Chapter 37

5.9K 80 20
                                        

Hindi na natuloy nina Henry at Fate ang kanilang pag-uusap nang dumating at isa-isang pumasok sa loob ng silid ang mga estudyante ng babae. Hudyat iyon na tapos na ang tanghalian at oras na para simulan ang kanilang klase.

Nakagat ni Fate ang pang-ibaba niyang labi sa pagkadismaya. Ayaw niyang makita ng mga ito na nag-aaway sila ng lalaki kaya nagpasyang umatras at layuan si Henry. Gusto sana niyang komprontahin ang lalaki ngunit naisip niyang gawin na lang iyon sa ibang pagkakataon. Kaagad na tinalikuran niya si Henry at saka balewalang naglakad pabalik sa kanyang mesa.

Malakas ang kutob niya na may itinatago itong lihim sa kanya at gagawin niya ang lahat upang alamin kung ano iyon.

Nakatitiyak siya na ang Henry na nasa harapan niya ngayon ay walang iba kundi ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Patutunayan niya iyon kahit ano pa ang mangyari.

Palihim niyang sinulyapan ang lalaki. Ngunit ganoon na lang ang pagkabog ng kanyang dibdib nang makitang nakatitig din pala ito sa kanya. Isang pilyong ngiti ang gumuhit sa mapupula nitong mga labi. Natutop niya nang hindi sinasadya ang kanyang dibdib nang bumilis ang tibok ng puso niya. Tila napaso na agad siyang nagbawi ng tingin upang iwasan ang matiim nitong titig.

Muntik na niyang mabatukan ang sarili nang mapagtanto ang naging reaksiyon niya. Naging miserable ang pakiramdam niya nitong mga nakaraang araw dahil kay Henry. Pagkatapos niyang matuklasan ang buong katotohanan sa pagkamatay ni Miguel ay parang bula na bigla na lang itong naglaho sa kanyang harapan.

Buong akala niya ay tuluyan na itong nawala. Ilang araw siyang umiyak at naghinagpis. Sinisi niya ang kanyang sarili at nagsisi siya sa kanyang kasalanan. Noon niya napagtanto ang mga nagawa niyang pagkakamali at labis siyang nagsisisi.

Nang makita niya ang lalaki ay walang kahulilip ang ligaya na kanyang nadama. Ngunit tila pinaglalaruan siya ng tadhana. Nagbalik nga ito, pero wala namang naaalala tungkol sa kanya.

Naipikit niya ang mga mata at inipong lahat ng lakas-loob na muli niyang sinulyapan si Henry. Nagtitigan sila ng lalaki. Kinalma niya ang nagririgodon niyang puso at taas-noong sinalubong niya ang mga titig nito. Kilala niya ang lalaki at alam niya na may binabalak ito. Kung inaakala nitong magkakandarapa siya at magmamakaawa ay nagkakamali ito. Pinaglalaruan nito ngayon ang kanyang damdamin kaya hindi siya hihingi ng tawad. Manigas siya dahil hindi niya gagawin ang gusto nito.

Pagbibigyan niya ito kung gusto talaga nitong makipaglaro sa kanya. Madali naman siyang kausap. Matamis niyang nginitian ang lalaki. Puwes, humanda ito sa kanya!

***

Lumipas ang mga araw, hindi na muling kinibo ni Fate si Henry. Tila may nakakahawang sakit na pilit iniwasan ni Fate ang lalaki. Sa tuwing masasalubong nila ang isa't isa sa loob ng eskuwelahan ay kusa nang lumalayo si Fate para umiwas.

Hindi na malaman ni Henry ang kanyang gagawin, isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Ito na ang pangatlong araw niya sa trabaho. Pero daig pa niya ang hangin na dinadaan-daanan lang ni Fate. Nagkasalubong sila ng babae sa gitna ng pasilyo, ngunit hindi man lang siya nito binati o nilingon. Daig pa niya ang multo na hindi nito nakikita. Ilang araw na siya nitong hindi pinapansin at hindi na siya natutuwa sa nangyayari.

Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ang babae. Nangunot ang kanyang noo nang makitang nilapitan ito ni David. Naningkit sa selos ang kanyang mga mata nang matamis nitong nginitian ang lalaki. Lalong nagliyab sa panibugho ang kanyang dibdib nang tapikin nito ng marahan ang balikat ni David.

Nagtagis ang kanyang mga bagang, kumuyom ang mga kamao at malalaki ang hakbang na kaagad niyang nilapitan ang mga ito. Hindi niya hahayaan na maagaw nito si Fate! Sa pagkakataong ito, hindi na siya papayag na mahulog ang loob ng babae sa lalaki. Mamamatay na muna siya bago nito maagaw si Fate!

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon