Mariing tinapakan ni Fate ang preno ng sasakyan at saka umibis. Binuksan niya ang pinto ng passenger's side at inakay pababa ang duguang si Camille. Buong ingat niyang itinulak pabukas ang gate.
Inilibot niya ang tingin at agad siyang nakahinga ng maluwag nang makitang patay na ang ilaw sa buong kabahayan.
Maingat niyang inakay papasok sa loob ng bahay si Camille. Nagpalinga-linga na muna siya para tiyaking walang ibang tao sa paligid. Nag-aalala siya na baka bigla na lang sumulpot ang matanda at malaman nito ang nangyari sa kanila, tiyak na uusisain siya ng matanda.
Napabuga siya ng hangin, halos hindi na makalakad si Camille, kaya pinasan na lang niya ito paakyat ng hagdanan. Tila lantang gulay na humihingal siyang naglupasay sa sahig nang marating nila ang ikalawang palapag. Matangkad ang babae at hamak na mas malaking bulas ng pangangatawan kaysa sa kanya kaya nahirapan siyang iakyat ito sa hagdan.
Nang makapasok ng silid ay kaagad niya itong inihiga sa ibabaw ng kama bago ibinagsak ang nahahapong katawan sa malamig na sahig. Matapos na mahabol hininga ay bumangon siya at binuksan ang ilaw. Binaha ng liwanag ang buong paligid, nilapitan niya si Camille.
Wala itong malay at mukhang masama ang kalagayan nito. Umungol ang babae nag-aalala niya itong dinaluhan.
"Camille, kamusta na ang pakiramdam mo? Okay ka lang ba? Kailangan ko na bang tumawag ng doktor?" tanong niya.
Napailing lang ang babae. Nakagat niya ang pang-ibabang labi habang nag-iisip kung ano ang gagawin upang maibsan ang nararamdaman nitong sakit. Hindi magkandatutong hinalughog niya ang kuwarto nito para maghanap ng gamot.
Ngunit wala siyang mahagilap na kahit ano, ultimo biogesic ay wala ito. Nang wala ng ibang pagpipilian ay lumabas siya ng silid at umakyat sa third floor kung saan naroon ang silid ni Arabella. Ito lang ang naiisip niyang solusyon at maaaring makatulong kay Camille.
Kinatok niya ang pinto ng kuwarto nito, makalipas ang ilang saglit ay bumukas ang pinto at sumilip ang naghihikab na dalagita. Pupungas-pungas siya nitong tiningnan bago kinusot ang mga mata.
"Miss Fate, gabi na. Ano pong kailangan n'yo sa 'kin?" Inaantok itong naghikab.
"Sorry kung naistorbo kita, kailangan ko ang tulong mo ngayon kaya sumama ka sa 'kin," aniya at hinila na ito palabas.
"Huh, ano pong nangyari?"
"Mamaya na ako magpapaliwanag, ang importante sumama ka muna sa 'kin."
Hindi na ito nag-usisa, sumunod na lang ito sa kanya. Iginiya niya ito pababa ng hagdan papasok sa kuwarto ni Camille.
"Anong ginagawa natin dito?" Nagtataka nitong tanong. "Baka magalit si Manang na pumasok tayo sa kuwarto niya."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at itinuro ang babaeng nakahiga sa ibabaw ng kama at labis na namimilipit sa sakit.
Lumapit si Ara. "Ano pong nangyari sa kanya?" Sinalat nito ang noo ng babae at sinuri ang kalagayan nito. "Masama ang lagay niya, anong nangyari sa kanya?"
Napabuntong-hininga siya. "Nagpunta kami sa isang club at sinugod kami ng mga aswang. Napalaban si Camille at napuruhan siya ng Bakunawa, hindi ko siya madala sa ospital kaya naisip kong humingi na lang ng tulong sa 'yo."
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasiUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...