Chapter 46

4.2K 41 18
                                    

Mariin na nagtagis ang mga bagang ni Henry at nagngangalit siyang nagpalit-anyo bilang ang kinakatakutang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Nangitim ang kanyang mga mata, humaba ang kanyang buhok at naging ginintuan ang kulay nito. Unti-unting nagsilitawan ang mga batok sa kanyang noo at gumapang iyon sa magkabila niyang pisngi pababa sa kanyang leeg hanggang sa magkabila niyang balikat papunta sa dulo ng kanyang mga daliri.

Mahigpit niyang naikuyom ang mga kamao habang dinadama ang pagragasa nang nag-uumapaw na kapangyarihan sa loob ng kanyang katawan. Matagal na panahon na rin ang lumipas mula ng huli beses siyang nakipaglaban sa isang diyos.

Huminga siya ng malalim at saka marahang napabuga ng hangin. Nagmulat siya ng mga mata at mabalasik na tinapunan ng tingin ang kaharap na lalaki. Katulad niya ay nagpalit-anyo na rin ito bilang ang diyos ng Kasamaan na si Sitan.

Hindi ito ang unang beses na nagharap sila at nagtapat sa isang labanan. Isa lang ito sa maraming pagkakataon at natitiyak niya na hindi rin ito ang huli. Natalo na niya ito noon sa tulong ng lahat ng diyos at diyosa ng Kaluwalhatian at ilang ulit niya itong tatalunin para sa kaligtasan ng lahat.

Ngunit hindi katulad ng ibang pagkakataon ang kinalalagyan niyang sitwasyon ngayon. Isang espesyal na buhay ang nakataya sa labang ito at nanganganib. Hindi niya mabatid kung sino ang tunay na kalaban at sino ang kanyang kakampi, ngunit isa lang ang nasisiguro niya, hindi niya hahayaang mapahamak ang taong pinakamamahal niya.

"Handa ka na bang harapin muli ang iyong pagkatalo?" tanong niya kay Sitan. Mabagal niyang tinawid ang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Maya-maya pa ay tumigil siya sa paglalakad ng isang dipa na lang ang layo niya sa diyos ng Kasamaan.

Tumawa nang nakakaloko si Sitan. "Huwag ako ang tanungin mo, ikaw, handa ka na ba sa kalalabasan ng lahat ng ito?"

Isang nang-uuyam na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. "Isa lamang ang kahihinatnan ng lahat at sisiguraduhin kong tuluyan ka nang mawawala at maglalaho sa mundong ito!"

"Hangal, hindi mo na ako matatalo pang muli dahil kukunin ko na ang Kasanaan kasama na si Maganda at wawasakin ko ang buong Kaluwalhatian at ako ang maghahari sa Sansinukuban!" Biglang umigting ang itim na enerhiyang nakapalibot kay Sitan.

Matalas ang pakiramdam na minanmanan niya ang mga kilos nito at inihanda ang kanyang sarili. Umatras siya at maliksing pumaimbulog sa ibabaw ng ere upang humanda sa pag-atake.

Kaagad niyang pinaigting ang kapangyarihan na bumabalot sa kanya at tinawag ang tubig sa kanyang paligid. Minanipula niya iyon upang gumawa ng isang malaking serpiyente.

"Ikaw ang hangal dahil kahit ano pa ang gawin mo, kailan man ay hindi magtatagumpay ang mga plano mo!" Ikinumpas niya ang ang kamay at inutusan ang serpiyente na atakehin si Sitan.

Mabilis na binalot ng itim na enerhiya ang diyos ng Kasamaan at mula roon ay dalawang itim na serpiyente ang lumabas upang salubungin ang serpiyente ng tubig ni Amanikable.

Mabangis na naglaban ang mga ito sa gitna ng ere. Nagpang-abot ang kapangyarihan ng mga ito habang walang pakundangan na inaatake ang isa't isa. Halos mawasak ang bulwagan sa lakas ng paghampas ng buntot ng mga ito sa pader.

Nagwala sa galit ang puting serpiyente ng tubig ng mabalasik na pagtulungan ng mga itim na serpiyente, malakas itong umatungal hanggang sa bugahan nito ng tubig ang mga itim na serpiyente.

Nang mga sandaling iyon ay inihanda na ni Amanikable ang kanyang sarili. Inilahad niya ang kanang palad at lumitaw ang isang mahabang tabak na gawa sa tubig. Mahigpit niya iyong hinawakan at parang bula siyang naglaho sa ere upang atakehin ang noon ay naghihintay na diyos ng Kasamaan.

Buong puwersa niyang iwinasiwas kay Sitan ang talim ng tabak. Ngunit bago pa niya ito matamaan ay agad na nito iyong nasalag gamit ang pananggang gawa sa itim nitong kapangyarihan.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon