"M-maganda," usal ng lalaking ilang dipa lang ang layo mula sa kinatatayuan niya.
Maingay ang busina ng mga sasakyan ngunit higit na malakas ang dagundong sa kanyang dibdib. Nanikip sa sakit ang dibdib niya nang umahon ang hindi masukat niyang galit para sa lalaki.
Hindi nagbago ang itsura nito, maliban na lang sa umikli na ang dati ay mahaba nitong buhok. Lalo pang naging matikas ang tindig at naging kapita-pitagan ang anyo nito. Marahas niyang naipilig ang ulo nang mapagtanto ang iniisip. Hindi iyon ang tamang oras para hangaan ang kakisigan ni Amanikable. Dapat niya itong kasuklaman at kamuhian, ito ang may kasalanan kaya namatay si Miguel. Sumumpa siyang papaslangin niya ito sa oras na magkita silang dalawa.
"Maganda!" Mabilis namang tinawid ng lalaki ang distansiya sa pagitang nilang dalawa. "Nahanap din kita sa wakas." Bakas ang pananabik sa tinig nito bago siya kinabig at niyakap ng mahigpit.
Nang mga sandaling iyon, libo-libong boltahe ng kuryente ang gumapang at nanulay sa mga kalamnan niya nang madama ang pamilyar na init mula sa katawan nito. Tila saglit na tumigil ang oras at natuod ang buong katawan niya habang nasa mga bisig siya ng lalaki.
Samu't-saring emosyon ang bigla niyang naramdaman at hindi niya magawang bigyan ng paliwanag. Hindi ganito ang reaksiyong inaasahan niya sa muling pagkikita nila ni Amanikable.
Ngunit bakit tila may mga paro-parong nagliliparan sa loob ng sikmura niya? Pinakawalan siya ng lalaki at muling pinagmasdan. Nagtama ang kanilang mga tingin. Nabasa niya ang labis na pagmamahal sa mga mata nito at muli niyang naalala ang araw na iyon.
Naalala niya ang dahilang nagtulak sa kanya para magpatiwakal sa harapan ng lalaki. Marahas niya itong itinulak at kumaripas siya ng takbo palayo.
Ngunit bago pa siya tuluyang makalayo isang kotse ang bigla na lang sumulpot sa kanyang harapan. Umalingawngaw ang malakas na sagitsit ng mga gulong at napuno ng hiyawan ng mga tao ang buong paligid nang tumilapon sa gitna ng daan ang kawawa niyang katawan.
Mapait siyang napangiti nang makita ang humahangos na pigura ng lalaking papalapit sa kinaroroonan niya. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala, pagak na muna siyang natawa bago tuluyang nagdilim ang kanyang paligid.
***
Kaagad napabalikwas ng bangon si Fate nang magising. Mahilo-hilong inilibot niya ang tingin sa buong paligid, nasa loob siya ng isang silid at may nakakabit na dextrose sa magkabila niyang kamay. Nasapo niya ang ulo habang pilit na inaalala sa isip ang mga nangyari. Naalala niya ang kinasangkutang aksidente, bigla siyang kinabahan nang mapagtantong nasa loob siya ng ospital. Kailangan niyang lisanin ang silid bago pa mabuking ng mga doktor ang kanyang sikreto.
Nagmamadali niyang hinugot ang mga tubong nakakabit sa magkabila niyang kamay at saka humahangos na bumaba sa ibabaw ng kama. Ngunit kaagad na sumigid ang matinding kirot sa kanyang sentido, naging mabuway ang kanyang mga tuhod sanhi para malakas siyang lumagapak sa ibabaw ng sahig.
Napangiwi siya sa sobrang sakit. Hindi pa bumabalik ang lakas sa mga tuhod niya at hindi pa lubusang nakakabawi ang kanyang katawan sa mga pinsalang natamo nito. Pero wala siyang pakialam, dapat na siyang umalis sa lugar na iyon bago pa siya malagay sa alanganin.
Kahit kumikirot pa ang buong katawan niya ay pinilit niyang ibangon ang sarili. Inilibot niya ang tingin sa buong paligid bago painot-inot na tinungo ang maliit na kabinet na nasa isang sulok ng silid. Naghalughog siya ng masusuot na damit nang bigla na lang bumukas ang pinto.
Mabilis siyang pumihit paharap, muntik na siyang mapasigaw nang bumungad ang nakangising mukha ni Sitan.
"Kamusta ka na, Dayang Maganda?"
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...