Chapter 35

5.9K 72 29
                                    

Nanlisik sa galit ang mga mata ni Eric nang makitang kinamayan ni Fate ang bagong guro na si Henry. Mariing nagtagis ang mga bagang niya sa labis na panibugho. Buong akala niya ay tuluyan nang naalis ang lalaki sa kanyang landas. Hindi niya inaasahan na makikialam ang Kaluwalhatian sa kanyang mga plano.

Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi habang pinapanood ang kumpulan ng mga guro sa ibaba. Nakatayo siya ngayon sa pinakamataas na gusali ng eskuwelahan habang tila pulot-pukyutan na pinagkakaguluhan ng mga guro at estudyante ang noon ay kadarating lang na lalaki.

Tila pamilyar ang eksenang kanyang nasasaksihan. Napapalatak siya, kung hindi dahil sa utos ni Bathala, marahil ay matagal na niyang pinaslang ang hangal na diyos ng Karagatan. Subalit imposible nang mangyari ang bagay na iyon sapagkat mahigpit nang ipinagbawal ang pagpaslang sa pagitan ng mga diyos.

Kaya kailangan niya ang tulong ni Maganda upang isakatuparan ang minimithi niyang paghihiganti sa Kaluwalhatian. Titiyakin niyang magbabayad ang lahat ng mga diyos at diyosa sa kanya, wawasakin niya ang Kaluwalhatian at paghaharian niya ang buong Sansinukuban.

Malapad siyang napangiti at sa oras na mawala si Amanikable ay mapapasakanya na rin sa wakas si Maganda!

Umalingawngaw ang malakas niyang halakhak sa buong paligid. Maya-maya pa ay isang babae ang bigla na lang lumitaw mula sa kung saan. Nagtataglay ito ng maitim, mahaba at umaalon-alon na buhok. Nakasuot ito ng manipis na bestida na kumikinang sa kaputian at halos sumayad na sa sahig ang laylayan.

Nakapikit ang mga mata at kunot-noo itong naglalakad palapit sa kinaroroonan niya. Bagaman walang nakikita ay tiyak ang mga hakbang na tumigil ito sa mismong harapan niya.

"Ginawa ko ang lahat ng gusto mo! Pero sadyang naiinip na ako sa paghihintay, kailan ka tutupad sa kasunduan nating dalawa?" sumbat ng nagngangalit na diyosa ng Buwan na si Bulan Mayari. "Xeres!" tawag nito sa lalaking nakasunod sa kanyang likuran.

Mabilis na kumilos ang tagapagbantay nitong Bakunawa. Kaagad na binunot ni Xeres ang nakasukbit na tabak sa kanyang likuran at walang pagdadalawang-isip na iniumang iyon kay Eric.

Tila balewalang umismid ang diyos ng Kasamaan. "Bunag!"

Lumitaw ang Hari ng mga Aswang at maliksing sinalag ng matutulis nitong kuko ang talim ng tabak ng Bakunawa. Malakas na yumanig ang paligid nang magpang-abot ang kapangyarihan ng mga ito. Walang tinag na nagsukatan ng lakas ang dalawang lalaki at mabalasik na nagtagisan ng tingin habang hinihintay ang utos ng kani-kanilang mga panginoon. Kumilos si Bunag upang gumanti. Ngunit maagap itong pinigilan ng diyos ng Kasamaan.

"Tumigil na kayong dalawa!"

Natigilan si Bunag, sinulyapan naman ni Xeres ang nakamasid na si Bulan Mayari para humingi ng pahintulot. Umiling ang diyosa ng Buwan at agad na nilayuan ni Xeres si Bunag. Lumukso ito at bumalik sa tabi ng babae. Mabilis namang tumabi si Bunag upang bigyang-daan ang palapit na si Bulan Mayari.

"Nabigo na naman ang mga plano mong alisin sa iyong landas si Amanikable! Nawala na ang sumpa ng Kasanaan sa kanya at nagbalik na siya sa kanyang anyo bilang diyos. Hindi ko na kayang maghintay muli ng limandaang taon. Kukunin ko ang Kasanaan kay Maganda at ako na mismo ang papaslang sa traydor kong kakambal!" asik nito.

"Saan mo naman narinig ang balitang 'yan?"

"Kalat na sa buong Kaluwalhatian ang tsismis tungkol sa hangal na 'yon." Inginuso ni Bulan Mayari si Henry. "Pinabalik siya rito ni Bathala para sa isang misyon upang bawiin ang Kasanaan."

Isang nakakalokong ngiti ang gumuhit sa mga labi ng diyos ng Kasamaan. "Huwag kang mag-alala, nagsisimula pa lang ang mga plano ko. Hindi ko pa inilalabas ang huling alas ko," anang lalaki.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon