ang tingin kay Aling Milagros. "Aalis na ho ako," paalam niya.
Tumango ang matanda. "Huwag kang magpapagabi sa daan."
"Huwag po kayong mag-alala sa akin," aniya na inirapan ang dalawang kasama bago lumabas ng bahay.
"Goodluck sa date mo, Fate!" Nang-aasar pang pahabol ni Camille.
"Tse!" asik niya na kanina pa napipikon.Mabilis siyang naglakad palabas sa subdivision. Nagpalinga-linga siya sa buong palagid upang hanapin si Henry. Isang puting BMW ang nakita niyang nakaparada sa kabilang kalsada. Bumukas ang pinto ng sasakyan at bumaba mula roon ang kanyang hinahanap.
Marahas niyang nahigit ang paghinga nang makita ang itsura ni Henry. Muntik na niya itong hindi nakilala dahil sa ayos at porma nito. Nakasuot ito ng sunglasses at nakaayos paitaas ang istilo ng maitim nitong buhok. Napakatikas nitong pagmasdan sa suot na itim na t-shirt at abuhing amerikana na tinernuhan ng maong na pantalon at isang pares ng kulay abong espadrille.
Hinubad ng lalaki ang suot na sunglasses at kinawayan siyang lumapit. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib at naging eratiko ang pagtibok ng kanyang puso. Tila natuod siya sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ito.
Parang bumagal ang pag-ikot ng buong mundo at hindi na niya namalayan ang pagtawid ni Henry. Nagulat na lang siya nang nasa harapan na niya ito. "Tara na." Ginagap nito ang kanyang kamay at saka siya hinila patawid sa kabilang kalsada.
Tila sasabog sa kaba ang puso niya habang nakasunod lang sa lalaki. Maginoo siya nitong ipinagbukas ng pinto at inalalayang makasakay sa loob ng sasakyan. Isang tipid na ngiti lang ang isinukli niya matapos nitong isara ang pinto.
![](https://img.wattpad.com/cover/132252109-288-k768835.jpg)
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasíaUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...