"Camille, bilisan mo naman!" tawag ni Aling Milagros, kinawayan niya ang dalaga na sumunod sa kanya habang nakikipag-unahan sa mga taong papunta sa likod ng entablado. "Bilisan mo, dali!"
Bumuntong-hininga na muna si Camille bago nakasimangot na sinundan ang matanda. "Saan ba kasi tayo pupunta?"
"Pupuntahan natin si David," nakangiting tugon ni Aling Milagros habang sinasamyo ang hawak na pumpon ng mga rosas.
Tumirik ang mga mata ni Camille na tila ba nangungunsumi sa matanda. Nakapamaywang na tinapunan niya ito ng masamang tingin. "Hindi kaya sobrang pagpa-fan-girling na 'yang ginagawa n'yo? Matino bang gawain 'yan ng isang diyos?" bubulong-bulong niyang reklamo.
Napahalakhak naman ng malakas ang matanda. "Ikaw talaga, pagbigyan mo na ako. Paminsan-minsan lang naman ito. Masama bang matuwa ako sa isang tao?"
"Oo." Nakataas ang kilay na tugon ni Camille. "Nakalimutan mo na bang natuwa ka sa 'king ninuno kaya naging tagapagsilbi mo ang angkan namin sa loob ng limandaang taon," nakalabi pa niyang turan. "Alam mo bang nakakatakot matuwa ang mga diyos na katulad mo dahil ang tingin n'yo sa aming mga tao ay mga piraso lang ng laruan sa laro ninyong mga diyos."
"Hanggang ngayon ba ay masama pa rin ang loob mo? Dahil ikaw ang napiling maging Minokawa ko?" nakangiting tudyo ni Aling Milagros. "Hindi ko kasalanan ang nangyari, tandaan mo na si Sayi ang nagmakaawa sa akin na huwag patayin si Maganda at bilang kapalit ng kabutihang loob ko ay ang paninilbihan ng angkan mo sa akin ng habampanahon."
Matalim na inirapan ni Camille ang matanda. Samantalang balewalang nagkibit lang ng balikat si Aling Milagros. Lumingon-lingon ito sa paligid upang hanapin si David.
Noon lumabas sa backstage ang mga aktor sa pinanood nilang palabas. Napuno naman ng malakas na tilian ng mga tao ang paligid. Kaagad na nakipagsiksikan sa mga ito si Aling Milagros habang bitbit ang pumpon ng mga bulaklak na regalo nito kay David. Nakaismid na pinanood na lamang ni Camille ang matanda habang nakikipaggitgitan sa mga tao.
Makalipas pa ang ilang sandali ay bumalik din si Aling Milagros. Bahagyang nagtaka si Camille nang makita ang nakabusangot nitong mukha. "Ano'ng nangyari? Bakit ganyan ang itsura n'yo?"
"Wala si David," mangiyak-ngiyak na sumbong ng matanda nang makalapit kay Camille. "Kanina pa raw siya umalis."
Naiiling na napangiti ang dalaga sa matanda. "Mabuti nga. Isa lang ang ibig sabihin niyan, dapat na tayong umalis at hanapin na natin si Ara." Nagpatiuna na sa paglalakad si Camille. Nilingon niya ang matanda na hanggang ngayon ay hindi pa rin kumikilos sa kinatatayuan nito. Parang ayaw pa nitong umalis sa pag-asang makikita pa ang hinahangaang si David.
"Let's go. Siguradong kasama na 'yon ni Fate ngayon. Alam naman nating may crush 'yon kay Fate. Let's leave them together, okay. Kaya mas mabuti pang hanapin na natin si Ara," aniya. "Speaking of Ara, nasaan na ba ang babaeng 'yon?"
Dismayadong napabuntong-hininga na lamang si Aling Milagros at saka hinabol si Camille. "Sige na nga. Nasaan na ba si Ara?"
"Nagpaalam siya sa akin kanina na pupunta lang sa banyo. Pero kalahating oras na ang lumipas at hindi pa rin siya bumabalik," bakas ang pagtataka sa mukhang sagot ni Camille.
Paglabas nila ay kaagad nilang hinanap si Ara, subalit hindi nila ito makita kahit na saan. Napatigil sila sa paghahanap nang pumunit sa kalagitnaan ng gabi ang malakas na hiyawan ng mga tao sa kanilang paligid. Natigilan sa paglalakad ang matanda at puno ng pag-aalalang hinila nito ang braso ni Camille.
"Hanapin mo si Fate at ibalik mo siya rito sa lalong madaling panahon," utos ng matanda. "May nararamdaman akong malakas na presensiya ng kasamaan sa paligid. Talasan mong mabuti ang mga mata mo at mag-ingat ka, Camille," ani Aling Milagros habang matalim na nililibot ng tingin ang paligid.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasíaUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...