Chapter 41

4.6K 49 28
                                    

Marahang nagmulat ng mga mata niya si Henry. Ilang saglit na napako ang kanyang tingin sa kisame bago napansin ang pamilyar na dibuho ng mga alon sa ibabaw nito. Kaagad siyang napabalikwas ng bangon. Medyo madilim ang paligid at tanging ang mapusyaw na liwanag na nagmumula sa nakabukas na aranya ang tumatanglaw sa buong silid.

Inilibot niya ang paningin at agad na nangunot ang kanyang noo nang makitang tila pamilyar sa kanya ang buong lugar. Noon lang niya napagtanto na nasa loob pala siya ng kanyang silid.

Hinalukay niya sa isip kung anong nangyari at paano siyang nakarating pabalik sa lugar na ito. Nalilitong naipilig niya ang ulo. Dahil sa labis na panibughong kanyang naramdaman ay walang pakundangan siyang naglunoy sa alak kagabi.

Labis siyang nagselos kay David. Dahil kamukha nito ang unang lalaki na minahal ni Maganda. Kung maaari lang sana niyang tapusin ang buhay nito ay ginawa na niya. Ngunit tiyak na malulungkot si Fate at lalo itong mamumuhi sa kanya. Sinisi siya nito noon sa pagkamatay ni Miguel at hindi na niya hahayaang mangyari pa ulit ang bagay na iyon ngayon. Ngunit sa tuwing nakikita niya na magiliw itong tinitingnan ni Fate ay halos mabaliw siya sa inggit.

Isang beses lang siyang tinitigan ng ganoon ng babae, iyon ay noong bata pa ito at muntikan nang nalunod sa gitna ng dagat. Nang maggpanggap siyang tao ay hindi na siya muling tiningnan ng ganoon ni Maganda, madalas ay palagi itong galit sa kanya.

Masakit. Dahil nasa kanya na halos ang lahat maliban sa babaeng habang-panahon niyang idinambana sa kanyang puso.

Muli niyang iginala ang tingin upang hanapin ang babae. Naalala niyang nag-usap silang dalawa kagabi. Pero hindi niya nabanggit ang tungkol sa lugar na ito. Ibinaling niya ang tingin sa bandang kanan ng kama at nakita niya si Fate na nakaupo sa isang silya.

Nakapatong ang dalawang braso nito sa ibabaw ng tuhod at nakatalungko habang mahimbing na natutulog.

Napangiti siya at saka tahimik na bumaba. Naupo siya sa ibabaw ng naa-alpombrahang sahig paharap sa nahihimbing na babae. Tiningala niya ito at naaaliw na pinagmasdan habang natutulog. Tila isa itong diyosa na nagkatawang-tao at bumaba sa lupa.

Lubhang napakaganda talaga nito.

Maingat niyang iniangat ang kanang kamay upang banayad na haplusin ang mukha nito. Marahan na pinasadahan ng hintuturo niya ang mga kilay nitong tila iginuhit ng isang pintor pababa sa ilong nitong nililok ng isang iskultor hanggang sa tumigil ang daliri niya sa mapupula nitong mga labi na nangangako ng isang matamis na halik.

Napalunok siya kasabay ng malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.

Maraming babaeng mortal na ang inialay ng mga tao sa kanya, lahat sila ay pawang birhen at magaganda. Ngunit iba ang epekto ni Maganda sa kanya. Bukod-tanging ito lang ang nagpatibok ng puso niya nang ganito. Kay Maganda niya lang naramdaman ang ganitong bugso ng damdamin na tinatawag nilang pag-ibig.

Gumalaw ang babae at unti-unti itong nahulog sa kinauupuan nitong silya. Maagap namang kumilos si Henry at sinalo ito.

Nagising si Fate nang sumubsob ang mukha niya sa malapad na dibdib ni Henry. Nagulat pa siya nang makitang nakadagan siya sa lalaki. Nagtama ang kanilang mga mata at ilang sandali silang nagkatitigan.

Hindi nakatiis na mabilis siyang nagbawi ng tingin, akmang aalis na sana siya sa ibabaw nito nang bigla na lang siyang hinila ng lalaki at ikinulong sa matipuno nitong mga bisig.

Nagpumiglas siya at saka ito itinulak palayo. Ngunit hindi siya pinakawalan ng lalaki. "Henry," aniya sa nakikiusap na tinig.

Pero walang tugon mula sa lalaki. Tanging ang nakabibinging kalabog na nagmumula sa dibdib nito ang kanyang naririnig.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon