Chapter 29

6.1K 67 92
                                    

Hindi alintana ang malakas na ulan na sinuong ni Fate ang nagngangalit na dambuhalang buhawi ng tubig. Halos matangay siya sa lakas ng hanging nakapalibot sa paligid nito. Ngunit buo ang loob na hindi siya sumuko. Itinakip niya ang dalawang braso sa mukha at mabilis siyang tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Henry upang pigilan itong gamitin ang kapangyarihan nito.

Ngunit higit na malakas ang hanging kaakibat ng buhawi. Isang maling kilos lang at tiyak na hihigupin siya ng umaalimpuyong buhawi. Nakagat niya ang pang-ibabang labi habang nag-iisip ng paraan kung paano malalapitan si Henry. Kailangan niya itong pigilan sa lalong madaling panahon bago pa mahuli ang lahat!

Marami pa silang dapat na pag-usapang dalawa. Ngayong alam na niya ang buong katotohanan, kailangan nitong magpaliwanag sa kanya. Buong buhay niya itong pinagbintangan at sinisi sa isang kasalanang hindi nito ginawa. Labis niyang kinasuklaman ang lalaki. Pinagtangkaan pa niya itong patayin para lamang makapaghiganti. Hindi ito puwedeng mawala nang basta ganoon na lang!

Biglang kuminang ang suot na kuwintas ni Fate. Tila narinig ng Kasanaan ang desperado niyang kahilingan na makita si Henry. Isang kalasag na liwanag ang bumalot sa kanya ng sandaling iyon at nahawi ang daan patungo sa kinaroroonan ng lalaki.

Natanaw niya ang kinatatayuan ni Henry. Nakatingala sa langit ang lalaki habang nakadipa ang dalawang braso sa ere. Gula-gulanit ang damit at litaw ang mga batok sa buong katawan habang nagliliwanag sa umaapaw na kapangyarihan ang lalaki. Tinawag niya ito subalit tila walang narinig na hindi man lang ito lumingon sa kanyang direksiyon.

Mabilis siyang tumakbo palapit kay Henry. Sandali na muna niya itong pinagmasdan bago marahang hinaplos ang pisngi nito at ikinulong sa kanyang mga palad. Hinuli niya ng tingin ang mga mata nito. Ngunit tila walang nakikita na tumagos lang sa kanya ang mga titig nito.

"Gumising ka na, pakiusap. Huwag mo akong iwan nang ganito. Hindi kita hahayaan, naririnig mo ba!" Marahas niyang niyugyog ang mga balikat nito. Ngunit hindi man lang tuminag ang lalaki.

Lalong lumakas ang buhawi ng tubig. Mahigpit na niyakap ni Fate ang lalaki. Umaasa siyang mapapayapa ang kalooban ng lalaki kahit sa ganitong paraan lang. "Amanikable!"

Hindi na napigilan ni Fate ang pagbalong ng masaganang luha sa magkabila niyang mata. Kasabay niyon ay ang biglang pagragasa ng mga alaala noong panahon na pinagkakatiwalaan niya ito ng buong puso at kaluluwa.

"Saan ka pupunta?" Daig pa ni Maganda ang itinulos sa kanyang kinatatayuan nang marinig ang pamilyar na tinig ni Malakas. Kasalukuyan siyang naglalakad sa hangganan ng kinasasakupang teritoryo ng Dapulo at pumupuslit paalis. May bitbit siyang sisidlan ng pagkain at isang maliit na banga ng lambanog na dadalhin sana niya sa pinagtataguang yungib ni Miguel.

Balak niyang magsabay sila sa pagkain. Subalit baka hindi na iyon matuloy sapagkat narito na naman ang malaking balakid sa buhay niya na si Malakas. Nakabusangot ang mukha na pumihit siya pabalik upang harapin ang lalaki.

"Mamasyal lang ako sandali sa labas," aniyang nginitian ito ng isang pilit na ngiti. Natitiyak niyang natuklasan na ni Sayi na nawawala na naman siya sa kanyang torogan kaya nagsumbong na naman ang magaling niyang alipin kay Malakas.

"Nang mag-isa at walang kasama? Gabi na. Mapanganib na maglagalag ka pa sa gubat ngayon," anang lalaki. Lumabas ito mula sa pinagkukublihang puno at magkasalikop ang mga brasong naglakad palapit sa babae.

Naiiritang hindi mapigilan ni Maganda ang mapasimangot. Kahit kailan ay isa talaga itong tinik sa kanyang lalamunan. "Tama ka subalit kabilugan ng buwan ngayon at hindi madilim ang mga daanan," aniyang pinasadahan ito ng tingin.

Noon tila nabato-balani ang pakiramdam ni Maganda nang mapagmasdan ang makisig na hitsura ni Malakas sa ilalim ng maliwanag na buwan. Nakasuot ito ng pulang putong sa ulo na napapalamutian ng puting kabibe at korales. Mistula itong Maharlikang anak ng Datu sa suot nitong pulang kanga at sarong na may makukulay na batik ang disenyo.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon