Tila saglit na tumigil ang pagdaloy ng oras at napako ang tingin ng lahat sa gitna ng ere nang walang babalang itinarak ng diyosa ang talim ng hawak nitong sandata kay Fate.
Nag-angat ng tingin ang babae matapos na sulyapan ang kris na nakabaon sa dibdib. Blangko ang ekspresiyon na lumipad ang tingin nito sa mukha ni Anagolay.
Ngali-ngaling nagpuyos sa galit ang pakiramdam ni Amanikable. Nagbaga ang kanyang mga mata at kumuyom ang kanyang mga kamao. Kaagad siyang pumihit upang tulungan si Fate.
"Huwag kang makialam dito!" sigaw ni Anagolay. "Pigilan n'yo siya, Anitun Tabu, Diyan Masalanta!" Mahigpit nitong utos sa mga kasama.
Tumango ang dalawang diyosa bilang pagtalima.
Mahigpit na hinawakan ng dalawang kopya ni Anagolay ang mga braso ng diyos ng Karagatan upang pigilan itong kumilos.
Samantala, ipinatong ni Diyan Masalanta ang dalawang palad sa ibabaw ng sahig at agad na tumubo ang mga halamang baging. Mabilis na pinuluputan ng mga baging si Amanikable at iginapos ito upang hindi na makagalaw.
Kasunod niyon ay ikinumpas ni Anitun Tabu ang mga kamay at namuo ang hangin sa paligid ng diyos ng Karagatan. Isang bilog na hawlang gawa sa hangin ang lumitaw at ikinulong nito sa loob niyon ang nakagapos na lalaki. Nang matiyak na hindi na ito makikialam pa sa kanilang laban ay muling binalingan ni Anagolay ang kaharap.
Malakas niyang itinulak ang babae at diniinan ang pagkakabaon ng sandata sa dibdib nito. Tila balewala namang hinawakan ng dalawang kamay nito ang talim ng kris at binali iyon nang walang kahirap-hirap. Kaagad siyang umatras palayo upang umiwas at mabilis na gumawa muli ng bagong sandata na iwawasiwas.
Muli niyang sinugod ang babae nang mula sa kung saan ay bigla na lang lumitaw ang diyos ng Kasamaan. Walang babala siya nitong inatake nang walang pakundangan.
Sa kabilang banda ay matagumpay niyang naiwasan t nasalag ang mga pagsugod nito. Nang makabawi ay siya naman ang walang habas na umatake. Ngunit maagap nang napaligiran ng itim na kapangyarihan ni Sitan ang babae.
"Maganda, naririnig mo ba ako? Nais ng Kaluwalhatian na kitlin ang buhay mo at ng lahat ng taong mahal mo. Hindi mo dapat na hayaang mangyari ang kanilang nais, tapusin mo silang lahat. Gamitin mo ang kapangyarihan ng Kasanaan upang lipulin ang mga diyos at wasakin mo ang Kaluwalhatian!" utos ni Sitan.
Nagliwanag ang mga batok sa buong katawan ng babae at lalong umigting ang masamang kapangyarihan na taglay ni Fate. Wala sa sariling katinuan na tumalima siya sa utos ni Sitan at walang pasabing inatake ang naghihintay na diyosa.
Kasing-bilis ng kidlat na naglaho ang babae sa gitna ng ere. Nang lumitaw ito ay nasa harap na ito nang hindi nakahumang diyosa. Iwinasiwas nito ang hawak na balaraw, subalit maagap iyong nasalag ni Anagolay gamit ang hawak nitong kris.
Naglaban ang talim ng kanilang mga sandata at nagpambuno ang kanilang mga puwersa sa ibabaw ng ere. Tila mga ibon sa itaas ng himpapawid na mabilis silang nagpalitan ng atake. Nagtagisan ang kanilang mga kali at kapangyarihan.
Umatras at dumistansiya si Anagolay at kinuha ang pagkakataon na iyon upang gumawa ng isang daang kopya ng kanyang sarili. Pinaigting niya ang taglay na enerhiya at isinalin sa bawat kopya ng kanyang sarili, nang matapos ay sabay-sabay silang umatake.
Ngunit tila hindi alintana ang bilang ng mga kalaban na walang pakundangang iwinasiwas ng babae ang hawak na balaraw at parang papel na nahati ang katawan ng mga kopya ni Anagolay.
Sa isang iglap ay lalo pang lumakas ang masamang puwersa na bumabalot kay Fate. Muli itong naglaho sa gitna ng ere at lumitaw sa harapan ni Anagolay. Walang babala na mariin nitong sinakal sa leeg ang hindi nakahumang diyosa.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...