Epilogue

3.8K 44 64
                                    

"Buong tapang na iniligtas ni Maganda ang kanyang tribu gamit ang sandatang ipinagkaloob ng Kaluwalhatian sa kanya. Natalo niya ang diyos ng Kasamaan na si Sitan at pagkatapos niyon ay hinirang siya bilang isang magiting na bayani ng kanilang pulo," saglit na muna siyang tumigil sa pagsasalita at saka inilibot ang tingin bago muling nagpatuloy. "At dito na nagtatapos ang kuwento nina Amanikable at Maganda."

Magkapanabay na napaungol ang mga mag-aaral nang marinig ang sinabi niya. Hindi naman niya magawang pigilan ang sarili na mapangiti sa naging reaksiyon ng mga ito.

"E, Sir Henry, ano pong nangyari kay Amanikable?" Hindi na nakapaghintay na tanong ng pinakamakulit niyang estudyante.

"Hmnn, ano nga bang nangyari sa kanya?" aniyang napaisip. "Dahil nabulag siya ng kanyang damdamin, pinarusahan siya ng mga diyos na maghintay sa loob ng isang libong taon."

"Ngee!"

Malakas siyang napatawa nang mapapalatak ang mga bata.

"Bakit po? Kawawa naman siya."

"Dahil malaki ang naging kasalanan niya. Pinabayaan niya ang kanyang tungkulin, inabandona niya ang Kaluwalhatian at tinangka niyang wasakin ang mundo para maghiganti."

Napatango na lang ang mga estudyante niya. Pero tila hindi pa rin kumbinsido ang mga ito sa naging sagot niya. "Sige, gagawin ko na lang 'tong assignment n'yo. Basahin n'yo ulit ang kuwento at magbigay kayo ng moral lesson na natutunan n'yo sa kuwento nina Amanikable at Maganda," aniyang nginitian ang mga ito.

Muling napapalatak ang mga estudyante niya.

Muli naman siyang natawa. Noon niya sinipat ang oras sa suot na relong pambisig. Malapit na ang oras ng labasan at maya-maya pa ay uuwi na ang mga ito para mananghalian. Lumipas pa ang ilang saglit at narinig nilang tumunog na ang bell ng paaralan hudyat na tapos na ang lahat ng klase sa umaga.

Mabilis na nagsipagtayuan ang mga estudyante para magpaalam sa kanya. "Goodbye and thank you, Mr. Fortaleza!"

"Paalam din sa inyong lahat. Magkita na lang tayo ulit mamayang hapon," paalam niya sa mga ito. Tumayo na rin siya at iniligpit ang mga gamit sa ibabaw ng kanyang mesa.

Matapos na magpaalam ay nag-uunahan nang lumabas ng silid ang mga mag-aaral. Nakangiti namang inihatid niya ang mga ito ng tanaw at saka lumabas ng silid-aralan.

Hinintay na muna niyang makalabas ang mga estudyante at guro. Nang masigurong wala nang mga tao ay saka siya nagpasyang lumabas na ng bakal na bakod.

Pagkalabas ay malalim siyang napahugot ng hininga at nag-inat-inat ng katawan. Napangiti siya nang masulyapan ang maulap at bughaw na papawirin, ganoon na lang ang tuwang nadama niya nang malanghap ang sariwang simoy ng hangin.

Hindi masyadong malinsangan ang panahon kaya tamang-tama iyon para mamasyal sa talampas na madalas niyang puntahan sa tuwing wala siyang klase at nais lang magpalipas ng oras.

Mabagal siyang naglakad habang binabagtas ang daan patungo sa talampas. Habang nasa daan ay may mga magsasaka sa bukid siyang nakasalubong, yumukod ang mga ito sa kanya at bumati at ganoon din siya sa mga ito. May ilan pa na inalok siyang kumain ng tanghalian ngunit magalang niyang tinanggihan ang mga ito.

Limang taon na ang matuling lumipas mula nang dumating siya rito sa isla ng Cuyo, nang lisanin niya ang Maynila ay dito na niya ipinasyang manirahan. Wala sa loob siyang napangiti, parang tila kailan lang nang mangyari ang labanan sa pagitan ng Kasamaan at ng mga diyos ng Kaluwalhatian.

Inilibot niya ang paningin sa buong paligid, espesyal sa kanya ang lugar na ito dahil dito ipinanganak si Maganda. Maraming masakit at masayang mga alaala ang kaakibat ng lugar na ito sa kanya, mga alaalang hindi niya makalimutan at habang-buhay nang nakatanim sa kanyang puso.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon