"Dayang Maganda! Saan ka pupunta? Magbalik ka at umuwi na tayo!" tawag ng nag-aalalang aliping sagigilid.
Subalit tila walang narinig na bigla na lang tumakbo palayo ang may sampung taong gulang na batang babae. Tinahak niya ang daan patungo sa dalampasigan.
Magdadapit-hapon at napakagandang pagmasdan nang papalubog na araw sa silangan. Unti-unti nang nagiging kulay lila ang kanina ay bughaw na kalangitan. Tila musika sa pandinig ang malakas na hampas ng mga alon sa tabing-dagat kasabay nang pag-ihip ng malamig na hanging dala ng hanging-habagat.
Nasasabik na tumakbo ang batang babae sa mabatong bahagi ng tabing-dagat. Nilibot muna nito ng tingin ang buong paligid, nang matiyak na walang ibang tao ay hinila nito sa pinagtataguang guwang ang isang balsa, yari iyon sa maliliit na pusog ng kawayan, tuyong dahon ng niyog at mga baging, maliit lang ang balsa na sapat upang maisakay ang isang pasahero.
Hinatak ng batang babae ang balsa at dinala sa tubig. Nagmamadali siyang sumakay at bahagyang naalog ang balsa. Mahigpit siyang napakapit sa nakausling baging at dahan-dahang ibinalanse ang sarili sa ibabaw ng balsa. Kinuha niya ang mahabang patpat ng kawayan na nasa isang tabi at ginawang sagwan.
Gamit ang buo niyang lakas, itinulak niya ang balsa at naglayag. Ipapakita niya sa kanyang ama na kaya niyang maglayag patungo sa kabilang ibayo ng dagat. Sa pamamagitan niyon ay mapapatunayan niya ang sarili at ang kakayahan niya.
Subalit hindi pa siya nakakalayo nang bigla na lang lumakas ang hangin at kasunod niyon ay lumaki ang mga alon sa dagat. Naalog ang balsa. Sa kabila ng malakas na paghampas ng mga alon ay nanatiling walang tinag sa pagkakatayo ang batang babae. Buong tapang na patuloy siyang nagsagwan patungo sa mas malayong bahagi ng karagatan.
Lumipas pa ang mga sandali at tuluyan nang nangitim ang kanina ay kulay lilang kalangitan. Kumulog, kumidlat at marahas na hinampas ng nagngangalit na alon ang maliit at marupok na balsa.
Napadapa ang batang babae at mahigpit na kumapit sa nakausling baging upang hindi mahulog sa umaalimpuyong tubig. Subalit higit na malakas ang mga alon at hindi sapat ang kanyang upang labanan ang galit ng karagatan. Napabitiw siya sa baging at nilamon siya ng dagat.
'Tulong, tulungan n'yo ako! Maawa kayo, saklolo, tulungan n'yo ako!' Hindi na siya makahinga at nilalamig na ang buong pakiramdam niya. Sinubukan niyang lumangoy paibabaw ngunit tila ipu-ipong hinihigop siya ng tubig pababa.
Katapusan na niya, nawawalan na ng pag-asa na pagak siyang napangiti.
Ngunit nagliwanag ang buong paligid. Isang mainit na pakiramdam ang lumukob sa kanya at natagpuan na lamang niya ang sarili na nakakulong na sa maiinit na bisig ng isang nilalang.
'Huwag kang matakot, narito ako para tulungan ka,' pahayag ng misteryosong nilalang. Nagliliwanag ang mahaba at ginintuan nitong buhok. Nagsalubong ang kanilang mga tingin at bumungad sa kanya ang maiitim nitong mga mata na kasing-dilim ng gabi. May marka ng batók ang mukha nito mula sa noo pababa sa magkabilang pisngi.
Inangat niya ang kanang kamay upang haplusin ang mukha nito. 'Maraming salamat sa tulong, utang ko sa 'yo ang buhay ko, anong pangalan mo?'
Matamis itong napangiti. 'Walang anuman, ang pangalan ko ay Amanikable.'
***
Umuubong idinuwal niya ang lahat ng tubig na nainom sa ilog. Matapos niyon ay mariing napasinghap siya ng hangin, hinahabol ang hiningang napatihaya siya ng higa sa ibabaw ng damuhan.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...